FEATURED Main Story Manggagawa

‘Kontraktuwalisasyon sa paggawa, salot sa manggagawa’


Nagprotesta sa Mendiola, Maynila ang mga manggagawa sa pangunguna ng Kilusang Mayo Uno (KMU) laban sa sistema ng kontraktuwalisasyon sa paggawa sa bansa, dalawang linggo bago ang huling State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Aquino.

Pinangunahan ni Elmer Labog, tagapangulo ng Kilusang Mayo Uno, ang simbolikong pagwasak sa "endo" o end of contract na nangangahulugan ng pagtatapos ng trabaho ng kontraktuwal na mga manggagawa. Kontribusyon
Pinangunahan ni Elmer Labog, tagapangulo ng Kilusang Mayo Uno, ang simbolikong pagwasak sa “endo” o end of contract na nangangahulugan ng pagtatapos ng trabaho ng kontraktuwal na mga manggagawa. Kontribusyon

Nagprotesta sa Mendiola, Maynila ang mga manggagawa sa pangunguna ng Kilusang Mayo Uno (KMU) laban sa sistema ng kontraktuwalisasyon sa paggawa sa bansa, dalawang linggo bago ang huling State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Aquino.

Kaalinsabay ng pagkilos na ito ang paggunita sa ikadalawang buwan ng sunog sa pabrika ng Kentex sa Valenzuela City na ikinamatay ng 74 manggagawa na karamiha’y kontraktuwal.

“Ang sitwasyon ng mga manggagawang Pilipino ay ipinakikita ng sitwasyon ng mga manggagawa sa Kentex. Ang mga karapatan ng mga manggagawang Pilipino ay nilalabag ng mga kapitalista, kasapakat ang gobyerno,” ani Elmer Labog, tagapangulo ng KMU.

Pagtaas ng kontraktuwal

Hindi maitatanggi ang pagtaas ng bilang ng mga kontraktuwal matapos ang limang taon ng termino ni Aquino. Binubuo na ng mga kontraktuwal ang mayorya ng serbisyo, sektor ng manupaktura at agrikultural, at maging sa mga opisina ng gobyerno, ayon sa KMU.

Hawak ng isang ina ang larawan ng anak na biktima ng sunog sa Kentex, dalawang buwan na ang nakakaraan. Kontribusyon
Hawak ng isang ina ang larawan ng anak na biktima ng sunog sa Kentex, dalawang buwan na ang nakakaraan. Kontribusyon

Ipinakikita sa datos ng Bureau of Labor and Employment Statistic ang pagtaas ng porsiyento ng mga “hindi regular” na empleyado mula 28.1 porsiyento noong 2008 tungo sa 30.5 porsiyento noong 2012. Samantala, bumaba naman ang bilang ng “regular” na mga empleyado, mula 72 porsiyento tungong 56 porsiyento sa parehong panahon.

“Lumaganap ang kontraktuwalisasyon sa ilalim ni Aquino. Patunay ito na lumala at hindi bumuti ang sitwasyon ng mga manggagawa sa ilalim ng kanyang termino,” ayon kay Labog.

Nakiisa naman ang mga kamag-anak ng mga biktima sa Kentex sa nasabing pagkilos. Anila, patunay ang kahirapan at pagdurusang dinanas ng mga manggagawa ng Kentex at ng kanilang mga pamilya sa kasamaan ng kontraktwalisasyon, sa paglabag nito sa mga karapatan ng mga manggagawa.

“Karamihan ng mga manggagawa ng Kentex, ilang taong nagtrabaho sa kompanya. Pero ang sahod nila ay mababa sa minimum na sahod. Hindi nagbayad ang kompanya at ang CJC Manpower Services ng kontribusyon ng mga ito sa SSS. Hindi rin sila nagbigay ng iba pang benepisyo,” pahayag ng pamilya.

Ayon pa sa pamilya, pinagtrabaho ang mga manggagawa sa napakamapanganib na kalagayan, na sa dulo’y naging mitsa ng kanilang buhay.

Kinondena naman ng All Workers’ Unity (AWU) ang mga management ng GMA-7 at Tanduay Distillers, Inc. sa hindi umano pagsunod sa desisyon mula sa National Labor Relations Commission at ng Department of Labor and Employment Region IV na nagparegularisa ng signipikanteng bahagi ng manggagawa ng nasabing mga kompanya.

“Tanging sa kolektibong pagkilos ng mga manggagawa at empleyado natin epektibong malalabanan ang kontraktuwalisasyon. Hindi maglalabas ng desisyon ang mga korte sa bansa para sa regularisasyon at hindi ipapatupad ito ng mga kompanya kung wala tayong pagkilos,” ayon kay Rea Alegre, tagapagsalita ng AWU.

Paniningil kay Aquino

Ayon sa KMU, ang Department of Labor and Employment Order No. 18-A Series of 2011 ng administrasyong Aquino ang nagpalala pa ng kontraktuwalisasyon sa hanay ng mga manggagawa.

“Nais maliitin ni Aquino ang isyu ng kontraktuwalisasyon imbes na tuluyang ipagbawal ito. Direktang responsible siya sa paglaganap ng kontraktuwal na paggawa sa ilalim ng kaniyang termino,” pagtatapos ni Labog.