Magsasaka

Reporma sa lupa at industriyalisasyon sa Unyong Sobyet

November 4, 2017

Matapos maagaw ang estado-poder ng mga Bolshevik, mabilis na pinasimulan ng mga manggagawa ang batayang mga repormang pangkaunlaran para sa nakararami.

Isa sa pinakaunang tinugunan ng bagong tatag na rebolusyonaryong gobyerno na pinamunuan ni V.I. Lenin ang repormang agraryo. Batid ng mga Bolshevik ang kahalagahan ng pagtugon sa hiling ng maralitang mga magsasaka sa Rusya, na kumakatawan sa 80 porsiyento ng populasyon ng bansa.

“Rebolusyong Oktubre, Rebolusyong Pilipino.” Espesyal na print issue ng Pinoy Weekly, 29 Oktubre 2017 (Tomo 15, Isyu 42)

“Rebolusyong Oktubre, Rebolusyong Pilipino.” Espesyal na print issue ng Pinoy Weekly, 29 Oktubre 2017 (Tomo 15, Isyu 42)

Pinakaunang nilagdaan ni Lenin noong Nobyembre 1917 ang Kautusan sa Lupa na siyang nag-utos ng pagpawi sa pribadong pag-aari sa mga lupain. Kinumpiska ng gobyernong Soviet ang mga lupain ng monarkiya (Tsar at iba pang naghahari-harian noon sa Rusya), mga monasteryo, pati ng Simbahan. Sinundan nito ang Pundamental na Batas sa Pagsasapanlipunan ng Lupa (Land Socialization) noong Pebrero 1918. Sa naturang batas, iniutos ng gobyernong Soviet na maipagamit sa lahat ng mga magsasaka ang lupain nang walang bayad (o kompensasyon sa mga dating may-ari nito).

Dagdag dito, nakasaad sin sa naturang batas na kailangang maglikha ang gobyerno ng mga kondisyon na paborable sa pagpapaunlad ng produksiyon ng sektor ng agrikultura sa pagpapaunlad ng produktibidad ng lupa, pagdebelop ng siyentipikong pagsasaka, pag-aangat ng kaalaman ng mga magsasaka sa agrikultura, magtakda ng reserbang lupaing agrikultural, magdebelop ng mga empresang agrikultural at maghikayat ng kolektibong sistema ng agrikultura.

Ang huling punto ang kakaiba sa sosyalistang reporma sa lupa kumpara sa reporma sa lupa na ginawa matapos ang burges na mga rebolusyon sa Europa at Amerika. Hindi hinayaan ng Estado ang mga magsasaka na mag-ari ng lupain para sa sarili nilang pagyaman. Bagkus, itinulak ng Unyong Sobyet ang kolektibong pagtatrabaho sa lupa para sa kapakanan ng buong bansa.

Taong 1929, pinatupad ni Joseph Stalin ang unang Five Year Plan na naglalayong iindustriyalisa ang agrikultura. Pinasimulan sa panahong ito ang kolektibong pagsasaka ng malalaking bloke ng lupaing agrikultural, habang siniguro ng gobyerno na may magagamit na traktora ang mga magsasaka para umunlad ang produktibidad ng lupa.

Samantala, lalong naging mahalaga ang agarang pagsasaayos ng mga industriya ng Unyong Sobyet dahil sa pagtigil ng pangangalakal sa mga bansang kapitalista na nagsusuplay ng ilang batayang pangangailangan ng bansa. May banta rin ng pananakop, tulad ng naganap noong giyera-sibil (1918-1920). Sa ganitong kalagayan, itinulak ng gobyerno ang mabilisang industriyalisasyon ng bansa. Nagtakda ang gobyerno ni Stalin ng mga sentrong industriyal na magpapaunlad ng batayang mga industriya tulad ng bakal, koton, at gas. Dahil sa mabilisang industriyalisasyon na ito, mabilis na lumaki naman ang hanay ng mga manggagawa sa Unyong Sobyet. Mula 3.12 milyon noong 1928, naging 6 milyon na ito pagkatapos ng unang Five Year Plan noong 1932.

Nagkatotoo ang banta ng pananakop sa Unyong Sobyet noong 1939, nang sumiklab ang Ikalawang Digmaang Pandaigdig. Sa panahong ito, industriyalisado na ang Unyong Sobyet at mabilis itong nakapaghanda para sa pagdedepensa ng sarili laban sa pananakop ng Nazi Germany.


 

Priscilla Pamintuan

Priscilla Pamintuan

Priscilla Pamintuan is a part-time cultural and political writer and fulltime film buff.