Cristina, usap tayo

May 8, 2009

Sa introduksiyon (at sa blurb ng libro) binanggit na ang tunguhin ng Ginger ay makipagkuwentuhan sa mambabasa. Marami akong natutunan tungkol sa panitikan, kasaysayan at feminismo. Masarap ang kakuwentuhan si Cristina Pantoja Hidalgo

Sa introduksiyon (at sa blurb ng libro) binanggit na ang tunguhin ng Ginger ay makipagkuwentuhan sa mambabasa. Marami akong natutunan tungkol sa panitikan, kasaysayan at feminismo. Masarap na kakuwentuhan si Cristina Pantoja Hidalgo

Ang introduksiyon ni Cristina Pantoja-Hidalgo sa kanyang Over a Cup of Ginger Tea ay autobiographical, at siguro ito ang lugar upang idiskas kung ano ang kapangyarihan ng genre na ito.

Una, nagagawang baklasin ng autobiography ng salungatang personal/pulitikal. Halimbawa, sa kanyang introduksiyon diniskas ni Hidalgo kung paanong pagkatapos ng ilang taon ng pagsusulat ng mga sanaysay tungkol sa paglalakbay sinimulan n’yang basahin ang mga teoritista ng postkolonyalismo tulad ni Edward Said, at nakaramdam s’ya ng agam-agam sa pagturing sa Pilipinas/mga Filipino bilang “bukod” o “iba.” Personal ito, tungkol ito sa damdamin n’ya. Pero pulitikal ito sa implikasyon ng kanyang pagkakaroon ng mga agam-agam: mapanganib ba ang pagturing sa sariling bayan bilang exotic?

Pangalawang kapangyarihan ng autobiography ang pagbubuwag sa dikotomiyang seryoso/di-seryoso, ang pagpapalabas na salungat ang akademiko sa pagiging impormal. May feministang oryentasyon ito (may ilan pang tala hinggil sa feminismo sa ibaba), sa pag-uusig sa mga ideya ng karunungan na may pagkiling sa masculine. Dahil sa stereotype sa kasarian, itinuturing ang lalake bilang may katwiran, malinaw pagdating sa katotohanan. Rehimen ng lalaki ang agham, kasaysayan, pilosopiya. Ang lalaki ay may pakialam lamang sa facts. Sa ganitong pananaw hindi itinuturing na lehitimong batis ng karunungan ang, halimbawa, mga diary at journal. Ngunit sa sanaysay na “Rewriting the War,” ipinakita ni Hidalgo kung paano ang mga autobiography ng mga babae hinggil sa kanilang mga karanasan noong ikalawang digmaang pandaigdig sa ilalim ng mga Hapones ay nagsisilbing “kontra-alaala,” alternatibo sa opisyal na diskurso. Ang mga tekstong sinuri ay nagbibigay-tinig sa mga pinatahimik. Ang mga memoir at diary ng mga babaeng ito ay nagpopokus hindi sa dakilang martsa ng Kasaysayan (malaking K) kundi sa pang-araw-araw na buhay, mga problema tungkol sa pagkain, pananamit, tirahan. Hindi isinasantabi ang brutalidad ng gera bagkus ay pinaiigting ang pagkakaintindi rito. Sa mga autobiography nakikita ang bulag na pagtingin sa mga Amerikano bilang tagapagligtas, ang pagsali ng mga simpleng mamamayan sa mga gerilya, ang pang-aabuso ng mga Hapones at ng mga gerilya.

Bukod sa autobiography, nagtuon ng pansin si Hidalgo sa iba pang genre na minamaliit ng diskurso ng seryosong kritisismo sa literatura. Mayroon s’yang sanaysay hinggil sa crime novel ni F.H. Batacan at chick-lit ni Tara Sering. Merong reebalwasyon ng fairy tales ni Gilda Cordero-Fernando. May sensitibong analisis sa mga kwento ng pag-ibig nina Edith Tiempo at Kerima Polotan, pati na rin sa mga personal na sanaysay (creative non-fiction) nina Barbara Gonzalez at Rosario Garcellano. May pananaw na feminista ang “pagbawi” ni Hidalgo ng panunuring pampanitikan mula sa namamayaning ideolohiya at pagsulong n’ya sa mga tekstong minor na ito. Ano ang mga katangian ng feministang kritisismong ito?

Una, itinatakwil ang makitid na formalismo at inilalatag ang konseptong hindi naman mapaghihiwalay ang anyo at nilalaman. Nakalulungkot na may mga kritikong ang empasis pa rin ay sa pagbibilang ng pantig o di kaya’y sa paghahanap ng simbolo para sa paghahanap ng simbolo. Bagaman paminsan-minsan ay nagkokomento pa rin si Hidalgo tungkol halimbawa, sa mas higit na sopistikasyon ng “The Corral” ni Edith Tiempo kumpara sa “Love in the Cornhusks” ni Aida Rivera Ford, sa pangkalahatan ay naipararating n’ya na wala namang silbi ang sopistikasyon sa pagsusulat kung ito ay nagsusulong ng makalalaking hegemoniya. Halimbawa, sa kanyang diskusyon ng Smaller and Smaller Circles ni Batacan at Getting Better, nagmumuni s’ya sa kung bakit ang pagiging bahagi ng popular na kultura ng dalawang libro ay hindi nakaharang sa pagwagi ng mga ito pagkilala at gawad. Mula rito iniugnay n’ya ang pagiging mabenta (ang Smaller ay may 6,000 nang limbag na kopya) ng mga libro at ang maliit na bahagi ng mga Filipino na nagbabasa ng literatura. Magkasalungat ang taste ng audience at istandard ng mga Filipinong nagsusulat sa Ingles. Ayon kay Hidalgo, “hindi seryoso” ang genre na piniling tahakin nina Batacan at Sering sapagkat higit sa ekspresyon ng damdamin kundi ang maabot ang kanilang mambabasa, sapagkat malay sila sa kung para kanino sila nagsusulat.

Pangalawang maituturing na feministang estratehiya sa Ginger ay ang mismong kamalayan ng awtor sa kanyang mambabasa. Ito ay makikita sa kanyang tamang interbensiyon sa sinusuri. Hinahayaan n’yang magsalita ang mga tekstong inaanalisa. Dahil dito, halimbawa, nababasa natin ang sariling salita ni Carmen Guerrero Nakpil, kung paano n’yang dinuraan ang unang Amerikanong sundalong kanyang nakita noong Pebrero 1945 dahil sa kanyang galit sa pagwasak ng mga Amerikano sa Maynila. Hindi pinapalagay ni Hidalgo na alam na ng mambabasa ang mga kuwentong kanyang dinidiskas, ang target n’yang audience ay hindi akademiko kundi ang general reader, iyong walang pormal na training ngunit interesado sa pagsusulat, kritisismo at mga isyung pambabae. Sa ganitong paraan matutunghayan natin ang kapangyarihan mga autobiography, fairy tales at kuwento ng pag-ibig, hindi sila natatabunan ng tinig ng dominanteng kritiko. Naeengganyo ang mambabasa na hanapin ang orihinal na teksto sapagkat nagsisilbing tulay ang kritiko.

Sa introduksiyon (at sa blurb ng libro) binanggit na ang tunguhin ng Ginger ay makipagkuwentuhan sa mambabasa. Marami akong natutunan tungkol sa panitikan, kasaysayan at feminismo. Masarap ang kakwentuhan si Cristina Pantoja Hidalgo.