Walang puntod na madadalaw
Tuwing Undas, tradisyon na ng mga Pinoy ang dalawin ang libingan ng mga yumaong kapamilya. Pero ang mga kaanak ng mga biktima ng sapilitang pagkawala, walang mapupuntahang puntod dahil hindi na natagpuan ang kanilang mga mahal sa buhay.
Nagdadalang-tao si Emily Garcia nang dukutin at sapilitang iwinala ang kabiyak niyang si Reynaldo Garcia sa noo’y munisipalidad ng San Juan sa Kamaynilaan.
Madaling araw noong Mar. 28, 1987, papunta sa palengke si Reynaldo para bumili ng soft drinks para sa kanilang munting negosyo. Pero pumatak ang alas-siyete ng umaga, hindi pa rin siya nakakabalik.
Pumunta si Emily sa palengke at nagtanong sa tindahan na inooderan nila ng soft drinks. Sabi doon, kinuha ng limang kalalakihang mukhang mga awtoridad si Reynaldo.
“Siguro may kaso ‘yong asawa mo,” banggit ng nasa tindahan. Inabot kay Emily ang isang pulang tsinelas, ang tsinelas ng kanyang asawa.
Miyembro si Reynaldo ng Kabataan para sa Demokrasya at Nasyonalismo (Kadena), isang organisasyong masa ng kabataan sa mga komunidad.
Napag-alaman ni Emily na dinampot ang asawa sa kanto ng N. Domingo Street at F. Manalo Street bandang alas-singko ng madaling araw. Alas-dos pa lang ng madaling araw, nakaposte na umano ang limang kalalakihan sa isang malapit na gasolinahan.

Nanganak si Emily ilang buwan matapos mawala ang asawa. Hindi man lang nasilayan ni Reynaldo ang anak. Hindi rin nakilala ng anak ang ama.
Una nang inaresto dahil sa gawa-gawang kaso si Reynaldo noong Ene. 21, 1982, panahon ng diktadura ni Ferdinand Marcos Sr. Inaresto siya sa isang birthday party. Sa piitan, nakaranas siya ng matinding tortyur.
Pinagbintangan siyang rebelde na bumaba mula kanayunan para umano magrekluta sa Kamaynilaan. Pero sa katotohanan, organisador ng Kadena si Reynaldo sa mga maralitang komunidad.
Nakalaya siya kalaunan ngunit limang taon matapos ang unang aresto, sa ilalim naman ng rehimen ni Corazon Aquino, muli siyang dinampot ngunit hindi na muling nakita. Edad 23 si Reynaldo noong siya’y naging desaparecido.
Krimeng nagpapatuloy at walang katapusan
Hiniram mula sa wikang Espanyol ang salitang “desaparecido” na nangangahulugang “disappeared” sa Ingles o “nawawala” sa Filipino.
“Sinasaklaw ng salita ang walang katapusang tortyur, walang hanggang paghihintay, paghihirap, kawalang katiyakan at pangungulila sa mga miyembro ng pamilya na nakararanas din ng walang patumanggang panliligalig mula sa mga puwersa ng estado,” ani Edita Burgos, ina ng nawawalang aktibista at tanggol-magsasakang si Jonas Burgos, sa wikang Ingles sa isang pagtitipon noong Agosto.
Ayon sa grupong Karapatan, isang nagpapatuloy na krimen ang sapilitang pagkawala dahil mayroong pagtatanggi ang estado sa kustodiya, kinaroroonan at kalagayan ng biktima na nagdudulot ng matinding pag-aalala, pangungulila at pagkabalisa sa mga kaanak.
Kadalasan din silang nakararanas ng matinding pagkabalisa at kalungkutan dahil sa hirap ng paghahanap sa nawawalang kaanak.

Bagaman may mga interbensiyong sikolohikal at ekonomiko ang mga grupo tulad ng Karapatan at Desaparecidos sa mga kaanak, hindi nito lubos na nahihilom ang sugat na dulot ng krimen laban sa kanilang mahal sa buhay. Dala-dala nila ang bigat at sakit habang sila’y nabubuhay.
Liban pa sa pisikal at mental na pagod sa paghahanap at paghihintay, madalas pa nagiging puntirya ng mga ahente ng estado ang mga pamilya ng desaparecidos para supilin at takutin na huwag nang ituloy ang paghahanap.
Kuwento ni Mary Guy Portajada, ipinagkatiwala silang magkakapatid ng kanyang nanay sa mga kamag-anak matapos dukitin ang amang unyonistang si Armando Portajada. Edad 12 lang si Mary Guy noon na panganay sa tatlong magkakapatid.
“Dinala kami sa lola, sa kamag-anak namin, ako sa ninang ko. Kasi no’ng panahon din na ‘yon, pinasok din [ng mga ahente ng estado] ‘yong bahay namin kasi pinapatigil din ‘yong nanay ko sa paghahanap,” sabi ni Mary Guy sa isang panayam sa Pinoy Weekly.
Presidente ng unyon sa dating Coca-Cola Bottlers Philippines Inc. ang tatay niya. Nakikipag-usap noon ang unyon sa manedsment para sa collective bargaining agreement.
Tanghali ng Hul. 31, 1987, biglang may dumating na dalawang pulang kotse at dinampot si Armando sa labas ng dating opisina ng kompanya sa Makati City matapos niyang makipag-usap sa manedsment.
Maraming nakasaksi sa insidente dahil nakawelga noon sa labas ng tanggapan ang mga manggagawa ng kompanya.

Bago pa ang pagdukot kay Armando, nakatanggap na siya ng mga banta sa kanyang buhay para patigilin siya sa kanyang gawain sa unyon. Pero nagpatuloy siya sa pakikipag-usap para igiit ang mga demanda ng mga manggagawa sa manedsment.
Matibay ang paninindigan ni Armando para sa karapatan ng mga kapwa obrero. Tinanggihan niya lahat ng panunuhol.
“‘Bibigyan ka ng trabaho. Ang pamilya mo, bibigyan ng kabuhayan. Pag-aaralin ‘yong mga anak mo, bitawan mo lang ‘yong laban ng unyon.’ Ang tatay ko hindi pumayag sa ganoon,” wika ni Mary Guy.
Dinahas din ang pamilya ni Reynaldo. Kuwento ni Emily, nireyd ng mga ahente ng estado ang bahay ng kanyang biyenan para hanapin si Reynaldo na una nang dinukot sa San Juan.
Nang hindi matagpuan ang taong pakay, dinampot nila ang kapatid ni Reynaldo at kaibigan nito. Isinako at dinala sila sa Susana Heights sa Muntinlupa. Pinatay nila ang dalawa at pinalabas na nasawi sa isang engkuwentro.
Sabi ng mga saksi, patay na nang dalhin sa Susana Heights ang bayaw ni Emily. Ang kaibigan niya, pinatakbo tapos binaril. “Para kunwari may labanan,” sabi ni Emily.
Mala-batas militar na sitwasyon
Sa higit tatlong taong panunungkulan ngayon ni Ferdinand Marcos Jr., nakapagtala ang Karapatan ng 15 kaso ng sapilitang pagkawala. Kasama dito sina Dexter Capuyan at Bazoo de Jesus na dinukot sa Rizal noong Abril 2023; William Lariosa sa Bukidnon noong Abril 2024; at James Jazmines at Felix Salaveria Jr. sa magkahiwalay na insidente sa Albay noong Agosto 2024.
Nasa 30 naman ang mga dinukot na muling nailitaw dahil sa matiyagang paghahanap ng mga kaanak at tanggol-karapatan. Kasama dito sina Stephen Tauli na dinukot sa Kalinga noong Agosto 2022; Dyan Gumanao at Armand Dayoha sa Cebu noong Enero 2023; Jonila Castro at Jhed Tamano sa Bataan noong Setyembre 2023; at Eco Dangla at Jak Tiong sa Pangasinan noong Marso 2024.
Ayon sa mga kaanak ng desaparecidos, tila may batas militar ulit sa panahon ng anak ng diktador.
“Walang nagbago. Basta ‘yong ‘pag gumalaw ang militar, ganoon pa rin,” ani Emily.

Ayon kay Karapatan secretary general Cristina Palabay, may pagkakapareho ang mga pagdukot sa panahon ni Marcos Sr. at kasalukuyang rehimen ni Marcos Jr.
“Katulad noong panahon ng martial law, ang main target ng abductions and enforced disappearances ay mga political dissenters, those who you know advocate for social change,” ani Palabay. Parehas din aniya ang modus operandi ng mga puwersa ng estado.
“May [malinaw na indikasyon] na state perpetuated [ang krimen] dahil sa resources [na ginamit]. Siguro ang pinaka-emblematic dito, ‘yong nakita sa CCTV na pagdukot kay Felix Salaveria [Jr.], na napakaraming tao ang na-involve,” wika ni Palabay.
Kahit umano ang Commission on Human Rights Region V ay sinabing walang sinuman ang maaaring magkaroon ng ganitong klaseng rekurso kundi ang mga nasa kapangyarihan.
At kapag hinahanap na ng mga kaanak ang biktima ng pagdukot, walang nananagot. Todo tanggi ang mga puwersa ng estado sa nasa kustodiya nila ang hinahanap na indibidwal.
Paglabag ng estado sa sariling batas
Sa maraming beses na paghahanap ng mga tanggol-karapatan tulad ni Palabay sa mga biktima ng pagdukot, nakita niya kung paano lantarang nagsisinungaling ang mga pulis at sundalo na abalang pagtakpan ang krimen ng kanilang mga kabaro.
Ayon sa Anti-Enforced or Involuntary Disappearance Act of 2012, ipinagbabawal ang pagkakaroon ng lihim na lugar para sa detensiyon tulad ng mga safehouse. Kasama ang mga grupong Karapatan at Desaparecidos sa pagbubuo ng nasabing batas.
Sabi ni Palabay, kung noon dinadala pa sa mga kampo ng militar at mga safehouse ang mga dinukot para doon itago at pahirapan, ngayon kumukuha na sila ng ibang lugar tulad ng mga motel at mga resort.
Ganito ang nangyari kina Gumanao at Dayoha na ni-rescue sa isang resort sa Carmen, Cebu matapos ang ilang araw ng paghahanap sa kanila.

Noong Ene. 10, 2023, pagbaba nila ng barko sa pantalan sa Cebu City mula Cagayan de Oro City, sapilitang pinasakay ang dalawa sa isang van. Pagsakay sa van, piniringan, binusalan at ginapos ang magkasintahang aktibista na nagbakasyon sa pamilya para sa Kapaskuhan.
Tuwing nag-oorganisa ng paghahanap ang mga tanggol-karapatan, sinusuyod nila ang bawat estasyon ng pulisya at kampo ng militar, maging mga ospital at mga morgue, para hanapin ang nawawala.
Sa ilalim ng batas, kinakailangan maglabas ng sertipikasyon ng mga puwersa ng estado kung nasa kanila o wala sa kanilang kustodiya ang hinahanap.
Sa kasamaang palad, mismong mga tagapagpatupad ng batas ang lumalabag dito. Ni minsan, walang nahawakan ang mga tanggol-karapatan tulad ni Palabay na mga dokumento at sertipikasyon. Nakukuha pa aniyang magsinungaling ng mga ito na hindi nila alam na may ganoong batas na umiiral.

Giit niya, dapat buksan ang lahat ng libro ng National Task Force to End Local Communist Armed Conflict, Philippine National Police, Armed Forces of the Philippines, Office of the President at lahat ng mga ahensiyang may kinalaman sa mga operasyon ng mga puwersa ng gobyerno. Ito’y para masuri at makita kung ginagamit ang kaban ng bayan para sa pagdukot, sapilitang pagkawala at iba pang paglabag sa karapatang pantao ng mamamayan.
Nais ding makita ng Karapatan ang listahan ng lahat ng mga pag-aari at inuupahan ng militar at pulisya na maaaring ginagamit sa paglabag sa karapatan.
“Saan kinukuha ng mga ulol na ‘yan ‘yong pera, para pang-rent ng resort, pang-rent ng bahay somewhere para itago doon ‘yong mga tao, pang-hire ng mga sasakyan, pambayad doon sa mga [operatiba] who abduct people. If [these are] state perpetrated [crimes], money comes from state funds, [from] public funds,” ani Palabay.
Sa mga nawalan
Para kina Emily at Mary Guy, tanggap na nila na maaaring hindi na buhay ang mga kaanak na dinukot ng mga ahente ng estado. Parehong dinukot sina Reynaldo at Armando noong 1987, mag-aapat na dekada na ang nakalilipas.
Sa kabila ng pagtanggap sa maaaring naging kapalaran ng kani-kanilang mahal sa buhay, sandigan nila ang isa’t isa at iba pang kapamilya ng desaparecidos para makakuha ng lakas na magpatuloy sa buhay.
Naging boluntir si Mary Guy sa Desaparecidos para umalalay sa mga pamilya ng mga kapwa niya nawalan. Sumasama rin siya sa paghahanap ng mga dinukot.
Sa katunayan, kasama siya sa pag-iikot sa mga kampo para hanapin si Jonas Burgos. Marahil sumagi rin sa isip niya na sa ganoong uri ng lugar din dinala ang kanyang ama.
“Sabi [nga namin] e, kung makita mo ‘yong kamag-anak mo, parang [na-surface] mo rin ‘yong tatay ko,” sabi ni Mary Guy.

Para naman kay Emily, na ngayo’y malaki na ang anak at madalas naglalagi na lang sa bahay, kahit tanggap na niya na hindi na makikitang buhay ang asawa, nais pa rin niyang makita kahit ang mga labi nito dahil doon aniya matatapos ang kanyang paghahanap.
“Hanggang sa huli, ‘yong mga kamag-anak ay umaasa na makikita nila, buhay man o patay ‘yong kanilang kamag-anak,” aniya.
Ngayong darating na Undas, magkikita-kita ulit ang mga pamilya ng desaparecidos sa isang simbahan sa Kamaynilaan para doon sama-samang magtitirik ng kandila at mag-aalay ng bulaklak.
Pare-pareho silang walang puntod na pupuntahan, nangungulila, ngunit dala-dala sa kani-kanilang mga puso ang mga alaala ng kanilang minamahal na muli nilang sasariwain kasama ang iba pang tulad nilang nawalan.