Karapatang Pantao

Ilang tala mula sa dalawang dekadang pagkawala nina Karen at Sherlyn


Sa nangyari kina Karen at Sherlyn namin naunawaan kung gaano kasahol ang sapilitang pagkawala, hindi lang para sa mga biktima kundi sa kanilang mga pamilya.

Isang umaga, ilang araw bago matapos ang Hunyo 2006, may kumakatok sa pinto ng tinutuluyan naming bahay sa Krus na Ligas, Quezon City. Pagbukas ng pinto, walang ngiting sumalubong sa amin. Kaagad na sinabi ng dumating, “Dinukot sina Karen at Sherlyn.” Dinukot daw sila kasama ng isang magsasaka na kinilalang si Manuel Merino.  

Hindi kami agad nakasagot at pilit inunawa ang mga salitang gumising sa amin nang umagang iyon. Bagama’t ‘di pa kumpleto ang impormasyon sa pangyayari, ang kasunod naming tugon ay kung ano ang gagawin. 

Alam na namin noon ng mga kasabayan na nangyayari ang sapilitang pagkawala o enforced disappearance. Libo-libo na ang mga aktibista at ordinaryong mamamayan ang naging desaparecido mula pa noong batas militar ng diktadurang Marcos Sr.

Gayunman, ito ang unang beses na ang dinukot o nawawala ay malapit sa amin. Mga kasama, kaibigan, at kakilala na nakasama sa eskuwelahan, sa lansangan at sa pagkilos. Pare-pareho kaming mga kabataang aktibista.

Si Sherlyn Cadapan, o She, ay dating college representative ng College of Human Kinetics at organizer mula sa Anakbayan. Si Karen Empeño, ay mag-aaral ng sociology, founding member ng UP Praxis at kasapi ng League of Filipino Students.

Kaagad na nag-organisa ng pagtitipon sa lobby ng Palma Hall o AS Lobby ng University of the Philippines Diliman para sa isang press conference at indignation protest. Ibinalita at kinondena ang pagdukot kina Karen at She.

Naalala ko na isang buwan lang bago ito, nagkasalubong kami ni Karen sa may Philcoa. Nagtilian, yumakap at nagtanungan ng “Kumusta?!” sa pareho naming matitinis pang boses. Magkikita raw sila ng kanyang mga magulang. Wala na akong ibang nasabi kundi “Ingat!” Iyon na pala ang huli naming pagkikita.

Sa AS Lobby ko na nakilala sina Concepcion “Nay Coni” Empeño, ina ni Karen, at gayundin si Erlinda “Nay Linda” Cadapan, ina ni Sherlyn. Maingay pero mabigat ang pakiramdam sa AS Lobby. Laman nito lagi dati si Karen bilang kanyang kolehiyo. Pero nang araw na iyon, ang naglipana sa lobby ay ang mga larawan nila na may salitang “Palayain!”

Ang unawa namin noon, dinakip sila at maaaring makitang nakakulong, kung saan man sila dinala ng mga dumukot sa kanila. Pero hindi pala ganoon ang gagawin sa kanila. Kung paano silang patraydor na dinukot noong madaling araw noong Hunyo 26, 2006 ng mga sundalo sa tinutuluyan nilang bahay ng magsasaka sa Hagonoy, Bulacan, patraydor din silang hindi ipapakita at iwawala—mula sa kanilang mga magulang, mga kaibigan at mga kasama.

Sina Erlinda Cadapan (kaliwa), ina ni Sherlyn, at Concepcion Empeño (kanan), ina ni Karen sa isang programa sa paggunita sa ikalawang dekada ng pagdukot at sapilitang pagkawala ng kanilang mga anak. Marty Apuhin/Pinoy Weekly

Sa nangyari kina Karen at Sherlyn namin naunawaan kung gaano kasahol ang krimen ng sapilitang pagkawala, hindi lang para sa mga biktima mismo kundi sa kanilang mga pamilya na naghahanap sa kanila.

Naalala ko ang mensahe ng pangungumusta ni Karen sa isang kaibigan, sa pamamagitan pa ng Friendster, ilang buwan bago sila dinukot. Nananalasa daw noon ang lupit ni Jovito Palparan sa probinsiya.

Marami ang inorganisang search mission para hanapin sina Karen at Sherlyn. Matagal ang tinakbo ng mga araw na naging linggo, na naging buwan at naging taon. Inikot ng mga nanay, ng mga tanggol-karapatan at mga kapwa-kaanak ng desaparecidos, ang maraming kampo, estasyon ng pulis, maging mga ospital at punerarya sa Central Luzon.

Idinulog ang kaso nila sa mga opisina ng gobyerno, sa Commission on Human Rights, hanggang sa Korte Suprema.

Nakasama ako sa isang solidarity mission na nagtungo sa ilang kampo noon sa Central Luzon. Matagal bago kami pinapasok ng mga sundalo sa isang kampo. Nang pumayag silang papasukin kami, pinapunta kami ng mga sundalo sa isang kubo, sa bukana lang ng kampo.

Habang nakikipag-usap si Nay Linda sa mga sundalo, iginala ko ang paningin ko. Sa malayong bahagi ng kampo, naroon ang bungalow na barracks ng mga sundalo. Marami palang nakasilip na mga sundalo sa likod ng kahoy na mga bintana. Wala ni isang nasa labas. Lahat sila nasa loob at mula roon nag-uusyoso.

Umalis na kami sa kampo matapos sabihin ng opisyal na wala daw sina Karen at Sherlyn doon. Tandang-tanda ko kung paanong gusto kong isigaw ang mga pangalan nila Karen at Sherlyn sa pag-asang nandoon sila at itinatago para marinig nilang may naghahanap sa kanila.  

Tuloy-tuloy naman naming isinigaw ang mga pangalan nila sa maraming pagkilos na nanawagang ilitaw sila at magbigay-alam kung sinuman ang may impormasyon tungkol sa kanila. Malayo ang inabot ng mga sigaw, ‘di lang sa Kamaynilaan, sa iba’t ibang lugar sa bansa, hanggang sa ibayong dagat. Nadagdagan pa noon ang mga dinukot at nawawala. Umabot sa 206 desaparecidos ang dinukot at iwinala sa ilalim ng Oplan Bantay Laya ni Gloria Macapagal-Arroyo, ayon sa tala ng Karapatan.

Mula sa bibig mismo ni Arroyo, ipinangalandakan niyang isang patakaran ang pagdukot at pagkawala. Sa isa sa kanyang mga State of the Nation Address, pinuri niya si Palparan bilang magiting na nakikipaglaban sa mga “kaaway ng estado.”

Maraming beses na na-promote ang dating heneral dahil dito, kasama na ang pagdukot kina Karen at Sherlyn, at sa extrajudicial killings o pagpatay sa mga lugar kung saan siya nadestino, laban sa mga tinawag nilang “kaaway ng estado.”

May dalawang magkapatid na magsasakang dinukot din ng mga sundalo, pero nakatakas. Nagpatunay sila na nakasama nila sina Karen at Sherlyn sa isang makeshift na kampo sa Bataan. Hindi mababali ang kanilang testimonya, mula sa mga lugar, pangalan, hanggang kulay ng mga gamit sa kampo.

Naging saksi ang isa sa kanila sa korte at nagpatunay na pinahirapan at tinortyur sina Karen at Sherlyn. Mahirap basahin ang mga tala ng pagpapahirap sa kanila, ngunit dito namin naunawaan na walang kinikilalang batas ang militar na dumukot sa kanila. Walang kinikilalang buhay at karapatan ang mga berdugo.

Nalaman daw nina Karen at Sherlyn na sila ay hinahanap, sa pamamagitan ng isang pakalat-kalat na diyaryo sa loob ng kampo. Nagbalak daw silang tumakas, pero lalo pa silang pinahirapan. Isang pangako ang naging kasunduan nila noong pare-parehong silang nasa kamay ng mga militar—sinuman ang makatakas ay magsasalita tungkol sa ginawa sa kanila.

Ito nga ang ginawa ng naging testigo sa kasong isinampa ng mga nanay nina Karen at Sherlyn laban kay Palparan. Humarap siya sa maraming pagdinig, ang huli ay sa Malolos Regional Trial Court kung saan isinampa ang kasong two counts ng kidnapping with serious illegal detention laban kay Palparan. Dahil dito, sinintensiyahan si Palparan ng reclusion perpetua sa New Bilibid Prison. 

Pagtitipon ng mga kaanak ng mga desaparecido at tanggol-karapatan sa University of the Philippines Diliman noong Hunyo 26, 2026 para manawagan ng katarungan para sa lahat ng biktima ng sapilitang pagkawala. Marty Apuhin/Pinoy Weekly

Alam namin na ito ang isang bagay na hindi kailanman gagawin ng mga sundalong dumukot at nagpahirap kina Karen at She. Mananatili silang tahimik at tikom ang bibig, tulad ng gusto nilang mangyari kung bakit nila dinudukot o pinapaslang ang mga aktibista at maging ordinaryong mamamayan.

Dalawampung taon nang nawawala sina Karen at Sherlyn. Kasama pa rin namin sina Nay Linda at Nay Coni, naghahanap ng hustisya, kasama ang marami pang mga kaanak ng mga nawawala. Nagkaedad na kami ng maraming kasabayan, kasama at kaibigan.

Ngayon, mas nauunawaan na namin na walang kahihinatnan ang pananahimik kung ninanakaw ang buhay at karapatan ng mga mamamayan. Sana, ito rin ang maging pangako ng bawat isa sa atin: kailangang magsalita at sumigaw. Kailangang maunawaan ng pinakamarami ang mga karapatan nila at ang ginagawang paglabag dito ng estado.

Dahil kung gusto ng mga nasa kapangyarihan na manahimik tayo, ang patuloy na pagkawala nila Karen at Sherlyn ang isa sa mga dahilan kung bakit dapat din natin silang biguin.

Lalo na ngayon, ginagamit pa rin nila ang pagdukot at sapilitang pagkawala laban sa mamamayang naghahangad ng hustisya, at kalayaan mula sa pang-aapi at pagsasamantala—ang mismong mga dahilan kung bakit nasa piling ng mga magsasaka sina Karen at Sherlyn. 

Dumating man ang araw na ilitaw sila o hindi, o malaman natin ang kanilang kinalalagyan at kalagayan, patuloy naming itatala at isisigaw ang kanilang mga pangalan: Karen Empeño at Sherlyn Cadapan, mga desaparecido. Ilitaw! Hustisya!