I am sorry, talaga: Ang panayam kay Gloria Macapagal Arroyo na pinangarap nating maganap


Sa kauna-unahang pagkakataon, inamin ni Gloria Macapagal Arroyo ang kanyang mga kasalanan sa taumbayan, at tunay na humingi ng tawad. (Spoof na panayam ni Joe Clang sa isa sa pinakamumuhiang pangulo sa kasaysayan ng bansa)

Isang buwan bago bumaba sa puwesto. Sikretong nakapuslit ang isang reporter (itago na natin sa pangalang Joe Clang) ng Pinoy sa Malakanyang para eksklusibong kapanyamin si Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo. Nagawa pa ni Ginoong Clang na maipuslit ang recording sa mga editor ng Pinoy ng kanyang panayam bago makalabas ng Palasyo. Sa kasalukuyan, hindi matagpuan ng Pinoy ang kinalalagyan ni Ginoong Clang.

Narito ang transcript ng panayam niya kay Ginang Arroyo:

Kumusta na po kayo? Ano ang pinagkakaabalahan ninyo sa huling mga araw ninyo sa Malakanyang?

gloria arroyo cartoonHeto, we’re getting ready to move out. May iniwan akong ilang damit diyan sa closet, just in case kailangang bumalik… Pero aalis ako dahil pinangako ko ito sa ating mga kababayan. Sabi ko naman kasi, di ba, hindi ko na balak tumakbo sa pagkapangulo. Sinabi ko pa iyon noong 2002. At ngayon, malinaw naman na aalis na kami, diba? Baka pa nga nakita mo si Romy Neri diyan sa garden, nagsusunog na ng mga papeles. Dalawang gabi na siyang nagsusunog; hindi pa ata natutulog. Ayaw kasi talaga niya ng mga kalat. Ako rin, I’m the same way. Sabi nga nila, micro-manager ako. Hindi ko alam kung insulto yun sa height ko, pero I take it as a compliment.

Pero sinabi n’yo pong di kayo tatakbo sa eleksiyong 2004. Sa araw pa ni Jose Rizal. Pagkatapos, tumakbo kayo.

Ayun na nga. I never said hindi ako tatakbo sa 2004 elections. What I meant is, hindi ako tatakbo sa 2010 elections.

Hindi na naman po talaga kayo puwedeng tumakbo ngayong 2010, ayon sa Saligang Batas…

But we didn’t know noong 2002 na hindi maipapasa ang Cha-Cha (Charter Change) by 2010. Akala namin by this time, natanggal na ang restrictions sa pagtakbo ng second term ng pangulo. O kaya, na-abolish na ang puwesto ng pangulo. Prime Minister na. Kaya totoo pa ring hindi na ako tatakbo sa pagkapangulo. Tatakbo na ako sa pagka-Prime Minister.

Ah. Plano po ninyo talaga ang pananatili sa puwesto sa pamamagitan ng Cha-Cha…

Hindi nga! (Tumataas ang boses). Magkaibang puwesto iyung Presidente at Prime Minister. But you know, itinutulak talaga natin ang Cha-Cha dahil gusto nating maipagpatuloy ang sound fundamentals ng ating economy. As an economist, I am the most qualified to pursue further development of our economy. I have travelled all over the world – halos dalawang beses sa bawat bansa – just to encourage foreign investors in our country. And now, kita mo naman, our economy is booming. Tumaas ang growth rate natin. Matatag ang ating republika. Kailangang maipagpatuloy ito.

Balikan po natin yung taong 2005. May naglabas ng recording ng diumano’y pag-uusap ninyo ni Comelec Commissioner Virgilio Garcillano. Kasama sa mga pag-uusap ninyo, kinukumusta ninyo ang boto sa Mindanao, noong 2004 elections. Mukhang sinisiguro ninyo – kung kayo nga yung nasa pag-uusap – na mahigit isang milyon ang lamang ninyo kay Fernando Poe Jr. Hindi pa po kayo natatanong ninuman sa publiko kung kayo ba nga talaga ito. Maaari po bang magsalita kayo ngayon hinggil dito?

You know, hindi natin sinasagot yan dahil gusto nating ang focus ng mamamayan sa atin ay ang achievements natin sa ating ekonomiya. Ang job opportunities na ginawa natin, especially sa ating sunshine industry na call centers, ay hindi masyado napag-uusapan. Walang ikabubuting maidudulot ang pagsagot sa mga irrelevant questions na iyan.

Pero kuwestiyon po ito ng kung dinaya ninyo ang nakaraang halalan o hindi.

Kaya nga! (Lalong tumataas ang boses, naiirita). I’ve always said I don’t plan to be a popular president. Mas mabuti pang maging efficient leader na magdadala sa atin sa kaunlaran kaysa maging popular. And you know, elections, is basically a popularity contest. Hindi natin gustong pumasok sa isang popularity contest. Kasi kung hindi, laging mga artista lang ang mananalo sa eleksiyon!