Migrante

OFW sa Dubai, ginahasa na, ikinulong pa

Nag-ingay ang mga grupo ng migrante at mambabatas sa Pilipinas sa pagkakakulong sa babaing Overseas Filipino Worker (OFW) matapos magahasa ng anak ng kanyang amo sa Dubai, United Arab Emirates. Binatikos din ni Gabriela Rep. Luzviminda Ilagan ang administrasyong sa matagal nitong pagtugon sa kasong ito ni Wilma (di niya totoong pangalan). “Dapat nang itigil […]

Nag-ingay ang mga grupo ng migrante at mambabatas sa Pilipinas sa pagkakakulong sa babaing Overseas Filipino Worker (OFW) matapos magahasa ng anak ng kanyang amo sa Dubai, United Arab Emirates.

Binatikos din ni Gabriela Rep. Luzviminda Ilagan ang administrasyong sa matagal nitong pagtugon sa kasong ito ni Wilma (di niya totoong pangalan).

“Dapat nang itigil ng administrasyong Arroyo ang sadyang pagbabagal nito para tugunan ang pangangailangan ng mga OFW laluna ang mga nakakulong at nasa death row sa Gitnang Silangan at China,” paliwanag ni Ilagan.

Kinasuhan umano ng adultery at ipinakulong si Wilma ng kaanak ng kanyang Arabong employer matapos malamang ginahasa ng anak ng employer ang Pilipinang OFW.

“Para sa asawa at pamilya ng OFW na si Wilma, tinatawag namin ang pansin ng mga opisyal ng embahada ng Pilipinas laluna ang tanggapan ng Assistant to the National (ATN) na bigyan ng ayuda ang biktima na ngayo’y nakakulong sa Ajman Central Jail,

laluna ang pagkuha ng abogado para sa kanyang depensa,” ayon kay John Monterona, rehiyonal na tagapag-ugnay ng Migrante sa Gitnang Silangan.

Sinabi pa ni Monterona na walang dahilan para sa embahada na di mabigyan ng abogado si Wilma dahil may pondo naman para rito sa ilalim ng General Appropriation Act para sa Department of Foreign Affairs.

“Nakasaad sa R.A. 8042 ang pagtatag ng legal assistance fund na aabot sa P100 Milyon para sa ayudang legal sa sinumang OFW o Pilipino sa ibang bansa na nangangailangan ng tulong tulad ng biktima ng panggagahasa na si Wilma,” sabi ni Monterona.

Ayon sa Migrante, kinuha si Wilma bilang hotel chambermaid sa ilalim ng Marvic Overseas Placement Agency pero pagdating sa Dubai, ginawa siyang domestic helper. Matapos mabalitaan ang panggagahasa, iniwan siya ng naturang recruitment agency.

Sabi ni Ilagan, hindi lang si Wilma ang nakulong na OFW sa Gitnang Silangan. Inamin mismo ng DFA na may halos 40 OFW sa China, karamiha’y babae, na nasa death row. Karamiha’y nahatulan umano sa kasong may kinalaman sa droga.

“Malamang, konserbatibong tantiya pa lamang ito ng DFA. Kailangang gawin ng Palasyo ang lahat para isalba ang buhay ng mga nakakulong nating kababayan at dalhin sila pauwi,” pagtatapos ni Ilagan.