Alay sa mga winala, nawala at nawalan
Bawat piraso ng damit, nagsisilbing alaala, tanong at sigaw ng mga pamilyang nawalan ng mahal sa buhay.

Bilang pagkilala at panawagan para sa libo-libong Pilipinong biktima ng sapilitang pagkawala o desaparecidos sa ilalim ng karahasan ng mga nagdaang rehimen sa bansa, binuksan ang isang art installation noong Mayo 19 sa University of the Philippines Fine Arts Gallery.
Pinamagatang “Winála, Nawawala, Nawalan,” ang eksibit ay bahagi ng graduate thesis ni Ides Macapanpan, isang guro, artista ng bayan at aktibistang matagal nang nagtatanggol sa mga karapatan ng mamamayang api.
Binubuo ng 2,000 damit ang eksibit ni Macapanpan. Simbolo ang mga damit ng mahigit 2,000 kataong sapilitang winala ng mga puwersa ng estado mula sa panahon ni Ferdinand Marcos Sr. hanggang sa kasalukuyang administrasyong Marcos Jr. Bawat piraso ng damit, nagsisilbing alaala, tanong at sigaw ng mga pamilyang nawalan ng mahal sa buhay.
Para kay Macapanpan, ang kanyang likhang obra ay hindi lang pag-alala sa mga winala ng estado, kundi isang kolektibong panata ng mga pamilya, kaibigan at mga nawalan na patuloy na naghahanap at nananawagan para sa kasagutan at hustisya.
Ang eksibit ay bukas sa publiko hanggang Mayo 31 at inaasahang magiging sentro ng diskusyon at pagkakaisa ng mga artista, aktibista, estudyante at mamamayan sa patuloy na pakikibaka laban sa kawalang katarungan o impunity sa ating bansa.