Pambansang Isyu

Pananagutan ng US, ni Aquino sa Mamasapano, iginiit ng kababaihan, kabataan


Muling pinrotesta ng iba’t ibang grupo ang embahada ng Estados Unidos (US) sa Maynila para igiit ang pananagutan umano ng gobyerno nito, kasabwat si Pangulong Aquino, sa pagdanak ng dugo sa Mamasapano, Maguindanao. Ayon sa grupong pangkababaihan na Gabriela na sumugod sa embahada, “halata ang pagtatakip” sa mga ito ng mga isinasagot na mga opisyal ng Philippine National Police […]

Sinugod ng Gabriela ang harapan ng Embahada ng Amerika sa Maynila kaugnay ng pagdanak ng dugo sa Mamasapano. Pher Pasion
Sinugod ng Gabriela ang harapan ng Embahada ng Amerika sa Maynila kaugnay ng pagdanak ng dugo sa Mamasapano. <strong>Pher Pasion</strong>
Sinugod ng Gabriela ang harapan ng Embahada ng Amerika sa Maynila kaugnay ng pagdanak ng dugo sa Mamasapano. Pher Pasion

Muling pinrotesta ng iba’t ibang grupo ang embahada ng Estados Unidos (US) sa Maynila para igiit ang pananagutan umano ng gobyerno nito, kasabwat si Pangulong Aquino, sa pagdanak ng dugo sa Mamasapano, Maguindanao.

Ayon sa grupong pangkababaihan na Gabriela na sumugod sa embahada, “halata ang pagtatakip” sa mga ito ng mga isinasagot na mga opisyal ng Philippine National Police (PNP) at Armed Forces of the Philippines (AFP).

Napansin umano ito sa mga pagdinig sa Kamara at Senado. Kapag tinatanong tungkol sa papel ni Aquino at ng US sa palpak na operasyong kumitil sa buhay ng 44 Special Action Force (SAF) commandos, di-bababa sa dalawang sibilyan at 18 rebeldeng Moro, laging tikom ang bibig ng naturang mga opisyal ng pulisya at militar.

“Maging ang gobyernong Aquino at (gobyernong) US ay patuloy sa pagtanggi na may tatak ng ‘US war on terror’ (ang operasyon) ang nangyari sa Mamasapano kung saan ang mga buhay ng mga sundalo ay isinakripisyo sa suicide missions,” ani Joms Salvador, pangkalahatang kalihim ng Gabriela.

Kaakibat ng panagawan para sa katotohanan at hustisya ang pagpapanagot sa pagdanag ng dugo sa Mamasapano. Hindi umano ito makakamit kung patuloy ang pagtatakip sa tunay na nangyari sa Mamasapano, ayon pa kay Salvador.

Tulak ng Amerika

Malinaw umano na tulak ng US war on terror ang pagtugis kina Zulkifli bin Hir (Marwan) at Basit Usman ang nangyari sa Mamasapano.

Iniulat ng ilang pahayagan, kabilang ang Pinoy Weekly, ang alegasyong may napaslang na tropang Amerikano sa madugong pangyayari. Maraming midya rin ang nagbalita hinggil sa paggamit diumano ng US drones sa lugar para tuntunin ang mga target at magbigay ng live information sa mga sumasalakay na mga miyembro ng SAF.

Panawagang hustisya para sa lahat ng napaslang sa Mamasapano. <strong>Pher Pasion</strong>
Panawagang hustisya para sa lahat ng napaslang sa Mamasapano. Pher Pasion

“Nagiging malinaw ngayon na ang tunay na nangyari sa Mamasapano ay hindi lubusang lilitaw kung hindi titignan ang papel ng Amerika sa operasyon. Nangangamba tayo na pagtatakpan ng gobyerno ang papel ng Amerika sa Oplan (operation plan) Exodus at iba pang mga Oplan. Kung nais natin ng hustisya at pananagutan, dapat nating tignan ang papel ng Amerika sa misyong ito,” ayon kay Vencer Crisostomo, tagapangulo ng Anakbayan, na naunang naglunsad ng lightning rally sa harap ng embahada ng US.

Dagdag pa ni Crisostomo, panibagong paglabag na naman ng gobyerno ng US sa soberanya ng bansa ang paglahok nila sa pumalpak na operasyon sa Mamasapano.

“Ang malala dito, ginamit nila ang mga Pilipino sa kanilang giyera sa partisipasyon mismo ng presidente (Aquino). Pinatutunayan din nito ang pagkatuta ng administrasyong Aquino at lokal na sandatahang lakas,” ayon kay Crisostomo.

Ayon sa League of Filipino Students (LFS), ang mga namatay sa Mamasapano ay mga biktima ng pagiging sunud-sunuran ng administrasyong Aquino sa gobyernong US.

“Ang mga pahayag mula sa matataas ng opisyal PNP at AFP ay nagsasabi nakipagkoordina si (Noynoy) Aquino sa US para masiguro na makuha si Marwan. Inamin ni AFP Chief of Staff Gen. Gregorio Catapang na kasama niya si Aquino noong Enero 25 na nagmonitor sa bakbakan sa loob ng isang US drone facility sa Zamboanga City,” ayon kay Charisse Bañez, tagapagsalita ng LFS.

Executive session, inhustisya 

Para naman sa Gabriela Women’s Party sa Kamara, “inhustisya sa mga biktima sa Mamasapano” ang pagpapatawag ng mga executive session para doon magtestigo ang mga sangkot na opisyal ng gobyerno, pulisya o militar.

Ang executive session ay hindi isinasapubliko na sesyon at kontrolado lamang ang impormasyon sa iilang mga tao at opisyal ng gobyerno.

“Walang patutunguhan ang mga imbestigasyon kung palagian na lang magtatago sa likod ng saya ng executive privilege ang mga opisyal para isalba ang kanilang Commander in Chief! Nakakagalit at nakakainsulto ito sa mga mamamayang naghahanap ng katotohanan. Invoking executive privilege amid the people’s clamor for truth will fan wave after wave of protests,” ayon kay Gabriela Rep. Emmi de Jesus.

Wala dapat maging cover-up o pagtatakip sa tunay na nangyari sa Mamasapano ayon sa Gabriela sa protesta sa harapan ng Senado. <strong>Pher Pasion</strong>
Wala dapat maging cover-up o pagtatakip sa tunay na nangyari sa Mamasapano ayon sa Gabriela sa protesta sa harapan ng Senado. Pher Pasion

Partikular na binibigyang din naman ng LFS ang sinabi ni PNP-SAF chief Getulio Napeñas na ilalabas lamang niya ang detalye ng partisipasyon ng Federal Bureau of Investigation sa isang executive session.

“Bakit kailangan ng executive session para sa mga tanong sa pagiging sangkot ng US? Natatakot ba siya na ang impormasyon na meron siya ay lalong magpapagalit sa publiko?” ayon kay Bañez.

Binanggit din ng LFS ang inilabas ng WikiLeaks noong 2010 na nagsasabing nagsasagawa ng counterterrorist efforts ang gobyerno ng Pilipinas sa ilalim ng komand ng US mula pa noong 2005.

Ayon naman kay Kharlo Manano ng grupo ng child rights advocates na Salinlahi Alliance, higit na kailangan na mailabas ang katotohanan sa naganap sa Mamasapano dahil sa patuloy itong nakakaapekto sa mga komunidad partikular ang mga bata.

Magpapatuloy sa sunod na linggo ang mga imbestigasyon sa Senado at Kamara, gayundin ang iba pang imbestigasyon ng gobyerno, samantalang nagsagawa naman kamakailan ang Suara Bangsamoro at iba pang grupo ng People’s Fact-Finding Mission para suriin ang epekto sa mga sibilyan ng madugong engkuwentro sa naturang lugar noong Enero 25.