Main Story

Kid Kulafu: Kalbaryo ng Batang Manny


Before he was Manny Pacquiao, he was Kid Kulafu, sabi ng movie poster ng Star Cinema na nagprodyus ng pelikula tungkol sa batang Manny Pacquiao. Pinagbibidahan ito ng isang di-sikat pero dating best child performer (Ang Panday) na si Buboy Villar, sa direksyon ni Paul Soriano at iskrip ni Froilan Medina. Itinaon ang pagpapalabas ng Kid […]

508383009_640Before he was Manny Pacquiao, he was Kid Kulafu, sabi ng movie poster ng Star Cinema na nagprodyus ng pelikula tungkol sa batang Manny Pacquiao. Pinagbibidahan ito ng isang di-sikat pero dating best child performer (Ang Panday) na si Buboy Villar, sa direksyon ni Paul Soriano at iskrip ni Froilan Medina.

Itinaon ang pagpapalabas ng Kid Kulafu sa mga sinehan bago ang “Fight of the Century” nina Manny Pacquiao at Floyd Mayweather na inaabangan sa Pilipinas at sa buong mundo sa Mayo 2 (o Mayo 3, kung sa Pilipinas). Talaga namang hindi na maihihiwalay sa boksing, lalo’t Pacquiao, ang kalansing ng sentimo, sa takilya man o sa ring.

Anu’t anuman, bagaman may ilang eksena na nagda-drag at eksaherado, makinis ang pagkakagawa ng Kid Kulafu kaysa karaniwan, dahilan marahil kung bakit umani ito ng “A” sa Cinema Ratings Board. Mahusay ang pag-build up ng tensiyon sa bawat mahahalagang pangyayari sa buhay ng batang Manny, matalas at mabilis ang sinematograpiya, nakakagising ang tunog ng musika, at akma ang paggamit ng mga hiyawan at sigawan ng mga manonood ng boksing para pataasin ang excitement sa mga eksena.

Marami nang alam ang tao kay Manny at marami na ring pelikula ang ginawa tungkol sa alamat niya, pero isa ito marahil sa pelikulang dina-jab ka sa katotohanang ibinibilad ng mga eksena.

Walang takot

Sa simula pa lamang ay ipinakita nang kinalakhan ni Manny ang bakbakan, at hindi ordinaryong bakbakan, kundi ang madugong sagupaan sa pagitan ng NPA at AFP na naglabanan sa kanilang baryo sa Bukidnon noong 1985.

Isang dahilan marahil ito kung bakit hindi siya takot sa dugo at sa karahasan, at kahit umuulan ng bala at bomba sa paligid niya ay makikitang mahinahon at buo ang loob kahit bata pa. Lumalabas na lumaki siya sa isang sonang gerilya ng NPA at mas panatag ang loob ng pamilya sa mga rebelde kaysa mga tropa ng AFP na tumangay ng tanghalian nila.

Gayunman, ang pagputok ng giyerang ito sa kanayunan ang ipinakitang dahilan ng paglikas ng pamilyang Pacquiao noong 1990s sa kanilang mga kamag-anak sa General Santos City. Tangay ni Dionisia (Alessandra de Rossi) ang apat na anak, sa kabila ng pag-aalangan ng asawang si Rosalio (Alex Medina) na mas sanay sa bukid ngunit kinalauna’y nag-abandona rin sa kanila.

Dahil halatang tagabaryo, naging biktima si Manny at kapatid nito ng mga kaklaseng bully sa siyudad. Noo’y lampa pa siya at umiiwas sa laban. Subalit dahil marahil sa karanasang ito ay nakahiligan niya ang panonood kay Bruce Lee, at palihim na ginagaya ang mga stroke nito, na napansin ng kanyang Tiyo Sardo (Cesar Montano) na adik sa boksing at pag-inom ng syoktong na Kulafu.

Left hook

Ang tiyo ang unang nakaramdam na malakas ang left hook ni Manny at mula noon ay sinanay na siya at parang sabong na inilaban sa mga lokal na derby, at binansagang Kid Kulafu. Napansin na rin ang bilis at liksi niya sa ring. At higit sa lahat, kahit maliit, hindi siya takot humarap at makipagsabayan sa mas matatangkad at matitipunong kalaban.

Ipinakita ng pelikula na higit pa sa kalupitang naranasan ang dahilan ng pagseseryoso ni Manny sa boksing. Lalo siyang itinulak dito ng pagkakasakit ng ina, ng gutom, at ng buhay na mas mahirap pa sa daga. Kahit ano pa ang sipag niya sa paglalako ng tinapay o pangangalakal ng bote kapos na kapos ang kita ni Manny para matulungan ang ina. Boksing na lamang ang kanyang pag-asa para makaahon ang pamilya, kahit galit na galit ang kanyang ina, na ang mas nais ay magpari siya.

May katwiran din naman ang ina. Walang sinumang makapagsasabi na magaan ang trabahong boksing. Hindi lamang dahil sa basagan ito ng mukha at bugbugan ng katawan. Para sa batang si Manny at mga kasama niyang boksingero na naengganyong sa Maynila pumunta para umangat, kumita pa at manalo ng korona, doble pa ang inabot na pagsasamantala.

Hindi lamang sila ikinakalakal ng mga promoter sa iba’t ibang laban o pinapanday sa pagsasanay kahit gutom o pagod na. Nagtatrabaho pa sila sa libreng oras bilang mga manggagawa sa isang madilim na bodega (sweatshop) at naglilinis ng bote para sa sariling panustos o pangangailangan.

Kaya naman kapag nakahawak ng konting pera, maramdaman man lang na tao rin sila at hindi makina, para silang nakakawala sa hawla sa pagsasaya — alak, sigarilyo, karaoke. Dito marahil nakuha ni Manny ang hilig sa pagkanta. Ngunit sa likod ng mga katuwaan binanggit pa rin ni i Manny sa isang eksena na “mas mahirap ang buhay kaysa boksing.”

Sa pelikula’y ipinakita na hindi lamang mabuting anak si Manny; mapagmahal din siyang kaibigan. Nang mamatay ang kasama at kaprobinsiyang boksingerong si Eugene (Khalil Ramos) matapos ma-knock out sa isang dinayang laban, doon lang siya nakitang pumalahaw ng iyak sa loob ng morge, sinuntok ang mga dingding at salamin sa galit at pamimighati.

Tibay ng loob

Ngunit hindi ito nagpahina nang loob niya na bumitaw sa ring. Tuloy pa rin ang laban, at habang nasasaktan ay lalong tumatapang. Nagpursige siya at naipagwagi ang kanyang mga laban hanggang sa tanghaling pandaigdigang kampeon sa walong dibisyon sa boksing. Ngunit ang maganda rin sa Kid Kulafu ipinapakitang hindi siya superman; noong bata pa ay naranasan na ring bumagsak at matalo sa ilang laban, pero hindi umatras at nagbalikwas para magtagumpay.

Naging kalakasan ng pelikula ang natural at mahusay na pag-arte ng mga artista sa Kid Kulafu laluna ni Buboy Villar na masang-masa ang dating at inaral nang husto ang mga galaw ni Manny; gayundin naman si Alessandra de Rossi bilang Dionisia na bagaman disciplinarian at mataray ay hindi matatawaran sa pagmamahal at pagtatanggol sa anak. Sa direksiyon ni Paul Soriano ay lumitaw ang mga totoong tao, nabigyan ng buhay ang iskrip ni Florian Medina, at nabuo ang isang pelikulang makabuluhan at hitik sa inspirasyon nang hindi mo namamalayan.

Sa lahat ng ito, kung meron mang malaking idinulot ang Kid Kulafu, ito ay ang pagkilala kung paano nahubog ang karakter ng isang Manny Paquiao bilang tao at bilang boxer. Marahil kung madadalang lahat ni Manny sa Mayo 2 ang mga katangiang ito — walang takot, buo ang loob, mahinahon, determinado, may kapasyahang magwagi – isang tunay na fighter, magugulantang ang mundo sa tagumpay ng isang Pilipino.