Dayuhang korporasyon at pangangamkam ng lupa sa Cagayan Valley


LUMALALA, imbes na nalulutas sana, ang pangangamkam ng lupa ng mga magsasaka sa Cagayan Valley (CV). Dati, mga lokal na panginoong maylupa at malalaking pulitiko sa bansa ang nakapangamkam ng lupa. Ngayon, malalaking burgesya komprador at dayuhang korporasyon ang dagdag na kumubabaw sa mga magsasaka. I.                    Dayuhang korporasyon Nestle Corporation Nagpapatanim ng kapeng Robusta ang […]

LUMALALA, imbes na nalulutas sana, ang pangangamkam ng lupa ng mga magsasaka sa Cagayan Valley (CV). Dati, mga lokal na panginoong maylupa at malalaking pulitiko sa bansa ang nakapangamkam ng lupa. Ngayon, malalaking burgesya komprador at dayuhang korporasyon ang dagdag na kumubabaw sa mga magsasaka.

I.                    Dayuhang korporasyon

  1. Nestle Corporation

Nagpapatanim ng kapeng Robusta ang Nestle sa 1,000 ektarya sa mga baryo ng Namnama, Sta. Isabel, Dicamay 1, at Dicamay 2 sa bayan ng Jones, Isabela. Ang target na matamnan ng lupa ay 160,000 ek. sa mga bayan ng Jones, San Agustin, San Mariano, at Benito Soliven. Masasaklaw nito ang lupa ng mga magsasaka na natamnan ng mais, palay, at gulay. Ang San Miguel Corporation ni Eduardo “Danding” Cojuanco Jr. ang nagmamay-ari ng 40% sa Nestle Corp.

  1. Green Future Innovations Inc. (GFII)

Magpapatanim ng tubo para gawing ethanol ang Green Future Innovations Inc. (GFII), isang kompanyang Filipino-Hapon, sa San Mariano, Isabela. Sasaklaw ito sa 6,000 hanggang 35,000 ektaryang lupain sa mga baryo ng Panninan, Binatog, Alibadabad, Dipuso, at Libertad. Ilang dekada nang binubungkal ang mga ito ng mga magsasaka, at ilang siglo nang dito naninirahan ang mga Ibanag, Kalinga, at Agta ang sinasabi ng gobyerno na “tiwangwang” na lupa na tatamnan ng tubo. Nakaamba ring patamnan ng tubo ang mga baryo ng Ilagan at Benito Soliven. Sa kalaunan, plano ng GFII na itayo ang isang distillery plant nito sa Brgy. Alibadabad at San Mariano, na kinaroroonan din ng headquarters ng 45th Infantry Batallion ng Philippine Army.

Dahil sa pagtutol ng mga magsasaka, mabagal ang gulong ng plano ng Nestle Corp. at GFII.

  1. Beidahuang Seed Group at Jilin Fuhua Corp.

Kokopohin ng Beidahuang Seed Group at Jilin Fuhua Corp. ang 48,355 sa Cagayan.

Bayan Bilang

ng ektarya

Pananim
Lallo 18,000 Tubo/ cassava
Gattaran 5,000 Tubo/ cassava
Sta. Teresita 5,000 Tubo/ cassava
Allacapan 5,811 Palay
Baggao 2,836 Palay
Ballesteros 2,522 Palay
Gattaran 2,242 Palay
Lasam 3,578 Palay
Pamplona 3,366 Palay

II.                 Malalaking burgesya komprador

A. Cagayan Economic Zone Authority (CEZA)

Ang Cagayan Economic Zone Authority (CEZA) na proyekto ni Juan Ponce Enrile ay itinambol ni Pangulong Arroyo sa State of the Nation Address na siyang magsisilbing haligi ng Super Region Project sa Hilagang Luzon.

Ayon sa nakasaad sa batas, humigit 26,000 ektarya sa Sta. Ana at Gonzaga ang pag-aari na ng CEZA. Ang paggamit at disposisyon ng lupa ay nasa otoridad ng CEZA. Pinalaki pa ang saklaw nito kasabay ng pagpapahinto ng pamimigay ng titulo sa mga magsasaka at iba pang matagal nang naninirahan dito. Idinagdag ang mga bayan ng Buguey, Sta. Teresita, Aparri, Lallo, Gattaran, at Baggao.

Upang Seksyon 181 ng Republic Act 7932 (o batas na bumuo sa CEZA), ang CEZA ay may kapangyarihang baguhin ang gamit ng lupaing agrikultural na saklaw nito sa pagiging residensyal, komersiyal, industriyal o iba pang hindi pang-agrikultural na gamit para matugunan ang pangkabuuang mga gamit at aktibidad na pang-ekonomiya. Ilalapat ang mga ito sa iba’t ibang erya na nakasaad sa CEZA land use at master plan.

Sa Seksyon 9 ng RA 7932, tinukoy na lahat ng lupa na saklaw at pag-aari ng CEZA ay hindi maipapaloob sa reporma sa lupa.

Sa naturang batas ng CEZA, nalegalisa ang malawakang pangangamkam ng lupa. Sa pamumuno ni Enrile, kasabwat ang iba’t ibang ahensiya ng gobyerno gaya ng Department of Agrarian Reform, Department of Environment and Natural Resources, Department of Agriculture, at Land Bank of the Philippines, naglipana ang mga sindikato ng pangangamkam ng lupa gamit ang dahas at panlilinlang.

Sa katunayan, may 200 pamilya na ang sapilitang pinalikas sa kani-kanilang tahanan at bukid sa mga baryo ng Tongaton, San Vicente, Samok-samok, at Casambalangan sa bayan ng Sta. Ana para sa patatayo ng six-lane road widening, at pagtatayo naman ng first-class resort sa Ungutan, Angib, at Nangarunuan sa San Vicente. Sapilitang pinalalayas ang mga magsasaka at mamamayan sa mga baryo ng Kapanikian, Visitasyon, Sinungan, at Marede sa Sta. Ana para sa pagtatayo ng international airport, mall, at casino. Sa pagtatayuan ng airport, sapilitang binibili ang lupa sa mga magsasaka sa halagang P11,000 bawat ektarya.

Nauubusan ng pagkakakitaan ang daan-daang mangingisda mula sa Buguey, Gonzaga, at Sta. Ana sa ilalim ng batas ng CEZA na may pitong kilometrong No Fishing Zone Area mula pampang papalaot. Hindi kayang lampasan ng mangingisda ang No Fishing Zone Area dahil maliliit lamang ang mga bangkang gamit nila. Dumarami ang nahuhuli ng Coast Guard na nangingisda sa No Fishing Zone Area. Pinagbabayad sila ng P8,000 bawat isa para makalaya.

Para sa konstruksiyon ng piyer sa Sta. Ana para sa CEZA, lumawak ang operasyon ng logging at quarrying sa apat na ilog ng Mission, Wangag, Baua, at Palawig. Sa Wangag River lamang, may 600 ektaryang pinapatubigan na apektado ang 700 pamilya mula sa walong komunal na sistema ng irigasyon. Ang tatlong kompanya ng quarrying ay pawang may interes ni Enrile—ang una ay pag-aari niya; ang pangalawa ay nakapangalan sa dummy niya; at ang pangatlo ay pag-aari ng isang Taiwanese na negosyanteng matalik niyang kaibigan. Sinisira ng quarrying ang kanal na patubig ng magsasaka. Primera klase ang nakukuhang bato at graba dito na dinadala sa ibang bansa at ang iba ay para sa CEZA.

Dagdag pang nakakaalarma ang patuloy na pagkaubos ng natitira pang punong kahoy na watershed ng mga patubig sa libu-libong ektaryang sakahan ng mga magsasaka. Kung babalikan, ang natitirang gubat ay tira-tira na lang ni Enrile sa walang habas na pagtotroso noong dekada ’70 at ’80. Mula noon, nakararanas na ng malalaking pagbaha na nagdudulot ng malaking pinsala sa buhay at ari-arian ng mga mamamayan.