Konteksto

Mga bawal sa panahon ng Semana Santa


DAHIL lumaki ako sa pamilyang Katoliko, nakagisnan ko ang napakaraming seremonyang may kaugnayan diumano sa pagpapaunlad ng pananalig sa diyos. Tulad ng maraming bata, parati kong masaya tuwing Pasko at malungkot tuwing Semana Santa. Kung anong ingay ang selebrasyon sa pagkapanganak ni Kristo ay siya namang nakabibinging katahimikan sa komemorasyon ng kanyang pagkamatay. Ang ngiti […]

DAHIL lumaki ako sa pamilyang Katoliko, nakagisnan ko ang napakaraming seremonyang may kaugnayan diumano sa pagpapaunlad ng pananalig sa diyos.

Tulad ng maraming bata, parati kong masaya tuwing Pasko at malungkot tuwing Semana Santa. Kung anong ingay ang selebrasyon sa pagkapanganak ni Kristo ay siya namang nakabibinging katahimikan sa komemorasyon ng kanyang pagkamatay. Ang ngiti sa mga labi ay napapalitan ng seryosong pagninilay-nilay kapag inaalala ng mga Katoliko ang pinagdaanang hirap ng kinikilalang diyos.

At dahil walang malalim na pagkakaintindi sa mga turo ng simbahan, ang aking kalungkutan noon tuwing Semana Santa ay napakababaw. Hindi ko kasi mapanood ang mga paborito kong programa sa telebisyon. Pati ang radyo, wala kang marinig kundi mga relihiyosong kanta, kung mayroon man. Dahil walang bagong isyu, mga lumang diyaryo, magasin o komiks lang ang puwede mong basahin.

Maraming beses din akong napapagalitan ng nanay at ate ko. Dahil mahilig ako sa musika, pinipili ko noong patugtugin na lang ang mga casette tape ko na karamihan ay rock ang tugtog. Bawal daw iyon (lalo na’t maingay at pasigaw ang kanta), dahil ”patay pa” ang diyos. Gustuhin ko mang maligo dahil sa maalinsangang panahon, hindi rin daw puwede. Aba, pati ang paggamit ng nail cutter, bawal din! Sa pagsapit ng tanghalian, hindi ko rin dapat asahang magiging ulam namin ang mga paborito kong baboy o manok. Isda raw dapat ang kainin. Bakit? Bawal daw kasi ang karne!

Bawal magpakabusog kapag kumakain. Bawal lumabas ng bahay para makipaglaro sa mga kaibigan. Bawal humalakhak o magpakita ng kasayahan.

Sa aking paglaki, lalong nadagdagan ang mga bawal. Natatandaan kong pinagbawalan ako ng nanay kong humawak ng martilyo nang sinubukan kong ipako ang medyo umusling plywood sa aming dingding. Saka ko na raw gawin iyon, kapag ”buhay na” ang diyos. At dahil pinagdaanan ko rin ang panahong mahilig ako sa paggamit ng telepono, maraming beses akong napagalitan dahil masyadong mahaba ang pakikipag-usap ko sa mga kaibigan. Kailangan ko raw bawasan ang pagtawag dahil, muli, ”patay pa” ang diyos. Nang sinubukan kong buklatin ang aklat ko para mag-aral (kumukuha ako noon ng mga bokasyunal na kurso tuwing tag-init), napagsabihan din ako ng nanay kong ipagpaliban muna ang pagsusunog ng kilay.

Masasabing medyo masuwerte ako dahil hindi ako pinilit na magpenitensya sa pamamagitan ng pagpapalo sa sarili o pagpapapako sa krus. Pero maraming beses ko ring naranasan ang tinatawag na Visita Iglesia na kung saan naglakad kami papunta sa mga simbahan nang nakapaa lang. Ito ang panahong dahil nasa hayskul na ako, hinayaan na akong sumama sa ilang kaibigan para gampanan taun-taong panata para sa marami. Masakit sa paa (na puwede pang magkasugat-sugat), mainit ang panahon at napakaraming tao sa loob ng mga simbahan. Tanong ko noon sa aking sarili: Sapat na kaya itong penitensya para sa ”makasalanang” katulad ko?

Sa panahon ng Semana Santa, bumabalik lang sa ”normal” ang lahat kapag sumapit na ang Linggo (o Pasko) ng Pagkabuhay. Pero sa loob-loob ko, kailangan ko pa rin ng kaunting pagtitiis dahil inaasahan kong gigisingin kami ng nanay ko para sa tradisyunal na ”Salubong” na nangyayari tuwing madaling araw. Alam mo na rin siguro ang seremonyang ito: Magsasalubong ang kababaihang may dala ng imahe ng Birheng Maria at ang kalalakihang may imahe ni Kristo, isang porma ng pag-alala sa muling pagkabuhay ng kinikilalang diyos at ng kanyang ina.

At dahil muling nabuhay si Kristo, maaari nang magsaya ang sangkatauhan dahil ligtas na sila sa kasalanan at umakyat na ang kinikilalang diyos sa langit para maupo sa tabi ng kanyang ama. Kapansin-pansin noon at ngayon ang pagbabalik sa normal na kalakaran pagkatapos ng Linggo ng Pagkabuhay – ang matatanda’y muling bumabalik sa kanilang trabaho kinabukasan samantalang ang kabataan, dahil bakasyon, ay ipinagpapatuloy naman ang anumang naantalang gawain.

Huwag naman sana nating tingnan bilang isang walang-katapusang siklo ang selebrasyon o komemorasyon na kung saan ang pagbabalik sa ”normalidad” ay taos-pusong hinihintay. Unang una, walang ”normal” sa lipunang ang dapat na nagsisilbi sa bayan ay kumukurakot sa kaban nito, ang dapat na nagpapatupad ng mga batas ay nangunguna sa paglabag ng mga ito at ang dapat na nagtataguyod ng kapakanan ng nakararami ay inuuna ang sarili.

At huwag na huwag nating sabihing sila ang nararapat na ipako sa krus, dahil napakalaking insulto kung ikukumpara sila kay Kristo. Hindi pa huli para pagnilayan natin ang mga susunod na hakbang para makamit ang tunay na ”normalidad” ng ating lipunan, at maaari nating simulan sa pagsusuri sa rebolusyonaryong adhikain noon ni Kristo na ibagsak ang mga institusyong nagpapahirap sa mga tao noon.

May mahalagang aral na dapat isapuso sa okasyon ng Semana Santa: Bawal man ang mag-alsa, walang makakapigil sa pinagsanib na puwersa ng mga naniniwala.

Para makipag-ugnayan sa awtor, pumunta sa www.dannyarao.com.