Husgahan Natin

Kwento ng isang kusinero

Ang pag-uusapan nating kaso ngayon ay tungkol sa isang kusinero. Hindi ito yung kuwento kung saan sinabi ng amo sa kanyang kusinero na nagsisisi na siya sa kanyang pang-aapi sa huli at mula sa oras na iyon ay hindi na niya ito aapihin. “Hindi bale sir,” sagot naman ng kusinero. “Mula ngayon, hindi ko na […]

Ang pag-uusapan nating kaso ngayon ay tungkol sa isang kusinero. Hindi
ito yung kuwento kung saan sinabi ng amo sa kanyang kusinero na nagsisisi
na siya sa kanyang pang-aapi sa huli at mula sa oras na iyon ay hindi na niya
ito aapihin. “Hindi bale sir,” sagot naman ng kusinero. “Mula ngayon, hindi
ko na rin duduraan ang sabaw nyo.”

Sa kasong Harborview Restaurant vs. Reynaldo Labro ( G.R. No.
168273; April 30, 2003 ), matagal nang kusinero si Reynaldo sa isang
restawran. Isang araw, nabigla na lamang siya sa kanyang pagpasok nang
malaman niyang pinalitan na pala siya ng manedsment sa kanyang trabaho.

Utos daw ito ng kanilang general manager. Ayon sa kanyang mga kasamahan, nagalit daw ang general manager kay Reynaldo nang malaman
nito na binigyan niya ng libreng karne mula sa kitchen ng restawran ang
isang supplier nito. Nangatuwiran si Reynaldo na hindi totoo ang pangyayari
ngunit sinabihan siya ng kanilang supervisor at chief cook na umuwi
na lamang sapagkat wala nang trabahong nag-aantay sa kanya dahil nandoon
na nga ang kanyang kapalit. Walang nagawa si Reynaldo kundi ang
umuwi.

Pagkatapos ng isang linggo, nagsampa ng kasong illegal dismissal si Reynaldo laban sa manedsment sa tanggapan ng Labor Arbiter. Sinagot ito ng manedsment at ang kanilang sabi ay hindi naman daw nila tinanggal si Reynaldo at siya ang kusang nag-iwan sa kanyang trabaho. Pinadalhan daw nila ito ng sulat na mag-report sa kanilang general manager pero binalewala ni Reynaldo ang nasabing sulat. Isa pa, may nagawang katiwalian si Reynaldo kung kaya’t kusa nitong inabandona ang kanyang trabaho.

Sa naging hatol ng Labor Arbiter, napatunayan nitong walang kasalanan si Reynaldo sa nangyari. Kaya inutusan nito ang manedsment na ibalik siya sa kanyang trabaho at bayaran ng kanyang backwages.

Inapela ng manedsment ang desisyon sa National Labor Relations Commission (NLRC) . Sinabi nito na palusot lamang ni Reynaldo ang pagsampa ng kaso upang matakpan ang ginawang katiwalian. Naniwala naman ang NLRC at binaliktad ang hatol ng Labor Arbiter. Nagpasya itong tama lang na tanggalin ng manedsment si Reynaldo.

Dinala ni Reynaldo sa Court of Appeals ang kaso at dito, siya naman ang nanalo. Ibinalik ng Court of Appeals ang desisyon ng Labor Arbiter kung saan panalo ang kusinero sa kaso.

Napilitang dalhin ng manedsment sa Korte Suprema ang kaso. Pinangatuwiran nila na hindi naman nila pinaalis sa trabaho si Reynaldo kungdi pinagre-report lamang sa manager upang maimbestigahan sa kasong theft. Ang bagong cook ay hahalili lamang kay Reynaldo habang ang kanyang kaso ay iniimbistagahan pa. Ngunit diumano’y iniwanan na ni Reynaldo ng tuluyan ang kanyang trabaho.

Hindi naniwala ang Korte Suprema sa argumento ng manedsment. Obligasyon ng manedsment na patunayan na iniwanan ng manggagawa ang kanyang trabaho, paliwanag ng Korte Suprema. Sa kaso ni Reynaldo, hindi sapat ang pinakitang katibayan ng manedsment upang patunayang iniwanan nga ng huli ang kanyang trabaho. Kung ganito ang sitwasyon, kailangang panalunin ang manggagawa.

Una, walang katibayan ang manedsment na inutusan nito si Reynaldo na magpunta sa general manager upang maimbestigahan sa kasalanang binibintang sa kanya. Kung talagang inutos ito ng manedsment, saan ang memorandum tungkol rito ? Wala, pansin ng Korte Suprema.

Pangalawa, kaagad na nagsampa si Reynaldo ng kasong illegal dismissal laban sa manedsment. Ito ay lalong nagpatibay sa kanyang kuwento na siya ay tinanggal sa trabaho. Kung siya ang nag-iwan sa kanyang trabaho, bakit pa siya magdedemanda para makabalik dito? Ang pagsampa niya ng kaso ay nagpapakita na tinanggal nga siya sa trabaho.

Pangatlo, hindi sasabihan ng kanilang chief cook at supervisor si Reynaldo na wala na siyang trabahong babalikan kung hindi nagpasya ang manedsment na tanggal na siya sa trabaho. Ang chief cook at supervisor ay taga-sunod lamang sa utos ng manedsment. Ang pagsasabi nila kay Reynaldo na huwag nang pumasok ay nagpapatunay lamang na tanggal na nga ito sa kanyang trabaho.

Kinatigan ng Korte Suprema si Reynaldo at binasura ang kaso ng manedsment.