Kabataan

Isa na namang mag-aaral, nagpatiwakal dahil sa di abot-kayang edukasyon


Sa gitna ng balitang muling magtataas ng singil ang ilang mga pamantasan at kolehiyo sa bansa, isa na namang kabataan ang nagpatiwakal sa hindi maabot na presyo ng bayarin sa paaralan. Inilahad ng mga grupong kabataan ang pangalan ni Jhoemary Azaula, isang mag-aaral ng Eulogio Amang Rodriguez Institute of Science and Technology (Eearist), at papasok na […]

Bago pa man ang mga konsultasyon ukol sa pagtaas ng singil sa matrikula, maingay na ang kampanya at pagharang dito. <b>Darius Galang</b>
Bago pa man ang mga konsultasyon ukol sa pagtaas ng singil sa matrikula, maingay na ang kampanya at pagharang dito. Darius Galang

Sa gitna ng balitang muling magtataas ng singil ang ilang mga pamantasan at kolehiyo sa bansa, isa na namang kabataan ang nagpatiwakal sa hindi maabot na presyo ng bayarin sa paaralan.

Inilahad ng mga grupong kabataan ang pangalan ni Jhoemary Azaula, isang mag-aaral ng Eulogio Amang Rodriguez Institute of Science and Technology (Eearist), at papasok na sa kanyang ikaapat na taon sa BS Computer Science.

Una nang ibunyag ito ni Sarah Elago, tagapangulo ng National Union of Students of the Philippines, nang tunguhin nila ang Comission on Higher Education (CHED) upang iprotesta ang muling pagaapruba ng kagawaran sa taas-singilsa matrikula at iba pang bayarin sa paarlan sa 313 kolehiyo.

Ayon sa mga impormasyong nakuha ng League of Filipino Students, kinausap pa ng kanyang ama ang estudyante noong gabi bago ito nagpatiwakal. “Kinausap ko siya kung pwede sanang huminto na siya sa pag aaral at maghanap na lamang ng trabaho pagbalik nito sa Maynila,” ayon sa ama ni Jhoemary.

Si Azaula ang ikatlong kaso ng pagpapatiwakal dahil sa edukasyon na naitala sa panahon ng panunungkulan ni Pangulong Aquino.

Sumama siya sa listahan ng mga nagpatiwakal dahil sa hindi-maabot na halaga ng edukasyon. Nauna nang napaulat sina Kristel Tejada ng Unibersidad ng Pilipinas ilang taon na ang nakalipas, at Rosanna Sanfuego sa Cagayan State University nitong taon lang.

Pagkondena sa gobyerno ni Aquino ang bigkas ni Charisse Bañez, tagapangulo ng League of Filipino Students (LFS). “May dugo na ang kamay ni Aquino sa pagpapabaya na magtaas ng singil ang mga kapitalista-edukador habang patuloy na inaalis sa kabatan ang karapatan sa edukasyon,” aniya.

Galit na pinaulanan ng mga kabataan ang tarangkahan ng CHED ng pintura kaninang tanghali, hindi lamang bilang pagpapahayag ng kanilang galit sa muling pagaapruba ng kagawaran sa taas-singil sa matrikula at iba pang bayarin, kundi na rin sa pagpapatiwakal ni Azaula, maging ang mga nauna pa sa kanya.

Dagdag ng grupo ni Bañez na kilala ang Earist bilang isa sa mga unibersidad para sa mga may mababang kita, at ang pagpapatiwakal ni Azaula ay pagpapakita lamang na hindi lamang sa pribadong paaralan nagiging mahal ang singil para edukasyon kundi maging sa mga pampubliko rin.

Sa tala ng LFS sa mga estudyanteng tumigil na sa pag-aaral, 24.5 porsiyento ang nagsabing wala silang pera para sa pambayad para sa edukasyon, habang 26.1 porsiyento ang nagsabing kailangan nilang maghanap ng trabaho dahil sa kahirapan at kakulangan sa pinansiyal na kapasidad, upang tustusan ang kanilang pag-aaral.

Isiniwalat ng grupo na magsasagawa sila ng iba pang kilos-protesta mula sa enrollment hanggang sa umpisa ng mga klase, bitbit ang mga panawagan nilang itigil ang deregulasyon sa edukasyon maging ang pagpapatalsik sa puwesto ni Pangulong Aquino.

“Walang aasahang magandang kinabukasan ang mga kabataan sa kasalukuyang gobyerno, at marami nang rason ang pagkamatay nina Jhoemary, Kristel, Rosanna upang paalisin na sa puwesto ang isang inutil na pangulo,” pagtatapos ni Bañez.