Karapatang Pantao Main Story

#PopeFrancisPH | Kaanak ng biktima ng karahasan ng Estado, dumudulog sa Santo Papa


“Nais kong hilingin kay Pope Francis na tulungan ang tatay ko na makalaya.” Ito ang pagsusumamo ng 10-anyos na si Joanna Mae, habang nagsusulat ng liham para kay Pope Francis na nakatakdang bumisita sa bansa sa Enero 15 hanggang 19. Sa isang pagtitipon ng kaanak ng mga biktima ng sapilitang pagkawala o desaparecidos, bilanggong pulitikal at mga biktima […]

Nanawagan ang mga kaanak ng mga biktima ng karahasan ng estado sa Santo Papa na tulungan silang makamit ang hustisya.  Macky Macaspac
Nanawagan ang kaanak ng mga biktima ng karahasan ng estado sa Santo Papa na tulungan silang makamit ang hustisya. Macky Macaspac

“Nais kong hilingin kay Pope Francis na tulungan ang tatay ko na makalaya.”

Ito ang pagsusumamo ng 10-anyos na si Joanna Mae, habang nagsusulat ng liham para kay Pope Francis na nakatakdang bumisita sa bansa sa Enero 15 hanggang 19.

Sa isang pagtitipon ng kaanak ng mga biktima ng sapilitang pagkawala o desaparecidos, bilanggong pulitikal at mga biktima ng ekstrahudisyal na pamamaslang, nanawagan sila kay Pope Francis na pakinggan ang kanilang hinaing para sa mga mahal sa buhay na nakakulong, pinaslang o nawawala dahil sa pampulitikang paniniwala.

Nanawagan din sila sa Santo Papa na tumulong sa pagkamit ng hustisya na matagal na nilang ipinaglalaban.

Sa kuwento ng ina ni Joanna, isinilang ang bata na nakakulong na ang kanyang amang si Cirilo sa Camp Bagong Diwa, Bicutan. Isang magsasaka sa probinsiya ng Quezon, pinaghinalaang isang rebelde ng New People’s Army at sinampahan ng kasong illegal possession of firearms at murder si Cirilo.

Si Joanna Mae kasama ang kanyang ina habang isinusulat ang kanyang hiling kay Pope Francis.  Macky Macaspac
Si Joanna Mae, kasama ang kanyang ina, habang isinusulat ang kanyang hiling kay Pope Francis. Macky Macaspac

“Masaya ako kung nakakasama ko si Tatay,”ani Joanna. Pero malulubos daw ang kanyang kasiyahan kung tuluyang makakalaya ang kanyang ama.

Tulad ni Joanna, nais din iparating ni Nikki Gamara, anak ni Renante Gamara na isang organisador ng mga manggagawa na inaresto at nakakulong dahil sa gawa-gawang kaso noong Abril 3, 2012.

Sabi ni Gamara, pareho ng ipinaglalaban ni Pope Francis ang ipinaglaban ng kanilang mga mahal sa buhay.

“Tuwing naririnig namin ang mga salita ng Santo Papa hinggil sa hustisyang panlipunan, tumitibay ang aming pag-asa na kasama namin siya at ang iba pang pinuno ng simbahan na makakamit namin ang hustisya,” ani Gamara.

Dagdag pa ni Gamara, nais din nilang makadaupang palad ang Santo Papa.

“Nais namin na ikuwento sa kanya ang panunupil at ang matagal na naming pakikibaka para sa hustisya. Ang aming mga mahal sa buhay ay inaresto nang ilegal at ikinulong, pinatay o di kaya’y nawala na lamang bigla dahil sa paniniwala nila (para sa) mapayapa at makatarungang lipunan,” aniya.

Sabi naman ni Erlinda Cadapan, ina ni Sherlyn Cadapan na biktima ng sapilitang pagkawala noon pang 2006 kasama ang kapwa-estudyanteng si Karen Empeno, hindi bago kay Pope Francis ang kanilang pinagdadaanan.

“Nangyari din sa bansa ni Pope Francis (Argentina) ang mga kaso ng desaparecidos, kaya’t alam na alam niya ito. Pero dito sa atin, nagpapatuloy pa rin ang ganitong mga kaso. Sana sa mga pinuno ng simbahang Katoliko, tularan nila ang Santo Papa na tumindig para sa mga biktima,” sabi ni Cadapan.

Nakatakdang maglunsad ng hunger strike ang mga bilanggong pulitikal, habang sisikapin naman ng kanilang mga kaanak na maiparating sa Santo Papa ang kanilang kalagayan.