Eleksiyon FEATURED

Eleksiyon sa Pilipinas: Kano nakikialam


Para suportahan ang isang kandidato, naglalaan ang US ng suportang pondo at rekurso, pagsasanay, kaalaman sa media, public relations assistance, atbp. Pinagagalaw nito ang galamay ng CIA sa iba’t ibang antas at sektor ng lipunan para ayudahan ang kandidato.

Ang sikretong pakikialam ng Central Intelligence Agency (CIA) ng US sa pulitika ng ibang bansa tulad ng Pilipinas ay patakarang panlabas ng US na nabuo sa panahon pa ni Pang. Dwight Eisenhower noong 1954. Ang pagtira, pagsabotahe at pagwasak sa itinuturing na kaaway ng US ay ginagawa sa pamamagitan ng mga tuso at sopistikadong paraan. Marami sa mga sikretong operasyon ay inaamin mismo ng US at lumilitaw sa maraming pahayag at libro.

Sa kanyang librong Endless Enemies, ipinakilala ni Jonathan Kwitny ang Pilipinas bilang “nag-iisang bansa sa Asya kung saan ang US ay lumalahok sa mga sikretong aktibidad sa pulitika, kahit sa labanan, at kung saan madalas na ang mga nagaganap ay umaayon sa gusto nating mangyari… Bawat eleksyon, totoo man o dinaya, ay nagreresulta sa pagkanapanalo ng kandidatong gusto ng US” (“the one Asian country where we (the United States) have engaged in covert political activity, and sometimes fighting, and where things have gone pretty much our way. … Every election, real or rigged, has produced the winner the US government desired.”)

Screen Shot 2016-05-06 at 12.31.06 AM

Kitang-kita ang katotohanang ito sa mga sumusunod na pangyayari:

1. Para suportahan ang isang kandidato, naglalaan ang US ng suportang pondo at rekurso, pagsasanay, kaalaman sa media, public relations assistance, atbp. Pinagagalaw nito ang galamay ng CIA sa iba’t ibang antas at sektor ng lipunan para ayudahan ang kandidato.

Sa librong Waltzing with a Dictator ni Ray Bonners inamin ni Edward Lansdale, kilalang CIA operative, na nagbuhos ng pondo ang US sa eleksiyon ni Pang. Ramon Magsaysay. Sinabi rin ng dating Manila CIA station chief Allen Dulles na bahagi ng kanilang “dirty tricks” ang isang pangyayaring pinainom ng droga ang karibal ni Magsaysay na si Pang. Elpidio Quirino para lumabas na walang kawawaan (“incoherent”) ang kanyang sinasabi.

Noong naging pangulo na si Magsaysay, CIA mismo ang nagsusulat ng kanyang mga talumpati at nagdirehe sa mga patakarang panlabas ng Pilipinas. Tumulong ang “press assets” (bayarang editor at diyarista) ng CIA para palagiang suportahan si Magsaysay sa kanyang mga programa sa bansa at sa partisipsyon ng Pilipinas sa anti-komunistang mga krusada ng US sa Southeast Asia.

2. Wala pang nanalong presidente ng Pilipinas na hindi sinuportahan o sinang-ayunan ng US. Ayon mismo kay Sen. Juan Ponce Enrile nang tumiwalag siya kay Marcos noong 1986, walang nagaganap sa pulitika ng bansa nang walang basbas ng US. Kaya naman lahat ng kandidato sa pagkapangulo’y minamahalagang makuha ang suporta ng US para makasiguro sa eleksiyon.

Si Pang. Ferdinand Marcos ay patuloy na sinuportahan ng US mula sa dalawang termino niya hanggang sa buong panahon ng pasistang diktadura, liban na lang sa huling sandali kung kailan nakatipon na ang mga mamamayan sa EDSA, gayundin sa tarangkahan ng Malakanyang para lusubin siya. Sa ganitong sitwasyon, at para iligtas din ang sarili sa umaalimpuyong anti-diktadura at ant-imperyalistang kilusan ng mga mamamamayan, napilitan na si Pang. Ronald Reagan na pasabihan si Marcos “to cut and cut cleanly” (umalis na sa puwesto). Sa gayon, aprubado na rin sa US na pumalit si Cory Aquino. Hindi na binigyan ng pagkakataon si Marcos na makauwi sa Paoay, Ilocos Norte na balwarte niya; sa halip, “kinidnap” siya ng US patungong Hawaii.

Pero bago pa nito, ayon kay Erick A. San Juan sa The Marcos Legacy, may lihim nang balak ang CIA na patalsikin si Matcos at ang pondo para dito’y pinadaan kina Jose Concepcion ng Republic Flour Mills at mga Ayala. Maging si Jaime Cardinal Sin na lider ng simbahang Katoliko sa Pilipinas noo’y binigyan ng papel na palabasin ang malaking bilang ng mga mamamayan sa EDSA bilang blocking force laban sa mga tangke ni Marcos.

3. Kahit nahalal sa demokratikong paraan ang isang lider, ngunit naturingang kaaway o labag sa interes ng US, kailangan itong alisin sa puwesto, sa pamamagitan man ng paninira, asasinasyon o kudeta, at saka ipalit ang bagong tuta ng US. Sa isang di pa lumalabas na libro tungkol kay Joseph “Erap” Estrada, nabanggit ni Erap ang isang posibleng dahilan kung bakit siya napatalsik sa puwesto. Aniya, tumutol siya sa hiling ng US na itigil na ang pambobomba sa mga kuta ng Moro Islamic Liberation Front. Matapos mapatalsik si Erap, inayudahan at itinulak ng US ang ceasefire sa MILF at pagbubuo ng BBL (Bangsamoro Basic Law). Bago pa nito, pinagpiyestahan sa midya ang pambababae at “Boracay mansion” ni Erap na nagpaapoy pa lalo sa kilusang anti-Erap.

4. Interes pa rin ng US ang pangunahing sukatan sa pagpili ng pangulong susuportahan. Liban sa dating kolonya ng US ang Pilipinas, ang US ay may napakalaking interes sa Pilipinas bilang “military at intelligence base” (Pilipinas ang regional base ng CIA sa Asya). Pinagkukunan din nito ang Pilipinas ng enerhiya, hilaw na materyales, lupa, at murang paggawa. Kaya naniniguro ang US na ang tatangan ng estado ng Pilipinas ay tuta, kasabwat o kapanalig nito, na siyang nangyari sa lahat ng administrasyon matapos ibigay ang “kalayaan” ng Pilipinas. Mula kay Manuel Roxas hanggang kay BS Aquino tuluy-tuloy ang pagpayag sa pananatili ng imperyalistang kapangyarihan sa bansa.

Kaya naman sa eleksiyong 2016, asahan nang gumagalaw ang maduning kamay ng US.