Maralitang biktima ng demolisyon ng South Rail project, nagmartsa

Higit isandaang biktima ng demolisyon sa tabing-riles sa Muntinlupa ang nagmartsa mula sa estasyon sa Alabang ng Philippine National Railways (PNR) tungo sa City Hall ng lungsod upang maglunsad ng piket para ipanawagan ang kagyat na solusyon sa pabahay, trabaho at katarungan. Sa pangunguna ng bagong tatag na organisasyon ng mga biktima ng demolisyon, ang […]

Higit isandaang biktima ng demolisyon sa tabing-riles sa Muntinlupa ang nagmartsa mula sa estasyon sa Alabang ng Philippine National Railways (PNR) tungo sa City Hall ng lungsod upang maglunsad ng piket para ipanawagan ang kagyat na solusyon sa pabahay, trabaho at katarungan.

Sa pangunguna ng bagong tatag na organisasyon ng mga biktima ng demolisyon, ang Bangon Maralita-Kalipunan ng Damayang Mahihirap (Kadamay) sa Muntinlupa, at Bagong Alyansang Makabayan (Bayan) sa National Capitol Region, binalak ng mga nagpoprotesta na makipagdiyalogo kay Mayor Aldrin San Pedro ukol sa ginawang malawakang demolisyon sa mga kabahayan sa tabing-riles sa mga barangay ng Sucat, Cupang, Buli at Alabang.

Plakard lamang ang bitbit sa mahabang paglalakad, iniwang halos walang gamit, pagkain, pantustos sa mga pangangailangan at kabuhayan ang mga maralita sa ginawang paggiba sa kanilang kabahayan noong Abril 27-29.

Pagdating sa City Hall ay agad na hinarang ng mga guwardiya ang mga nagpoprotesta. Pinapasok ang mga lider upang makipagdiyalogo ngunit hindi sila hinarap ng alkalde. Ayon sa humarap na kalihim ng lungsod, “may inaasikasong kasal” si Mayor San Pedro. Hindi rin nagbigay ng tiyak na petsa ng pakikipagdayalogo sa mga biktima ng demolisyon ang tanggapan ng punong-lungsod.

Sa kasalukyan, higit 100 katao ang sama-samang naninirahan sa mga itinayo nilang kubol-kubol malapit sa PNR Alabang Station upang ipaglaban ang ginawang pagpapasahol sa kahirapan at paglabag sa karapatang pantao.

Nakaamba pa rin ang banta ng clearing demolition sa Mayo 20 na isasagawa ng PNR Police at National Housing Authority upang patagin na ang pinaggibaan ng mga bahay. Dito, maapektuhan naman ang mga kubul-kubol na itinayo ng mga maralitang wala pa ring malilipatang tirahan.

Ang isinagawang martsa at piket sa araw na ito ay isa lamang sa serye ng mga protesta at aksyon na ilulunsad ng mga maralitang biktima ng demolisyon, sa pangunguna ng Bangon Maralita-Kadamay sa Muntinlupa at Bayan-NCR.

Matapos ang demolisyon noong Abril 27-29, 962 pamilya o halos 5600 katao ang naiwang walang tirahan o ibang mapupuntahan. Tinatayang sampung libong pamilya sa Muntinlupa ang apektado ng demolisyon sa gagawing pagpapatuloy ng South Rail Linkage Project.

Ulat ng Tudla Productions/Mayo 19, 2009