Uncategorized

Kawani ng gobyerno, nais magkaboses sa Kongreso


Nagpahayag ang Courage ng intensiyong lumahok sa halalang party-list sa taong 2010. Nais nilang itaguyod ang isang legislative agenda ng mga kawani ng gobyerno. Pati na siyempre ang paglahok ng sektor na ito sa iba pang mahahalagang usapin sa bansa.

Si Ferdinand Gaite, presidente ng Courage, noong Mayo Uno. (KR Guda)

Mga Puwersa ng Pagbabago sa 2010Una na ito sa serye ng mga panayam at artikulo na tumatalakay sa iba’t ibang grupo o puwersang pulitikal na may potensiyal na magdala ng makabuluhang progresibong pagbabago sa halalang 2010. “Pulitika ng pagbabago” ang nais itaguyod ng mga grupo at puwersang ito. Pero ano ba ang gusto nilang baguhin at ano ang tsansa nila para makapagpakilala ng pagbabago? Ito ang uuriratin ng seryeng ito sa Pinoy Weekly. (Ed.)

* * *

Hindi lang simpleng bahagi ng burukrasya ng gobyerno ang mga empleyado nito. Ipinakita ng isang grupo ng mga kawani ng gobyerno na kaya – at kailangan – nitong aktibong magtaguyod ng pagbabago ng pamamalakad at mga polisiya ng gobyerno. Isa ito sa mga positibong taguyod ng pagbabago sa lipunang Pilipino.

Ito ang grupong Courage, o Confederation for the Unity, Recognition and Advancement of Government Employees. Sa ilalim ng tagapangulo nitong si Ferdinand Gaite, aktibong lumahok ang Courage sa pagpepresyur sa pamahalaan para magbago para sa ikabubuti ng lipunan.

Kinapanayam ng Pinoy Weekly si Gaite hinggil sa direksiyong ito na nais tahakin ng Courage.

PW: Paano kayo nagsimula sa gawain ninyo sa Courage?

FG: Ako ay naging kawani ng pamahalaan noong 1987 bilang casual employee. Immediately after noong pagpapabagsak kay Marcos, estudyante pa lang ako, nagtrabaho na ako sa Overseas Workers Welfare Administration (OWWA). Sa loob ng 16 taon doon ako naglingkod hanggang 2003, noong ako ay nagbitiw. Ngayon, full-time ako sa Courage.

Dati, nagsilbi akong Secretary General ng Courage. Then since 1997 – 1996, I thinkI served as the president, hanggang sa kasalukuyan.

’Yung tinahak ng kawani sa maraming usapin ay naging bahagi ng laban ng Courage sa matagal na panahon – usapin ng sahod, trabaho, karapatan – at naging bahagi ako mula pa nang itinatag ang Courage noong 1987, noong pipito pa lamang ang aming organizations. So bahagi na ako ng initial stages ng pagtatayo ng Courage.

Nagsilbi rin akong presidente ng aming unyon sa OWWA; ang pangalan ng aming unyon ay Welfare Fund Employees Association. Nagsilbi rin akong vice-president ng aming department-wide union, yung DOLE Employees Union; naging second vice-president din ako dati doon habang nasa OWWA ako.

Ano ang naging simula ng pakikilahok mo sa progresibong pakikibaka?

Kahit noong panahon ko pa ng kabataan/estudyante, sangkot ako sa youth activism. Nanggaling ako sa UP ngunit hindi ako nakapagtapos. Doon pa lamang sa UP nasangkot na ako sa kilusan ng kabataang estudyante.

Lumipat ako sa Lyceum at doon ko itinuloy ang aking aktibismo. Katunayan, bago ako magtapos (noong 1987), nagsilbi rin akong presidente ng aming konseho (Lyceum Central Student Government). As a matter of fact, I am proud to say that I am even part of the refounding congress of NUSP (National Union of Students of the Philippines). I was part of that since I was the council president. Ang mga kasamahan namin doon at that time sina Nani Braganza, Lean Alejandro, Mercy Ferrer. These were the leaders of the different schools in Metro Manila when we re-established the NUSP. So doon pa lang ay may involvement na ako.

Kaya noong nagtabaho na ako sa gobyerno, dala-dala ko yung prinsipyo ng pakikibaka para sa kagalingan at karapatan ng mga mamamayan, partikular ngayon sa hanay namin ng mga government employee. Nai-apply ko pa rin yung aking karanasan sa pagsulong sa karapatan at kagalingan ng mga estudyante ay appropriately nai-apply ko sa kalagayan ng mga kawani sa pamahalaan. So noong 1987, pumasok na ako sa OWWA, at tuluy-tuloy na kumilos ako para maitatag yung aming unyon sa aming ahensiya at the same time maitatag din ’yung Courage.

’Yung Courage ay, nung nagsimula, pipitong organisasyon lang. Isa sa seven founding members ay ’yung unyon dati Quezon City Hall – ’yung pangalan ng union nila dati ay QC Change. Sila ang one of the founding members. Ang iba pa diyan ’yung National Food Authority Employees Association, National Housing Authority Consolidated Union of Employees (NHAQ), yung defunct Ministry of Human Settlements, yung Philippine Nuclear Research Institute, at – if I’m not mistaken – Philippine Fisheries Authority.