Uncategorized

Palakpakan natin si Pinky Amador bilang Edith Burgos


BIGLANG tumawag sa amin ang isa sa mga aktibong miyembro ng Concenred Artists of the Philippines at inaanyayahan kami sa technical dress rehearsal ng dulang “Mrs. B” sa Ten 02 sa panulukan ng Scout Ybardolaza Street at Timog Avenue sa Quezon City.

BIGLANG tumawag sa amin ang isa sa mga aktibong miyembro ng Concenred Artists of the Philippines at inaanyayahan kami sa technical dress rehearsal ng dulang “Mrs. B” sa Ten 02 sa panulukan ng Scout Ybardolaza Street at Timog Avenue sa Quezon City.

Nakalagay sa imbitasyon sa text na ang “Mrs. B” ay tungkol sa buhay ni Mrs. Edita Burgos, ang butihing maybahay ng namayapang matapang na peryodista at tagapaglimbag ng mga pahayagang “We Forum,” “Malaya,” “Midday” at “Masa” sa panahon ng diktador na si Ferdinand E. Marcos na si Jose Burgos, kilala rin sa tawag na Joe Burgos.

Nang pumasok kami sa bulwagan ay nag-uumpisa na ang ensayo pero kumpleto na sa lahat ng teknikal at malikhaing elemento tulad ng props, ilaw, wide screen, projector, musika, prompter para sa iskrip at iba pa.

Nasa bahagi na ng pagkukuwento ni Pinky (naka-otso diretsong baro at bandana kaya ang kanyang kabuuan ay kamukha niya sa maraming porsyento si Edith) ang panliligaw sa kanya ni Joe.

Madilim sa loob ng lugar at nakahalayhay na ng mga silya sa anyong teatro (binala-balasa ang mga silya at inalis ang mga mesa). May mga taong produksyon na nakapako sa mga sulok dahil sila ang bahagi ng kumpanya ng palabas. Namukhaan namin agad si Socrates Jose, kilala rin sa showbiz na Soc Jose o Soc. Nakaupo siya sa isang hanay ng silya paharap sa maliit na entablado. Tiyak na siya ang direktor ng dula. Siya nga. Napatingin si Soc sa aming direksyon at mumuwestra kung saan kami uupo. Hindi lang sa sinunod namin ang kanyang pagtanggap kundi sa may banda niya rin kami uupo talaga. Sumenyas siya ng okey sa pamamagitan ng pag-usli ng kanyang hinlalaki sa ibabaw ng nakakuom na mga daliri.

***

Monologue pala ang “Mrs. B” sa pangkalahatan naming impresyon dahil inuukupa ni Amador ang buong makitid na tanghalan kahit na may manaka-nakang ibang karakter na sumusulpot at nakikipagtalamitam sa pangunahing tauhan.

Sa mga pagkakataong ito ay nagkukuwento si “Mrs. B” kung paano manligaw si Joe.

Maya-maya, may umaakyat na lalaki, nakaputi, may salamin, may balbas at bigote.

Kasabay niya ang pagsalipawpaw ng instrumental na musikang “What A Wonderful World” na pinsikat na may liriko ng itim na mang-aawit na si Louis Armstrong.

Maya-maya ay inaabot na ng lalaking nakaputi ang mga kamay ni Pinky na ngayon ay lubusan nang nakalubog sa katawan at kaluluwa ni Mrs. B at magisimula na silang magsayaw sa saliw ng romantiko at inspirasyunal na musika.

Ang katauhan pala ni Joe ang lalaking ‘yon na kamukha talaga niya na kinalaunan ay makikilala nating si Jack Yabut na bituin o dating bituin ng Philippine Educational Theater Association o PETA.

***

Sa rehearsal pa lang ay nagpakita na si Pinky ng kanyang propesyunalismo at husay sa pagganap.

Kahit ensayo pa lang, kahit marumi pa nang konti ang produksyon, nagapi na ni Amador ang mga nanonood at nakikinig at kung makapagsasalita lang ang mga bakanteng silya, sasabihin tiyak ng mga ito na “sige pa, Pinky, libangin at paliwanagin mo pa kami sa’yong sining.”

Aminado si Pinky nang interbyuhin namin pagkatapos ng ensayo na mababaw ang kanyang luha. Sa isang emosyunal na bagay lang ay tutulo na ang kanyang mga luha. Kaya nang eksenang maaalala muli niya ang pagdukot, pagtortyur at pagbuwal ni Jonas Burgos na kanyang anak sa panaginip at tunay na buhay, unti-unting yumuyuko, lumuluhod, nababali, humihiga nang pahalang kaharap ng mga manonood si Pinky.

“Ang dali ko talagang maapektuhan. Naiyak na talaga ako,” pahayag ng aktres.

Rehearsal pa lang ito at kahit nakakalimutan panaka-naka ni Amador ang kanyang mga dayalogo ay malinaw ang kanyang karakterisasyon at internalisasyon sa katauhang ginagampanan.

***

Aminado rin si Pinky na wala siyang kamalay-malay sa isyu ng pagkawala ni Jonas nang dukutin ito ng mga ahente ng militar. Wala siyang alam na si Jonas ay isang matalino, mabait at masunuring anak. Wala siyang kamalay-malay na bata pa’y sinanay na ng mga Burgos na manindigan ang paslit hanggang sa siya’y magbinata, magkanobya, mag-asawa. Wala siyang kaalam-alam na si Jonas ay matalino at malikhaing estudyante ng agrikultura. Wala siyang kaalam-alam na nakipamuhay sa piling ng mga magsasaka at uring manggagawa si Jonas. Wala siyang kaalam-alam na aktibista si Jonas. Wala siyang kaalam-alam na naglider magbubukid si Jonas.

Gayundin, wala siyang kaalam-alam na si Edith Burgos ay gustong magmadre ng kanyang kabataan. Wala siyang kaalam-alam na nagturo sa UST Faculty of Arts and Letters si Edith. Wala siyang kaalam-alam na kung saan-saan nagtungo si Edith nang araw rin na matuklasan niyang nawawala ang kanyang anak para manawagan na kung sinuman ang nakakaalam ng kinalalagyan nito ay ipagbigay-alam agad sa kanya.

Maraming hindi alam si Pinky sa mga Burgos at sa mga nagaganap sa lipunang Filipino.

Pero dahil magaling siyang artista ay gagap agad niya ang diwa at kilos ng kanyang ginagampann.

***

Dalawang linggo lang nga bago ipalabas ang monologo ibinigay sa kanya ang iskrip na sinulat nina Granty Constantino at Rowena Festin na ikinunsulta naman sa mag-asawang manunulat na sina Rogelio at Fe Mangahas.

“Hindi naman ako nahirapan sa dialogue. It was not naman a pure Filipino dialogue. Mahusay mag-Ingles si Mrs. Burgos. At nakaganap naman ako sa Filipino play noon. Kay Joel Lamangan,” pahayag ni Amador na nasanay at nagpakadalubhasa sa teatro ng Repertory Philippines.

Nagkaisa ang CAP, na siyang prodyuser ng dula, na si Pinky na ang maging Edith Burgos o “Mrs. B” dahil bagay na bagay sa kanya ang papel.

Natuklasan ng grupo si Amador nang dahil sa isang abugado na kaibigan ng aktres na ngayon ay nakabase sa US.

Miyembro ng Karapatan, isang non-government organization na tumutulong sa mga deciparesido, ang lawyer na ‘yon.

Kaya tinanggap agad ni Amador ang hamon at ngayon ay namumulaklak ang kanyang pagputi ng mga bunga.

***

Masyadong akma ang pagiging chamber theater ng Ten 02 sa estilo at nilalaman ng “Ms. B.”

Tama lang ang nag-iisa lagi si Pinky sa stage.

Pati mga linya ay swak na swak lang sa katuturan at kabuuan ng dula.

Maraming nakakatawang linya tulad ng pag-amin ni ”Mrs. B” na siya marahil ang kauna-unahang stage mother at mas nauna pa siya kay Annabelle Rama. Pati mga kuwento ng pamilya, mga kuntil-butil na karanasan na pinagsaluhan ng mga Burgos ay sapat na para makamtan ang ideya ng dula—ang pagtulong sa mga biktima ng extra judicial killings.

Kahit ang mga seryosong tagpo ng monologue ay lumutang at matindi ang tama sa puso at isip.

Kaya nga showbiz na showbiz.

Showbiz na showbiz hindi dahil sa pangkaraniwang konsepto ng showbiz na showbiz na magimik, baduy, mabola, ampaw kundi showbiz na showbiz ang “Mrs. B” at ang mga pangyayari na naganap sa mga pangyayari rito dahil ang mga ito ay madrama, masalimuot, makulay, matunggali.

Showbiz na showbiz ito na maurirat at mapagpalaya.

***

Gayunman, nang mag-company call, nang masabi na ni Soc ang kanyang komento at mahingan ng ilang paliwanag at mungkahi ang cast at production staff, biglang sumulpot ang nagtatanong at nagkokomentong tinig ng isa sa mga kasapi ng CAP na si Orly. Ayon sa kanya, politically incorrect daw ang paggamit sa dula ng mga pariralang “taong grasa.” Ito ay sa bahaging ibinibida ni Mrs. B na kung saan-saang lugar niya hinanap si Jonas maging sa mga kalsada sa piling ng mga taong grasa.

Ewan lang kung nagawan ito ng paraan o inalis. Sabi kasi ni Jose ay titingnan at pag-aaralan.

Ayon pa rink ay Castillo, ang “Mrs. B” ay pagpapakita lang na ang mga tulad ni Jonas ay biktima ng terorismo ng estado.

“Noong panahon ni Marcos, mga limang libong katao ang nag-salvage. Ngayong panahon ni Gloria Macapagal-Arroyo, may isang libong katao na ang nama-murder. Nito lang March ay lima ang pinatay,” pahayag ni Orly.

“Ibig sabihin nito ay hindi natatapos ang extra judicial killings at kung hindi tayo magkakaisa para labanan ito ay hindi talaga matatapos,” dagdag pa ng artista.

Sinabi namin na may nababasa kaming grafitti sa mga bakod sa National Highway ng Laguna na isang babae, si Ka na nakalimutan na namin ang pangalan, ang inihihingi ng katarungan ang kamatayan.

Mas malamang kaysa hindi ay lider siya ng obrero o manggagawa.

***

Walang takot ang dula.

Kahit na si Pinky ay walang pakialam kung sabihin man niya at isigaw, “General Romeo Tolentino, ikaw ang dumukot sa anak ko!”

Nananawagan ang dula sa pagkakaisa laban sa karahasan ng estado.

Ayon kay Castillo, binuhay muli ang Oplan Bantay-Laya na isang proyekto ng militar para lalo pang paigtingin ang pagbabantay sa mga tinitingnan na kaaway ng estado maging ang mga ito ay aktibista, lider ng mga union, manggagawa, magsasaka, propesyunal at iba pang kritiko ng pamahalaan.