Consumer rights advocate sa Bulacan, kinasuhan ng perjury
Inaresto ang consumer rights advocate na si Even Calajate dahil sa kasong perjury. Nakalaya rin siya matapos ang isang araw na detensiyon sa estasyon ng pulisya sa San Jose del Monte City, Bulacan.
Matapos ang isang araw na pagkadetine, pansamantalang nakalaya si Even Calajate, 77, pangulo ng Alliance for Consumer Protection (ACP) at dating Chairman of the Board ng San Jose del Monte (SJDM) Water District, noong Peb. 12 matapos makapagpiyansa.
Inaresto si Calajate kaugnay ng malisyosong kasong perjury. Dinala siya ng mga tauhan ng Philippine National Police sa estasyon sa San Jose del Monte City, Bulacan.
Ayon sa ACP, isinampa ang kaso ng isang hindi pinangalanang grupo matapos ilahad ni Calajate ang umano’y papel ng ilang lokal na opisyal sa pagpapadali ng joint venture agreement sa pagitan ng water district at ng PrimeWater, kompanyang dating pagmamay-ari ng bilyonaryong si Manny Villar.
Matagal nang kinukuwestiyon ng mga residente ang kasunduan dahil sa umano’y hindi sapat, maruming suplay at mataas na singil sa tubig ng PrimeWater sa San Jose del Monte City.

Nagpahayag ng pagkondena si dating Bayan Muna Partylist Rep. Carlos Zarate sa ginawang pag-aresto.
“Ito ay malinaw na panghaharass at pagtatangkang patahimikin ang mga lumalaban sa water privatization,” aniya. Nanawagan si Zarate na ibasura ang gawa-gawang kaso laban kay Calajate.
Mariing kinondena din ng Samahan at Ugnayan para sa Ikauunlad ng Bayan (SUKI Network) at Water for the People Network ang anila’y arbitraryong pag-aresto sa beteranong tagapagtanggol ng karapatan sa tubig.
Sa pagbisita ng mga grupo, kasama ang People’s Rights Network at Migrante Philippines, sa himpilan ng pulisya, nagsagawa sila ng tahimik na protesta at inilarawan ang sistema bilang “lantad na anti-consumer” dahil sa pagpayag sa anila’y walang basehang hakbang laban kay Calajate.

Paliwanag ng grupo, halos isang dekada nang katuwang si Calajate ng mga consumer group sa mga pampublikong talakayan at tipunan upang ipagtanggol ang abot-kaya at dekalidad na serbisyong publiko, lalo na ang tubig.
Isa siya sa mga unang kumuwestiyon sa takeover ng PrimeWater sa SJDM Water District, na minsan na niyang pinamunuan at napabilang sa mga pinakamahusay at epektibong local water utility sa bansa.
Patuloy ang panawagan ng kanyang mga tagasuporta na ibasura ang kaso, wakasan ang mapaminsalang joint venture agreement at igiit na ang tubig ay serbisyong publiko.