Pamilya ng 2 aktibistang dinukot sa Rizal, nagpetisyon sa Korte Suprema


Iginigiit ng pamilya at mga grupo ng karapatang pantao na sa tulong ng isinumiteng mga petisyon na mailitaw sina Dexter Capuyan at Bazoo de Jesus na higit isang taon nang nawawala.

Naghain ng petisyon sa Korte Suprema ang mga pamilya ng mga dinukot na aktibista na sina Dexter Capuyan at Bazoo de Jesus para sa mga writ of amparo at habeas data noong Ago. 14.

Nag-ugat ang petisyon sa pagbasura ng Court of Appeals sa naunang petisyon para sa writ of habeas corpus at habeas data na isinumite noong 2023.

Iginigiit ng pamilya at mga grupo ng karapatang pantao na sa tulong ng isinumiteng mga petisyon na mailitaw ang dalawang aktibistang halos isang taon nang nawawala. Dinukot sina Capuyan at de Jesus sa Taytay, Rizal noong Abril 28, 2023.

“Naniniwala kami na buhay pa [sina] Dexter at si Bazoo. Hindi namin alam kung saan, hindi namin alam kung sino ang dumukot sa kanila, kung anong unit,” ni Antonio La Viña, abogado ng mga aktibista.

Dagdag pa ni La Viña, tiyak sila na estado ang nag-utos ng kanilang sapilitang pagkawala.

Pinaniniwalaan na mga ahente ng Criminal Investigation and Detection Group ang dumukot kay Capuyan at de Jesus, ayon kay Beverly Longid ng Kalipunan ng Katutubong Mamamayan ng Pilipinas (Katribu).

“Pananagutin natin ang [Philippine National Police at Armed Forces of the Philippines] para sa kanilang pagdukot at ang administrasyong Marcos Jr. para sa hindi pagkilos nito,” ani Longid.

Isang legal na remedyo ang writ of amparo na nagbibigay proteksiyon sa sinuman na hihiling nito sa korte dahil sa napatunayang banta sa kanilang buhay, kalayaan at seguridad.

Samantala, binibigyang daan naman ng writ of habeas data ang mga pamilyang Capuyan at de Jesus at mga abogado nila na makakuha ng impormasyon tungkol sa dalawa mula sa mga puwersang ng estado at mga pribadong institusyon na kaugnayan sa kaso.

Ayon sa human rights watchdog na Karapatan, mas mataas ang bilang ng mga biktima ng sapilitang pagkawala sa administrasyong Marcos Jr. kumpara sa termino ng dating Pangulong Rodrigo Duterte.

Sa kasalukuyan, may 12 biktima ng sapilitang pagkawala sa ilalim ng dalawang taon ng administrasyong Marcos Jr.