Kabataan

‘Pagpapabaya’ ni Aquino sa edukasyon, binatikos sa ‘blackout protest’ ng kabataan


Nagprotesta ang mga estudyante sa iba’t ibang paaralan sa buong bansa kontra sa lumalaking singilin sa mga eskuwelahan nitong Marso 13. Ginanap ito sa ikalawang taong anibersaryo ng pagkamatay ni Kristel Tejada, mag-aaral ng Unibersidad ng Pilipinas (UP) sa Maynila na nagpakamatay noong 2013 matapos hindi mabayaran ang matrikula sa pamantasan. Nilayon ng “Blackout Protest […]

Protesta sa UP Diliman. Darius Galang
Protesta sa UP Diliman. <b>Darius Galang</b>
Protesta sa UP Diliman. Darius Galang

Nagprotesta ang mga estudyante sa iba’t ibang paaralan sa buong bansa kontra sa lumalaking singilin sa mga eskuwelahan nitong Marso 13. Ginanap ito sa ikalawang taong anibersaryo ng pagkamatay ni Kristel Tejada, mag-aaral ng Unibersidad ng Pilipinas (UP) sa Maynila na nagpakamatay noong 2013 matapos hindi mabayaran ang matrikula sa pamantasan.

Nilayon ng “Blackout Protest for Justice” ang paglaban sa pagtaas ng singil sa matrikula kasama ang other school fees. Karugtong ito ng paghingi ng katarungan sa pagkamatay ni Tejada, maging ni Rosanna Sanfuego, mag-aaral ng Cagayan State University na nabalitang nagpakamatay rin dahil hindi nabayaran ang bayarin sa paaralan mahigit isang linggo ang nakalilipas.

Sinabi ni Neill John Macuha, student regent ng UP, na ang pagkamatay nina Tejada at Sanfuego ay dulot ng komersiyalisadong oryentasyon ng edukasyon sa bansa. “Nakakalungkot na mayroong presyo at naging commodity ang edukasyon dito sa ating bansa, kaya hindi na ito abot-kaya ng mga estudyante,” aniya.

Ulat pa ni Macuha na nagsagawa ng kani-kanilang programa ang mga yunit mula sa Diliman, Maynila, Los Baños, Baguio, Pampanga, Cebu, Ilo-ilo, Miag-ao at Mindanao.

Sa Diliman, pitong kolehiyo ang nag-endorso sa pagliban ng mga estudyante sa kanilang mga klase upang hikayatin ang mga estudyante na makiisa sa pagkilos.

Bukod sa UP, nagsagawa rin ng kanilang “blackout protest” ang mga estudyante mula sa University of the East, Ateneo de Manila University, Miriam College, National Teachers College at iba pa. May naganap ding protesta ng mga estudyante sa Baguio, Pampanga, Laguna, Legazpi, Iloilo, Cebu, Cagayan de Oro, at Davao.

Nakilahok rin ang mga mag-aaral ng Polytechnic University of the Philippines. Pinrotesta nila ang P16,000 singil sa mga papasok na junior at senior high school sa itatatag na laboratory school sa pamantasan dahil sa implementasyon ng programang Kindergarten to 12 Years (K-to-12) ng gobyerno.

Tinagurian namang “Roar Against School Fee Hikes” ang Unity Walk na ginawa ng Unibersidad ng Santo Tomas. Ayon kay UST Civil Law Student Council President Victor Villanueva, hindi sila tutol sa pag-aayos ng kanilang unibersidad, pero batid nila na ang taunang kita ng pamantasan ay higit pa sa sapat upang tustusan ito.

Sa tala ng mga grupo ng estudyante sa UST, nakakakolekta ang kanilang pamantasan ng P800-900 Milyon kada taon, kapag ibinawas na mula sa nalikom na matrikula at other school fees ang gastusin ng pamantasan.

“Kahit anong taas ng singil ay exorbitant, kaya panawagan namin na unang bigyan ng konsiderasyon ang mga estudyante na pinaka-importanteng sektor sa kahit saang institusyon ng edukasyon,” pahayag ni Villanueva.

Kaugnay ng pagkilos ang panawagang magbitiw na sa puwesto si Pangulong Aquino.

Sa mga pahayag ng mga nagsagawang kilos protesta, sinabi nilang naging “pabaya” ang pangulo sa pangkalahatang kalagayan ng edukasyon sa bansa dahil sa pagtaas ng singil ng matrikula bunsod ng deregulasyon nito, bunsod ng neo-liberal na mga patakarang ipinatutupad ng administrasyon.

Idinugtong din nila ang kanilang boses sa mga panawang bumaba sa puwesto si Aquino. Bukod sa pagpapabaya umano sa edukasyon, batid umano ng publiko ang “kapalpakan” ni Aquino sa bigong operasyon sa Mamasapano.

Ang mga paaralan sa Katipunan Avenue tulad ng UP, Ateneo de Manila at Miriam College naman ay nagkaisa upang buuin ang Katipunan para sa Katotohanan, Katarungan at Kapayapaan.” Naglunsad ng candle lighting ang mga sumali sa mga pagkilos dito.

Kalahok din ang iba pang grupo ng kabataan tulad ng League of Filipino Students, Anakbayan, Student Christian Movement, National Union of Students of the Philippines, College Editors Guild of the Philippines, at iba pang lokal na grupo ng kabataan at konseho sa mga eskuwelahan.

Tumayong pangkalahatang alyansa ang Rise For Education.