Demonyong sumisipi sa Bibliya


Sa kabila ng mga pasaring, ng mga parinig, ng mga kuru-kuro, ng nakakakiliting mga suhestiyon – tahimik pa rin si Gloria Arroyo. Tahimik siya sa plano niya sa eleksiyong 2010. Pero higit sa mga pahayag, mas diretsong magsalita ang kanyang mga kilos.

Sa kabila ng mga pasaring, ng mga parinig, ng mga kuru-kuro, ng nakakakiliting mga suhestiyon – tahimik pa rin si Gloria Arroyo. Tahimik siya sa plano niya sa eleksiyong 2010. Pero higit sa mga pahayag, mas diretsong magsalita ang kanyang mga kilos.

Sabi ng Palasyo, respetuhin na lang daw natin ang pananahimik ni Arroyo. Sabi natin, hindi na kailangang maghintay pa. Ano man ang hindi niya sinasabi, naihahayag na ng mga kilos niya.

At ang isinisigaw nito: Gustong manatili sa poder ni Arroyo. Tiyak iyan, mula sa pagtulak sa pagbubuo ng Constitutional Assembly ng mga himod-tumbong na kaalyado sa Kongreso, hanggang sa pagsabi ng iba pang himod-tumbong sa gabinete na tatakbo nga siya bilang kongresista ng Pampanga sa 2010, hanggang sa pananahimik niya. Kahit ang pag-ikot niya sa iba’t ibang bansa, mababasa bilang bahagi ng buong plano para makakuha ng suporta sa mga plano niyang manatili sa poder.

Sabi ng mga kaalyadong kongresista, pati na ng mismong mga tambolero ni Arroyo sa Palasyo, makakasiguro ang bansa na may halalan sa 2010. Pero kilala na natin kung paano magsalita ang mga ito. Ayon sa isang kasabihan sa wikang Ingles, “Even the Devil can quote the Scriptures.” Kahit ang demonyo, kayang sumipi sa Bibliya. Kayang magdilang-anghel. Kilala natin si Arroyo. Nagagawa niyang magsalita hinggil sa demokrasya, hinggil sa karapatang pantao, hinggil sa kaunlaran – habang sinasaksak sa likod ang ating demokrasya, tinatapakan ang ating karapatang pantao, at dinudumihan ang anumang pag-asa ng kaunlaran. Ang tawag dito ng iba, double talk. Pero mas mainam na tawagin na nating devil talk..

Walang ibang tawag kundi devil talk, halimbawa, ang sinasabi ngang matutuloy ang halalan sa 2010. Pero bukas sa kung anu-anong posibilidad ang halalang ito. Puwedeng di-matuloy kapag nagdeklara ng failure of elections ang Commission on Elections dahil sa palpak na automated na botohan at bilangan. Puwedeng dahil sa mga protesta sa lansangan, biglang magdeklara si Arroyo ng Batas Militar, at sabihing plano talaga niyang ipagpatuloy ang eleksiyon pero dahil sa mga protesta, isususpinde muna niya ito.

At siyempre, puwedeng wala na talagang halalan na maganap sa 2010. Salamat sa House Resolution 1109 (na ipinasa ng Kamara matapos sabihin ni Espiker Prospero Nograles Jr. na malabo nang mag-Charter Change), posibleng ipasok ang usapin ng ekstensiyon ng termino ng Pangulo. Hindi lang pala “posible” – “malamang.” Malamang na subukan nila ang ekstensiyon. At kung hindi umubra ito, malamang na subukan nilang magpakilala ng mga pagbabago sa Saligang Batas na makakasigurong makakatakbo muli si Arroyo, o masisigurong mananatili siya sa kapangyarihan at hindi mapapasailalim sa prosekusyon.

Kung hindi pa halata sa ilan sa atin, sabihin na natin dito: Kapag naging kongresista si Arroyo sa Kamara, nasa posisyon siyang mahalal bilang Punong Ministro sa oras na mabago ang porma ng gobyerno mula presidensiyal tungong parlamentaryo. Bilang miyembro ng Parlamento, madali na siyang maihahalal ng mga himod-tumbong na kapwa mga miyembro ng Parlamento. Punong Ministro, o Presidente, o Reyna pa nga.

Hihintayin pa ba nating basagin ni Arroyo ang kanyang katahimikan hinggil sa 2010? Hindi na kailangan. Batid na natin ang mga plano niya. Sa harapan natin, inilalatag na ang implementasyon ng Plan A, Plan B, hanggang Plan Z. Gustong makasiguro si Arroyo na buhay pa siya sa pulitika ng bansa matapos ang 2010.

Walang prosekusyon sa mga krimen niya, walang pananagutan sa mga ginawa niya. Sa maikling salita, ang gusto niyang mangyari ay:

Manatili sa kapangyarihan habambuhay.