Sining-biswal sa rebolusyonaryong Rusya

May 31, 2017

Limang teknik o ideya sa mga sining biswal matapos ang tagumpay ng rebolusyon.

redoktubre icon
Taong 1917, taon ng dalawang rebolusyon sa bansang Rusya. Ang una, burges na rebolusyong nagpatumba sa Hari ng Rusya (tinaguriang “Tsar”). Ang pangalawa, rebolusyong nagpabagsak sa bagong burges na gobyerno, sa pamumuno ng uring manggagawa at ng partido nito, ang Russian Social Democratic Labour Party (RSDLP, na kalauna’y naging Communist Party of Soviet Union).

Nakuha ng rebolusyong sosyalista ang imahinasyon ng masang Ruso. Maraming alagad ng sining, kasama ang mga artistang biswal, ang nahimok na makilahok sa pagpapanday ng bagong lipunan na malaya, mapayapa, maunlad, at pinamumunuan ng mga mamamayan. Sa panahong ito, umusbong ang iba’t ibang tradisyon at teknik sa sining-biswal—mga teknik na nag-impluwensiya sa paglilikha ng mga sining biswal hindi lang sa Rusya kundi sa buong daigdig.

Ayon kay Steven Heller ng Royal Academy of Arts (na naglunsad ng eksibit na Revolution: Russian Art 1917-1932 sa naturang institusyon kamakailan), may limang ideya sa pagdidisenyo o graphic design na maaaring makuha sa mga likhang sining noong panahong iyon. Ang mga teknik o ideyang ito, uso pa rin o angkop pa ring gamitin sa kasalukuyan.

Minimalist color

kultura4
Kakaunting paggamit ng kulay, kadalasang primary colors (pula, asul, dilaw). Pula pa rin ang pangunahing kulay na ginamit—ang kulay ng reoblusyon, ng kumukulong dugo. Ginamit ang kulay na pula bilang kulay ng pakikibaka mula pa noong rebolusyong Pranses ng 1789.

Abstraction at geometry

kultura3

Ayon kay Heller, kasama sa mga artistang napakilos matapos ang rebolusyon ng 1917 ay ang mga abstraksiyunista, o mga pintor na gumagamit ng mga imahe na akala mo’y walang kahulugan o walang kapareho (abstrakto) para magpahiwatig ng mga damdamin o ideya. Gumagamit sila ng kombinasyon ng iba’t ibang hugis (parisukat, tatsulok, rektanggulo). May kahulugan pa rin ang abstrakto, pero kailangan mo lang tignan nang mabuti para makuha ito.

Agitprop

kultura2

Sa panahong ito ng rebolusyonaryong pag-eeksperimento ng mga artista sa kung anong mga porma ang epektibo sa masa, ginamit nila kapwa ang tinatawag na realismo (pagpinta o drowing ng mga tao o bagay na katulad ng aktuwal nilang hitsura, kumbaga, parang litrato) at
abstraksiyon. Anumang porma, ginamit ang mga ito para gumawa ng likha na makakapukaw sa damdamin ng masa na makilahok sa sosyalistang konstruksiyon.

Constructivist typography

kultura5

Ito yung paggamit ng mga font o typefaces (iyung klase ng mga letra na ginamit) na iba-ibang klase, hugis, laki. Maaaring teksto na may malalaking fonts ang dominanteng imahen sa isang likhang sining tulad ng poster. Ang halaga, nababasa ang mensahe.

Heroic realism

kultura1

Malinaw na nagpapakita ng imahe ng kabayanihan ng rebolusyonaryong mga lider at ordinaryong mga mamamayan na lumalahok sa rebolusyon. Ito ang klase ng estilo ng sining biswal na pinakanamayagpag sa Rusya noong huling bahagi ng dekada 1920s dahil malinaw ang mensahe, mahusay ang pagkakaguhit at nakakakuha ng atensiyon at emosyon sa tumitingin.


 

Quijano Teczon

Quijano Teczon

Ang Quijano Teczon ay sagisag-panulat ng isang mamamahayag sa mga sulating pangkultura niya.