Pasintabi

Sa loob ng madilim na kuwarto


Ito ang unang linyang kailangang dugtungan ng mga kasama sa workshop sa pagsulat. Ano ang mga bagay na nakakapa, nadadama sa kuwarto? Maglalagay ang mga kalahok ng sampung pangungusap, bago pare-parehong magtapos sa linyang “kaya alam kong makikita ko rin ang liwanag.” Nagsimula ang hapong sesyon sa isang therapy: paghahanap ng isang ligtas na lugar […]

Ito ang unang linyang kailangang dugtungan ng mga kasama sa workshop sa pagsulat. Ano ang mga bagay na nakakapa, nadadama sa kuwarto? Maglalagay ang mga kalahok ng sampung pangungusap, bago pare-parehong magtapos sa linyang “kaya alam kong makikita ko rin ang liwanag.”

Nagsimula ang hapong sesyon sa isang therapy: paghahanap ng isang ligtas na lugar na nakakatagpo’t nakakapamaalam sa isang mahal sa buhay na kagyat na nawala at winala. Talo pa ang mga karayom sa acupuncture sa pangungurot ng sakit. Malalim at matatalas ang pangungulila. Hindi buo ang eksena.

Isang dalagita ang nagsabing ama niya ang nakita niya sa pagsara ng mga mata. Mabilis ang tagpuan pero mabigat ang pagkikita, lalo na ang pamamaalam. May pirasong papel na iniwan ang ama, at may isang salitang nakasulat rito, “Mahal.” Ang isang ina naman ay text ang naalaalang basahin sa pagtatagpo sa isip. Hindi binubura ng ina ang text ng nawawalang anak.

Isa pa ring ina ang nagkuwento ng tampuhan nila sa huling gabi ng pagkikita. Kaya lalong mabigat ang pangungulila, at pursigido ang paghahanap sa nawawalang anak. Isang survivor ng tortyur ang nagkuwento ukol sa kapatid. Isang anak ang wala halos masabi. Ayaw pang magkuwento ng naganap na tagpuan sa kanyang utak.

Habang nag-aantay magsimula ang hapong sesyon, tinanong ko ang therapist kung bakit kaya walang pinagkaiba ang pag-iyak ng bawat kamag-anak na nawalan ng mahal dahil sa sapilitang pagkawala o pinaslang ng militar. O mismong biktima ng karahasan ng militar—inaresto at tinortyur, kundi man, ang maging saksi sa di matinag na pambabalahura ng militar kapag sila ay naghahanap sa kanilang kaanak.

Ang sagot ng therapist ay hindi madali ang closure o pagsasara sa episode na ito. Mabuti pa kung pinatay, alam ang kinahinatnan. Pero kung sapilitang winala, bawat matukoy na lead ay pintig ng pag-asa. Bawat bulong ay tinitimbang bilang posibilidad para sa katotohanan. Bawat kampo ay posibleng kinalalagyan ng kanilang kaanak. Bawat labing matagpuan ay maaaring sa kanilang mahal.

Sa workshop sa pagsulat, hindi inaasahang maging magaling na manunulat ang mga kalahok. Ito ay pagsulat bilang therapy—maiakda man lamang ng mga kamag-anak ang timpla ng kanilang pag-iisip, malangkap ang pinagdadaanang mga araw. Ano ang pangamba ngayong araw? Bakit patuloy ang bigat? Bakit di maibsan ang pinapasan? Bakit walang lubos na kasagutang makakatugon sa simpleng tanong—nasaan ang kanilang kaanak?

Madilim ang kuwarto at nakapanindig-balahibo ang mga detalye. Sarado ang kuwarto. Umuulan sa labas. Tila may ibang tao sa kuwarto. Hirap makahinga sa madilim na kuwarto. Malamig sa kuwarto. Nangangapa ang kamay sa harap sa kadiliman ng kuwarto. Mabigat ang pakiwari sa kuwarto. May sariling buhay ang madilim na kwarto.

Pero ang direksyon ng pagsulat sa madilim na kuwarto ay ang pagtagpo sa liwanag. Narito ang naalaala kong mga detalye: apat lang naman ang sulok ng bawat kuwarto, makakapa rito ang pinto palabas ng kuwarto; na sa siwang ng bintana, tumila na ang ulan at mayroong mapusyaw na bahaghari; na taimtim na tititig lamang, hanggang sa masanay ang mga mata sa kadiliman at may maaninag na lagusan palabas.

Ito ang mga pagkakataong inaalala ko ang sarili kong lunan. Na ang mga kailangan kong isulat para sa propesyonal na pag-usad, ang paratihang pangamba sa pagsulat—kung masisimulan at matatapos ba ito, kung masasabi ba ang dapat sabihin—ay tunay na para lamang sa sariling pag-usad. Muli kong alalahanin na dapat ko man lamang maipasok ang ganitong kuwentong nangyayari sa lipunan sa aking mga sinusulat.

Kaya na rin ako napipilay kapag nagsusulat. Ano nga ba ang lugar nito sa sarili kong buhay? Pero may kapangyarihan ang pagsusulat, at ito ang tinatangkang igabay sa mga kaanak na kapiling, isang hapon sa workshop: ang kapangyarihang akdain ang sariling buhay at kapakanan.

Na sa pagpapatuloy ng pagsulat, ang pagsalat ng tinta sa papel, ay pagtatangkang maghilom ang di masasarang mga sugat. Na sa pagbabalik-tanaw sa mga nasulat, silang di nakakatulog nang maayos sa gabi, ay hindi na lamang nagpapabaling-baling sa kanilang mga kama at utak, sinusulat nila ang kanilang kuwento, na kasama ang mga akda sa pag-aantay para sa kanilang mahal sa buhay.