Isang pagdiriwang ng kaarawan


Sa ika-28 kaarawan niya, nariyan pa rin naman ang mga handa at bisita, ngunit wala si Bazoo. Ang paalala na may kaarawang ipinagdiriwang ay ang mga tarpaulin ng mga panawagan at larawan.

Hindi ganito ang kaarawang gusto nating ipagdiwang: maraming handa, maraming bisitang kapamilya, kaibigan at katrabaho, maraming bumabati ngunit wala ang nagdiriwang ng kaarawan. 

Noong isang taon, hindi ganito ang selebrasyon ng kaarawan ni Gene Roz Jamil de Jesus o Bazoo. Maagang nagdiwang ng kaarawan si Bazoo kasama ang kanyang pamilya—maraming handa, may regalo, may video call mula sa mga magulang na nasa ibang bansa.

Sa kanyang Facebook post, abot-tenga ang kanyang ngiti—indikasyon na masayang-masaya siyang makasama ang mga mahal sa buhay sa simpleng selebrasyon ng kanyang ika-27 taon.

Sa ika-28 kaarawan niya, nariyan pa rin naman ang mga handa at bisita, ngunit wala si Bazoo. Ang paalala na may kaarawang ipinagdiriwang ay ang mga tarpaulin ng mga panawagan at larawan.

Halos isang taon na mula nang dinukot siya sa Taytay, Rizal noong Abril 28, 2023 kasama si Dexter Capuyan na kapareho niyang nagsusulong ng karapatan ng mga katutubong mamamayan.

Ayon sa ulat ng Cordillera Human Rights Alliance (CHRA) at human rights watchdog na Karapatan, puwersahang isinakay sina Capuyan at de Jesus gabi noong petsang iyon ng mga hinihinalang puwersa ng Criminal Investigation and Detection Group ng Philippine National Police (PNP).

Wala pa ring balita kung kumusta na sila at ano ang kanilang kalagayan maliban sa pagtanggi ng PNP at militar na nasa kanilang kustodiya ang dalawa. 

Bilang pag-alala sa kaarawan ni Bazoo, nag-organisa ang pamilya at mga kaibigan niya ng misa sa Malolos, Bulacan sa araw ng kanyang kaarawan. Dumalo ang mga kaanak, kaibigan, katrabaho at mga grupong nagsusulong ng karapatang pantao upang manalangin na manaig ang katotohanan at katarungan sa kabila ng kawalang tugon ng gobyerno sa panawagan ng paglitaw kina Bazoo at Dexter.

Ayon kay Mercedita “Dittz” de Jesus, ina ni Bazoo, isang taon na mula nang dinukot ang dalawa ngunit wala pa ring ginagawa ang gobyerno. “Napakasakit para sa isang pamilya ang mawalan ng mahal sa buhay, hindi mo alam kung nasaan, kung sila ba ay buhay pa o patay na.”

Nag-organisa ng misa ang mga kaanak, kaibigan, katrabaho ni Bazoo de Jesus at mga grupong nagsusulong ng karaptang pantao sa Malolos, Bulacan noong Abril 24. Roda Tajon/Pinoy Weekly

Bumuhos ang luha sa simbahan habang nagsasalita ni Nanay Dittz. Aniya, pinipilit nilang bumalik sa normal ang kanilang buhay sa kabila ng nangyari. Isang overseas Filipino worker si Nanay Dittz at umuwi sa Pilipinas nitong buwan upang ipagpatuloy ang paghahanap sa nawawalang anak. Labis-labis na pag-aalala at hirap sa kalooban ang dinulot ng pagdukot at sapilitang pagkawala ni Bazoo.

“Napakahirap na isipin sa gabi na pag-uwi ko sa bahay, wala ‘yong dating dinadatnan ko, wala ‘yong dating tumatawag sa iyo,” lumuluhang ibinahagi ni Nanay Dittz sa simbahan. 

Matapos ang misa, nagsindi ng kandila at nag-alay ng maikling panalangin ang mga kapamilya, kaibigan, katrabaho at kasama upang “gabayan at mabigyang liwanag ang daan” patungo sa katotohanan at katarungan.

Pagkatapos, nagkaroon ng simpleng salo-salo at naging laman ng talakayan at kuwentuhan si Bazoo. Mayroon pa ngang birthday banner na may nakasulat na: “Birthday Wish: Bring Bazoo Home.”

Bago mawala si Bazoo, naglilingkod siya bilang information and networking officer ng Philippine Task Force for Indigenous Peoples’ Rights (TFIP), isang non-government organization na naglilingkod sa mga katutubong mamamayan. Dati rin siyang lider-kabataan sa University of the Philippines Baguio.

Inilaan niya ang kanyang panahon sa paglilingkod sa mga komunidad ng Cordillera, partikular sa mga pag-oorganisa sa mga katutubo at pagkakampanya sa kanilang mga isyu.

Samantala, ayon sa ulat ng gobyerno, inaakusahang lider ng New People’s Army si Dexter at nasa listahan ng wanted ng mga militar na may patong na P2 milyon. 

Nagpailaw ng mga lampara para kina Dexter Capuyan at Bazoo de Jesus ang mga estudyante ng University of the Philippines Diliman noong Abril 26 bilang simbolo ng liwanag sa paghahanap sa dalawang dinukot na aktibista. Marc Lino Abila/Pinoy Weekly

Matapos ang pagdukot kina Bazoo at Dexter, sinuyod ng pamilya, mga kaibigan at mga human rights advocates ang mga himpilan ng pulisya, kampo ng militar at mga posibleng pagdalhan sa dalawa. Sa Baguio, Tarlac, Rizal at Kamaynilaan, kinatok ng mga nagmamahal at nakikiisa kina Dexter at Bazoo ang mga pintuan ng mga pasista sa pag-asang naroon sila’t nakapiit, buhay at ligtas. Ngunit mailap, maramot at madalas, mapanlinlang ang pulisya’t miltar.

Naghain din ng petisyon para sa writ of habeas dorpus ang mga pamilya de Jesus at Capuyan ngunit sa kalaunan’y ibinasura. Wala pa ring liwanag sa nangyari sa kanila.

Sa kabila nito, umaasa pa rin sina Nanay Dittz at ang kapatid ni Bazoo na si Idda na babalik nang buhay si Bazoo at maging si Dexter. Pinipilit pa rin nilang magpatuloy at kumayod sa abot ng kanilang makakaya upang hanapin at ipanawagan ang paglitaw sa dalawang nawawala kasama ang pamilya Capuyan.

Para kay Nanay Dittz, “Sana nga ay makasama pa rin natin siya at ilitaw na siya at lahat ng mga desaparecidos ng mga dumukot sa kanila.”