Pasintabi

Sister Stella L@25, tuloy ang laban!


Halaw ang titulo sa mismong imbitasyon ng grupo ng MA class sa UP Film Institute na nag-organisa ng pagdiriwang. Taong 1984 nang unang ipalabas ang obrang pelikula ng direktor na si Mike De Leon. Nilangaw ito sa takilya, na patuloy na ikinakadismaya ng producer nito, si Lily Monteverde aka Mother Lily. Pero sa pagtitipon nitong […]

Halaw ang titulo sa mismong imbitasyon ng grupo ng MA class sa UP Film Institute na nag-organisa ng pagdiriwang. Taong 1984 nang unang ipalabas ang obrang pelikula ng direktor na si Mike De Leon. Nilangaw ito sa takilya, na patuloy na ikinakadismaya ng producer nito, si Lily Monteverde aka Mother Lily.

Pero sa pagtitipon nitong Marso 2009, ang mga artistang sina Vilma Santos na gumanap sa titulong papel at si Laurice Guillen sa katotong madreng Sister Stella rin ang ngalan, pati ang producer, at ang co-scriptwriter, si Pete Lacaba, at ang production designer, si Cesar Hernando, ay nagkakaisa sa napakahalagang papel ng pelikula sa kasaysayan ng industriya ng bansa, pati sa sarili nilang mga buhay.

Ani ni Pete, inalok sa kanya ang pelikula ng unang producer, si Marichu Vera Perez-Maceda, na gumawa ng pelikulang hindi naman kerida si Vilma. Ito ay matapos nang serye ng mga pelikula nina Brocka at Bernal na gayon na nga ang papel ni Vilma. Pabirong tinanong ni Pete, “Madre, pwede?” At nagustuhan ng producer ang kontra-kabig na papel.

Nag-interview si Pete ng maraming relihiyoso para sa karakter na kalalabasan ni Sister Stella. Dinagdag niya ang “L” dahil panahon ito ng bold film, mas may intriga kumbaga. At pati ito ay sinang-ayunan ng producer. Nalipat ang proyekto kay Mother Lily, na sa gabing iyon ay tunay na Vilmanian ang retorika ng talumpati.

Maging si Vilma ay ituturing na napakahalaga ng pelikula sa kanyang buhay. Dito naitanim ang paniniwalaang retorika sa magiging kakambal na aspekto ng pag-aartista—ang pagiging pulitiko (aka public servant). Binisto siya ni Pete, na noong shooting ay wala itong muwang sa mga linya at kahalagahan ng pulitikal na laman ng pelikula. Tanging nang pumasok si Vilma sa pulitika nagkaroon ng malalim na kabuluhan ang mga linya.

Maraming anekdota sa simula ng gabi: kung paano isang oras na huling dumating si Vilma sa unang araw na shooting, at ang deadpan na reaksyon lamang ng direktor na magpa-makeup na ito, ang kabig ni Mike na bigyan nang mahabang sequence ng dialogue si Vilma sa unang araw ng shooting na kailangan nitong memoryahin ng sampung minuto, kung paano nagpa-packup si Mike, ang una’t huli sa pelikulang ito, dahil sa hindi nasunod ang isang instruksyon nito, sabay sipa sa nakalapag sa sahig ng bagay na kinasuklaman nito.

Para sa akin, mahalaga ang pelikula sa, at least, tatlong dahilan. Una, ito ay maaaring isa sa pinakamatingkad na pag-arte sa kasaysayan ng pelikulang Filipino. Ang maaaring kakambal nito ay ang pagganap ni Nora Aunor bilang Elsa sa Himala. At pati ang cast ay tampok rin sa pinakamagaling na ensemble acting—sina Laurice, Tony Santos, Jay Ilagan, at iba pa.

Ikalawa, isa lamang ito sa dalawang pelikulang matataguriang “socialist realist” na pelikula. Hindi lamang ito nagsisiwalat ng problemang makauri sa lipunan, kundi direktang nagpapahiwatig ng solusyon. Kasama ang Orapronobis ni Lino, na sinulat din ni Pete, ang Sister Stella L ang makabuluhang feature-length film na tumahak nitong kakaibang landas. Malinaw ang pangkamulatang proyekto ng pelikula.

At huli, ito lamang, sa aking pagkakaalam, ang pelikulang gumamit ng direct camera approach sa pagsisiwalat ng pangkamulatang proyekto. Sa huling bahagi ng pelikula, ang karakter ni Vilma, ay nakatingin sa kamera, at kinakausap ito—o ang publikong nakakapanood ng pelikula. At dito, matapos ng timping intimate na monologo, unti-unti itong nagngangalit sa kawalan-katarungan. Dito rin sinambit ng madre ang linyang halaw sa masthead ng Philippine Collegian, “Kung hindi ngayon, kailan? Kung hindi tayo, sino?”

Hindi ginagawa ito sa pelikula. Tanging sa medium ng telebisyon ito nangyayari: kinakausap ng newscaster ang manonood, nagpapatawa ang komedyante at isinasama niya ang nasa kanilang tahanan sa katatawanang ito. Sa pelikula, dapat ay natural na parang walang kamera. Ang pagsisiwalat ng huling bahagi ng kapangyarihan ng kamera: ang kapasidad nito, sa loob ng diegetic na uniberso ng pelikula, na tawagin ang pansin ng mga nasa labas nito, ang manonood, hinggil sa kaganapan sa naratibo, at ang implikasyon nito sa mas malaking lipunan.

Palagay ko, ang pinakamalaking pagpupugay sa pelikula ay nanggaling kay Ka Nenita “Nits” Gonzaga ng Women’s Desk ng Kilusang Mayo Uno. Na kahit pinataob ang pelikula ng eskapistang pelikula ni Sharon Cuneta, paulit-ulit na ginagamit ang Sister Stella L sa piketlayn at gawaing unyonismo. At patuloy ang epekto nitong makapagmulat at makapag-organisa.

Sa pilak na taon ng pelikula, isang pagpupugay. Sinabi ko sa forum na sana ay hindi abutin ng susunod na 25 taon bago magkaroon ng sistemikong katugunan sa problemang isiniwalat ng pelikula. At ang utopia ko ay ganito—na tunay na mapatagos ang “ngayon” at “tayo” bilang ahensya at puwersa ng kasaysayan.