Scope Out

#AyokoMagmahal at iba pang hugot sa Buwan ng Pagmamahal


Pebrero na naman. Buwan na naman ng pagmamahalan ng tuition, wika nga ng mga grupo ng kabataan. Kabi-kabila na naman ang mga konsultasyon kuno ng mga administrador ng malalaking paaralan sa bansa. Nasa ikatlong trending topic ang #AyokoMagmahal ngayong gabi sa Twitter sa buong Pilipinas. Ngayon kasi ang bisperas ng konsultasyon sa nakaambang lima hanggang […]

Pebrero na naman. Buwan na naman ng pagmamahalan ng tuition, wika nga ng mga grupo ng kabataan. Kabi-kabila na naman ang mga konsultasyon kuno ng mga administrador ng malalaking paaralan sa bansa.

Nasa ikatlong trending topic ang #AyokoMagmahal ngayong gabi sa Twitter sa buong Pilipinas. Ngayon kasi ang bisperas ng konsultasyon sa nakaambang lima hanggang walong porsiyentong pagtaas ng matrikula sa Univeristy of Santo Tomas (UST) sa Maynila at maraming mag-aaral nito ang aktibong nagpapahayag ng pagtutol sa isa na naming pagtataas ng bayarin sa nasabing pamantasan.

Sa pagbabasa ng ilang tweets, ang daming hugot ng mga Thomasian sa isa na naming pagtaas ng matrikula sa UST. Hindi naman siguro magiging trending ang #AyokoMagmahal na pinasimulan ng mga organisasyon sa UST na tutol sa tution increase kung hindi sila apektado nito.

Sa katunayan, halos taun-taon na kung magtaas ng tuition, hindi lamang ang UST, kundi marami sa malalaking pribadong pamantasan sa buong bansa. Noong Hunyo 2014, umabot ng 287 na private higher educational institutions (PHEI) ang pinayagan ng Commission on Higher Education (CHED) na magtaas ng TOSF mula sa 345 na nagsumite ng proposal for increase. Karamihan dito ay mayor at malalaking PHEIs sa mga urban center ng Pilipinas.

Sa isang consultative forum sa Kamara nitong nakaraang Pebrero 16, sinabi ni Cong. Mariano Piamonte Jr. na maliit na bahagi lang ng mahigit 2,500 na PHEI sa bansa ang 287 na paaralang nagtaas ng bayarin. Tinawag pa niyang “isolated cases” ang mga tuition hike na ito.

Ngunit tingnan natin kung ilang mag-aaral ang apektado. Sabihin nating may 5,000 hanggang 20,000 ang populasyon ng mga ito dahil malalaking paaralan kadalasan ang nagtataas ng bayarin kada taon. Sabihin nating 10,000 ang average na populasyon ng isang malaking unibersidad sa Pilipinas. Kung 200 ang nagtaas ng bayarin, aabot sa dalawang milyong estudyante ang apektado. Milyong pamilya sa buong kapuluan ang pahihirapan ng pagtaas ng bayarin sa mga paaralan. Hindi kataka-takang maliit ang bilang ng mga Pilipinong nakakatapos ng kolehiyo at dumarami ang out-of-school youth o pinili na lamang maghanapbuhay dahil ‘di na kayang matustusan ang pag-aaral.

Oo, kailangan nga naman talagang maningil ng mga pribadong paaralan para magpatuloy. Ngunit ang paniningil nang sobra-sobra at pagkamahal-mahal na bayarin at pagkakitaan ang mga estudyante at magulang ay isang inhustisya.

Maliban sa tuition, nariyan rin ang other school fees (OSF). Talamak ito sa maraming pamantasan, maging sa state universities and colleges (SUC). Pinakasikat sa mga OSF na ito ang iba’t ibang porma ng development fee. Nagkakahalaga ng mula sa P100 hanggang P2,000 ang mga development fee na ito na ginagamit diumano para sa pagpapagawa ng mga bagong pasilidad at iba pang kagamitan sa pag-aaral na hindi naman responsabilidad na bayaran ng mag-aaral kung hindi naman niya ito magagamit agad. May ilang paaralan rin na mas mataas pa sa matrikula ang OSF na kanilang binabayaran.

Nariyan ang mga OSF na Energy Fee, Aircon Fee, Power Plant Development Fee, Sports Development Fee, Athletic Fee, PE Fee, Charity Fee, Donation Fee, Spiritual Fee (Hindi ko talaga maintidihan kung bakit may ganito sa ilang Katolikong paaralan. Ito ba ay porma ng indulgecia plenaria? Ewan ko ba.), at kung anu-ano pang bayarin na nais singilin sa mga estudyante na hindi naman na dapat sinisingil.

Halos taun-taon na lang ay walang pakundangang nagtataas ng tuition and other school fee (TOSF) ang mga paaralan na hindi naman maayos na nakonsulta sa mga mag-aaral at magulang.

Ang CHED Memorandum Order No. 3, series of 2012 (CMO 3) na nagtatakda ng kondukta ng mga konsultasyon sa TOSF increase ay hindi tunay na sinusunod ng mga paaralan batay sa mga kasong naitala ng Rise for Education Alliance kasama ng National Union of Students of the Philippines at College Editors Guild of the Philippines. Inamin na rin mismo ng mga opisyal ng CHED sa consultative forum sa Kamara nitong nakaraang Pebrero 16 na wala silang sapat na kakayahan at makinarya upang i-monitor ang mga konsultasyon. Nagagawa ring paikutin ng mga administrador ng paaralan ang CMO 3 upang maisakatuparan ang pagtaas ng TOSF sa mga kolehiyo at pamantasan sa bansa.

Kadalasan rin, kung magpapahayag ng pagtutol ang mga estudyante ay natutuloy pa rin ang pagtaas. Maraming kaso rin ng mga bogus consultation ang naitala ng mga organisasyon ng kabataan sa pamamagitan ng Tuition Monitor na hindi naman talaga konsultasyon kundi anunsyo na lamang ng pagtaas. Walang magawa ang ilang mag-aaral at magulang dahil patuloy naman ang pag-apruba ng CHED sa mga ito. May ilang piniling lumaban ngunit nakaamba ang represyon sa mga estudyanteng aktibong tumututol.

Nagsampa rin ang mga mag-aaral ng reklamo sa CHED laban sa mga paglabag ng mga administrador ng paaralan sa CMO 3, ngunit hanggang sa ngayon ay wala pa ring aksyon ang CHED. Kinasuhan na rin ng mga mag-aaral ang mga opisyal ng CHED sa Office of the Ombudsman dahil sa kawalang aksyon at kainutilan ng CHED sa pagkontrol sa mga bayarin sa mga kolehiyo at unibersidad.

Ang lahat ng ito rin ang dulot ng patuloy na deregulasyon sa edukasyon na nakabatay sa Education Act of 1982 na nagbibigay laya sa mga paaralang magtaas ng mga bayarin. Patuloy rin ang pagtutulak ng pamahalaang Aquino sa komersiyalisasyon ng edukasyon. Ang pagtutulak na maging self-reliant ang mga SUC sa pondo sa pamamagitan ng socialized tuition system, pagpapaupa sa lupain ng SUC sa malalaking negosyo, paniningil ng OSF at iba pang porma ng income generating projects.

Hangga’t nananatili ang mga polisiya ng deregulasyon at komersiyalisasyon sa sektor ng edukasyon, magpapatuloy ang mga pagtaas ng bayarin sa paaralan at patuloy na inilalayo ang kabataan sa edukasyon na dapat ay isang karapatang kanyang tinatamasa.

Marami pa kong hugot dito sa isyu na ‘to. Pero puputulin ko muna dito.