Pambansa at makauring paglaya
Kaisa ng proletaryadong Ruso ang iba’t ibang lahi na nakikibaka para sa pambansang kalayaan.
Lingid sa kaalaman ng karamihan ng mga mamamayan ng Pilipinas ang kakayahan nila sa sariling pagpapasya. Marahil matagal na mula nang huling pumutok ang alab ng rebolusyon sa mga Pilipino magmula pa noong panahon ni Andres Bonifacio at ng Kataas-taasang, Kagalang-galangang Katipunan ng mga Anak ng Bayan o KKK.
Maihahalintulad ang pagkuha ng kapangyarihang ito ng KKK mula sa mga kolonyalistang Espanyol at papet nito sa pag-agaw ng kapangyarihan ng mga Bolshevik sa Imperyong Tsar noong Oktubre 1917 sa pamumuno ni Vladimir Lenin. Ayon kay Lenin, ang tanging paraan lang ng pagkamit ng tunay na demokrasya at pag alinsunod sa sariling pagpapasya ay gamit ang rebolusyon ng nakararami.
Ayon kay Joseph Stalin, sa kanyang mahalagang sulatin na Mga Pundasyon ng Leninismo, “Hindi sana magtatagumpay sa Rusya ang rebolusyon, at hindi sana madudurog sina Kolchak at Denikin (mga heneral ng Imperial Army ng Tsar), kung hindi tinamasa ng proletaryadong Ruso ang simpatya at suporta ng inaaping mga mamamayan ng dating Imperyong Ruso.” Tinutukoy ni Stalin ang iba’t ibang grupong etniko o pambansang minorya sa ilalim ng imperyo ng Tsar na pinagsasamantalahan ng huli.
Mahahalintulad ito sa pang-aapi at pagsasamantala sa iba’t ibang pambansang minorya (tulad ng mga Lumad, Igorot, Mangyan, at iba pa) at gayundin ang mga mamamayang Moro, ng lokal na mga naghaharing uri at imperyalismong US. Ang pakikibaka nila para sa lupaing ninuno, ay bahagi ng pangkabuuang rebolusyon ng sambayanang Pilipino.
Kinuwento ni Stalin na buhay na naging halimbawa ang Unyong Sobyet ng kung papaano napagkaisa ang iba’t ibang lahi at natugunan ang kanilang batayang mga interes sa ilalim ng isang sosyalistang sistemang pang-ekonomiya at pampulitika.
Sinabi pa ni Stalin na bilang sosyalistang bansa, nakikiisa ang Unyong Sobyet sa iba’t ibang lahi na nakikibaka para sa kanilang karapatan sa sariling pagpapasya, tulad ng pagsuporta nito sa rebolusyong Tsino, at pakikibakang pambansa sa Asya, Aprika, at Latina Amerika.