Scope Out

‘Pag nagmahal (ang tuition and other school fees), laging may nasasaktan


‘Di pa rin natatapos ang laban ng kabataan at mag-aaral sa pagtaas ng tuition and other school fees (TOSF) at patuloy na deregulasyon at komersiyalisasyon ng edukasyon. Mariin ang pagtutol ng mga estudyante sa buong bansa sa mga nagdaang linggo. Ipinamalas ng kabataan ang kanilang ‘di pagsang-ayon sa isa na namang round ng pagtaas ng […]

‘Di pa rin natatapos ang laban ng kabataan at mag-aaral sa pagtaas ng tuition and other school fees (TOSF) at patuloy na deregulasyon at komersiyalisasyon ng edukasyon.

Mariin ang pagtutol ng mga estudyante sa buong bansa sa mga nagdaang linggo. Ipinamalas ng kabataan ang kanilang ‘di pagsang-ayon sa isa na namang round ng pagtaas ng mga bayarin sa mga kolehiyo at pamantasan.

Sa taya ng Rise for Education Alliance (R4E), may 400 na unibersidad at kolehiyo sa buong bansa ang magtataas ng TOSF. Milyong estudyante na naman ang pahihirapan o titigil sa pag-aaral dahil sa pagtaas ng bayarin sa paaralan.

Kamakailan, may isa na namang mag-aaral ang nagpatiwakal dahil ‘di mabayaran ang gastusin sa unibersidad. Si Rosanna Sanfuego, isang freshie sa Cagayan State University (CSU), ay nagawang kitilin ang sariling buhay dahil sa ‘di na kayang matustusan ng kanyang pamilya ang kanyang pag-aaral. Tuition-free ang CSU at miscellaneous fees o other school fees (OSF) na nagkakakahalaga ng P2,800 at iba pang gastusin sa kanyang pag-aaral ang ‘di na kayang tugunan ng kanyang mga magulang.

Tulad ng Kristel Tejada ng University of the Philippines Manila dalawang taon na ang nakalilipas, si Rosanna ay isa ring biktima ng mga ‘di makatarungang polisiya ng administrasyong Aquino na ibayong deregulasyon at komersiyalisasyon ng edukasyon at ipaubaya ito sa pribadong sektor na magbubunga sa mas matataas na bayarin.

Samantala, sa nakaraang pulong ng Board of Regents ng Polytechnic University of the Philippines (PUP), pinigilan ng mga iskolar ng bayan na maipasa ang halos 1600 porsiyentong taas-matrikula sa PUP sa papasok na senior high school students. ‘Di pa kasama dito ang libu-libong OSF at papatak sa P16,000 ang babayaran ng senior high school students ng PUP. PUP pa rin hanggang sa kasalukuyan ang may pinakamababang matrikula sa buong bansa na may P12 kada yunit na.

Sinabi ni President Emmanuel de Guzman ng PUP na sinungaling ang mga mag-aaral na humarang sa mga dadalo sa pulong na walang taas-singil sa PUP. Kamuntik na siyang kuyugin ng mga mag-aaral noong lumabas siya at sabihing walang taas-singil sa PUP. Ngunit malinaw sa agenda ng pulong sa kopya ni Student Regent Alexi Tiotangco na may dagdag-singil sa mga mag-aaral ng senior high school na tatanggapin ng PUP sa susunod na pasukan.

Sa patuloy na pagpapatupad ng mga polisiya tulad ng Education Act of 1982 at Higher Education Modernizaton Act of 1997, patuloy ang pagpapahintulot ng pamahalaan kasabwat ang Commission on Higher Education (CHED) ang walang tigil na pagtaas ng bayarin sa private higher educational institutions (PHEI) sa bansa. Parang isang stamp pad na lang ang CHED na tagaapruba na lamang ng pagtaas ng mga bayarin dahil nasa mismong polisiya ng estado na hayaang magtaas ang matrikula at iba pang bayarin.

Nakararanas rin paghihirap ng mga mag-aaral sa state universities and colleges (SUC) dahil ibinibigay ng Education Act of 1982 sa governing boards (Board of Regents o Board of Trustees) ang kapangyarihang magdesisyon sa mga bayarin na walang kaukulang konsultasyon sa mga mag-aaral.

Kadalasan sa loob ng mga board, may student regent o trustee man, hindi napapakinggan ang boses ng mga mag-aaral na siyang mayorya na maaapektuhan ng taas-bayarin. Tingnan na lang natin ang nangyari sa PUP kung saan desperadong itinuloy ang pulong ng Board of Regents maipasa lamang ang TOSF increase. Isipin na lang natin kung paano pa ang mga paaralang walang kinatawan ang mga estudyante sa loob ng board dahil mas maraming kinatawan ang administrasyon at mga itinalaga ng gobyerno.

Sa patuloy na pagtaas ng halaga ng edukasyon ay ‘di na kayang pag-aralin ng ordinaryong pamilyang kumikita ng minimum wage ang kanilang mga anak. Paano na lamang ang mga kabataang may pagnanais makatapos kung patuloy ang pag-akyat ng halaga ng edukasyon? Kahit sabihin nating maging working student, hirap pa rin dahil sa dami at mahal ng bayarin.

Sa patuloy na pagpapaubaya at labis na kalayaang ibinibigay ng mga polisiya ng administrasyong Aquino upang patuloy na maningil ng mga pagkamahal-mahal na bayarin ang mga estudyante at magulang, may mga kabataang patuloy na tumututol at lumalaban.

Naglunsad ng pambansang walkout ang kabataan noong ika-13 ng Marso. Libo-libong mag-aaral sa buong kapuluan ang lumahok upang ipanawagan ang edukasyon at hustisya at ang pagbaba sa puwesto ni Noynoy Aquino dahil sa kanyang patung-patong na kasalanan at krimen sa kabataan at mamamayan.

Sa serye ng pagkilos ng kabataan, nariyan rin ang paglabag sa kanilang mga demokratikong karapatan sa malayang pagpapahayag, pag-oorganisa at mapayapang pagtitipon. Aabot sa mahigit 100 mga paaralan ang patuloy na sumisiil sa mga demokratikong karapatan ng mga mag-aaral.

Sa University of Santo Tomas (UST), hinarangan ng administrasyon ng kurdon ang Plaza Mayor kung saaan balak maaglunsad ng programa ang mga mag-aaral laban sa TOSF increase. At may kasama pang trak ng bombero. Tahasang ring ni-red-tag ng mga tuta ng administrasyon sa loob ng UST Central Student Council ang mga grupo ng mag-aaral na tutol sa TOSF increase.

Sa iba pang pamantasan at kolehiyo sa bansa ay patuloy ang paglabag sa mga demokratikong karapatan. Sa National Teachers College, pinagbantaang patatalsikin ang isang progresibong lider-estudyante dahil sa candle-lighting activity sa harap ng kanilang kampus. Sa University of the East, dinahas at pinilit ang mga student council officer na pumirma sa “attendance sheet” ng konsultasyon. Sa Holy Angel University, hindi pinayagang mag-cover ang kanilang student publication sa konsultasyon. Sa Ateneo de Naga University, pinagbataang tatanggalan ng recognized status ang isang religious organization na sumama sa protesta laban sa tuition increase. Marami at mahaba ang ating listahan. Katunuyan, nagsampa na ng pormal na reklamo ang R4E sa Commission on Human Rights at CHED sa mga paglabag na ito.

Hindi kailanman magpapadaig ang kabataang Pilipino sa mga atakeng ito sa ating karapatan sa edukasyon at demokratikong karapatan. Hindi rin natin dapat na lamang tanggapin na masakit sa bulsa ang pag-aaral. Ang edukasyon bilang isang serbisyong panlipunan ay ‘di kailanman dapat pagkakitaan ng mga kapitalista-edukador at maging ng pamahalaan. Ito ay isang karapatan na dapat maabot ng kahit na sinong mamamayan, mayaman man o mahirap.

Magpapatuloy na dadaluyong sa lansangan ang kabataan at mamamayan para igiit ang karapatan para sa dekalidad at abot-kayang edukasyon at panagutin ang mga naghahari-hariang pilit umaagaw ng ating karapatan sa edukasyon.