Kaanak ng 2 dinukot na tanggol-katutubo, binigyang proteksiyon ng korte


Pinagbabawalang makalapit ang mga puwersa ng estado na may layong isang kilometro sa anak ni Dexter Capuyan at kapatid ni Bazoo de Jesus, kabilang na ang kanilang mga pamilya.

Ginawaran ng temporary protection order ng Korte Suprema ang mga kaanak ng mga dinukot na aktibistang sina Dexter Capuyan at Bazoo de Jesus habang dinidinig pa ng Court of Appeals ang petisyon sa mga writ of amparo at habeas data.

Dinukot ng mga nagpakilalang ahente ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) ng Philippine National Police (PNP) sina Capuyan at de Jesus sa Taytay, Rizal noong Abril 23, 2023.

Sa en banc resolution ng Korte Suprema noong Set. 2 na isinapubliko nitong Nob. 22, pinagbabawalang makalapit ang mga puwersa ng estado na may layong isang kilometro kina Gabrielle Capuyan, anak ni Capuyan, at Idda de Jesus-Tiongco, kapatid ni de Jesus, kabilang na ang kanilang mga pamilya.

Pinangalanan ng resolusyon sina PNP chief Gen. Benjamin Acorda Jr., CIDG chief Maj. Gen. Romeo Caramat Jr., Armed Forces of the Philippines (AFP) chief of staff Gen. Romeo Brawner Jr., AFP Civil Relations Service chief Maj. Gen. Ramon Zagala at 1st Civil Relations Group chief Maj. Al Anthony B. Pueblas, kabilang ang mga yunit sa ilalim nila.

Kasama rin sa mga pinagbawalan ng korte na makalapit sa mga pamilyang Capuyan at de Jesus ang mga pribadong indibidwal na sina Lorraine Badoy-Partosa at Jeffrey Celiz na nakilala sa paninira at pagbabansag na “terorista” sa mga aktibista at kritiko ng pamahalaan.

Ikinatuwa naman ng Desaparecidos, organisasyon ng mga pamilya ng mga biktima ng sapilitang pagkawala, ang desisyon ng Korte Suprema.

Ito ang ikalawang paghingi ng mga pamilya nina Capuyan at de Jesus ng mga writ of amparo at habeas data matapos ibasura ng apeladong hukuman ang naunang petisyon noong Setyembre 2023.

“Umaasa kami na kakatigan na ng Court of Appeals ang [ikalawang] petisyon ng mga pamilya ng biktima ng pandurukot upang malantad ang katotohanan sa kanilang pagkawala,” ani Desaparecidos secretary general Ma. Cristina Guevarra.