Pambansang Isyu

Cha-cha para sa dayuhang pandarambong


Itinutulak ng rehimeng Duterte ang Constituent Assembly o con-ass. Sinusuportahan ito ng maraming mambabatas — na kumakatawan sa interes ng iilang mayayaman — para bigyan-daan ang tuluyang dayuhang pandarambong sa bansa.

Noong Hunyo ng nakaraang taon, bago ang huling State of the Nation Address (SONA) ni dating Pang. Benigno Aquino III, sinubukan ng mga kaalyado ng Pangulo sa Kongreso na madaliin ang pagrerepaso ng Saligang Batas para bigyan-daan ang diumano’y mga “repormang pang-ekonomiya”. Ngayong matapos ang unang SONA ni Pangulong Duterte, abala na naman ang Kongreso sa pagrerepaso sa Saligang Batas.

Sa pagkakataong ito, nais isakay ng mga kongresista ang charter change (cha-cha) sa plano ng administrasyong Duterte na baguhin ang porma ng gobyerno tungo sa “pederal na porma”.

Nakumbinsi rin diumano ng kasalukuyang House Speaker na si Pantaleon Alvarez si Duterte na itulak ang cha-cha sa pamamagitan ng Constituent Assembly o con-ass (Kongreso ang magiging con-ass na magrerepaso sa Saligang Batas) sa halip na Constitutional Convention o con-con (ihahalal ng taumbayan ang mga delegado na siyang magrerepaso sa Saligang Batas). “Mas mura at mas mabilis” daw ang con-ass, ani Alvarez.

Pero noon hanggang ngayon, mula sa mga sarbey hanggang sa mga protesta sa lansangan, matindi ang pagtutol ng taumbayan sa pagrepaso sa Saligang Batas. Karamihan ng mga mamamayan ang tutol sa con-ass, gayundin sa mga panukalang “repormang pang ekonomiya” tulad ng pagbubukas sa ekonomiya ng bansa sa 100 porsiyentong dayuhang pagmamay-ari

Tutol din ang karamihan sa limitasyon sa termino ng mga halal na opisyal ng gobyerno (hal. isang-terminong limitasyon sa Presidente, dalawang-terminong limitasyon sa Senador, atbp.)

Talumpati ni Pangulong Duterte noong State of the Nation Address. Sa likod niya sina Senate Pres. Aquilino Pimentel III at House Speaker Pantaleon Alvarez. <b>House of Representatives photo</b>
Talumpati ni Pangulong Duterte noong State of the Nation Address. Sa likod niya sina Senate Pres. Aquilino Pimentel III at House Speaker Pantaleon Alvarez. House of Representatives photo

‘Pagbubukas sa ekonomiya’

Noong nakaraang taon hanggang ngayon, si dating Speaker at kasalukuyang Quezon City Rep. Feliciano Belmonte Jr. ang isa sa mga nangunguna sa pagtutulak ng cha-cha.

Partikular niyang adbokasiya ang pagbubukas sa ekonomiya sa dayuhang mamumuhunan.

“Para buong makamit ang mga benepisyo ng inclusive growth (kaunlarang natatamasa ng marami), dapat maalis ang mga mapangharang na pang-ekonomiyang mga probisyon o bahagi ng Saligang Batas na nakakapigil sa daloy ng dayuhang kapital (o) puhunan,” sabi ni Belmonte sa midya, nang isinumite niya ang Resolution of Both Houses 2 (RBH2) noong Hunyo.

Ang taktika ni Belmonte noong nakaraang taon at ngayon: isingit ang praseng “unless otherwise provided by law” sa mga probisyon sa Konstitusyon na nagpipigil sa dayuhang pagmamay-ari sa lupa, likas-na-yaman, pampublikong mga serbisyo, eskuwelahan at midya.

Ang problema, sa kabila ng mga pahayag ni Duterte na pangungunahan niya ang pagbabago sa bansa, sinasabi ng bagong pangulo na sang-ayon siya sa mga mungkahing ito ni Belmonte. Noong Pebrero, sa kalagitnaan ng kampanya, sinabi na niya na pabor siya sa 100 porsiyentong dayuhang pagmamay-ari ng mga negosyo at serbisyo sa bansa — maliban sa mga lupain. Noong Hunyo, sinabi rin ito ng Economic Team ni Duterte: layunin ng administrasyong ito na palakasin ang Foreign Direct Investment (FDI). At magagawa daw ito sa pamamagitan ng cha-cha.

Pero tutol ang makabayang mga mambabatas at ekonomista rito. Ayon sa Ibon Foundation, independiyenteng institusyon ng pananaliksik, hindi napaunlad ang Pilipinas ng neoliberalismo (ideolohiya sa ekonomiks na nagtutulak sa FDI o dayuhang pamumuhunan bilang susi sa kaunlaran ng bansa). “Sa mga panahong binigyan ito ng pagkakataon, mas pinipili ng pribadong sektor ang pagkamal ng kita sa mga yutilidad (halimbawa, kuryente at tubig) at mga serbisyo, na karamiha’y pinatakbo nito bilang negosyo dahil sa (polisiya ng) pagsasapribado,” sabi ng Ibon, sa pahayag na inilabas nito noong SONA.

Sang-ayon dito ang maraming ekonomista na seryosong inaral ang pagpapahirap ng mga polisiya ng neoliberalismo sa iba’t ibang mahihirap na bansa sa mundo. Maging si Joseph Stiglitz, sikat na ekonomistang nagwagi ng Nobel Prize at minsang naging ekonomista ng World Bank, ay umamin sa matinding epekto ng FDI sa lokal na mga industriya ng mahihirap na bansa.

“Tuwing pumapasok ang dayuhang mga negosyo, madalas na winawasak nito ang lokal na mga competitor (at) dinudurog ang ambisyon ng maliliit na negosyanteng nangangarap na paunlarin ang industriya ng sariling bayan. Napakaraming halimbawa nito,” sabi ni Stiglitz, sa librong Globalization and its Discontents.

Maraming pag-aaral din ang nagsabing hindi napapakinabangan ng mahihirap na bansa ang mga FDI dahil napakalaki din naman ng kita na binabawi ng multinasyunal na mga kompanya mula sa inisyal na pamumuhunan ng mga ito.

Ibig sabihin, hindi naililipat sa lokal na ekonomiya ang kita ng mga kompanya, kundi sa mga oligarkong may-ari ng kompanya at sa pinagmulang bansa nila.

Pinatunayan ng mapait na karanasan ng bansa sa pagsasapribado sa pampublikong mga serbisyo (hal. kuryente, tubig) at pagbubukas ng iba’t ibang industriya (hal. pagmimina, langis, tela, pagkain, atbp.) sa dayuhang pamumuhunan at pagmamay-ari (kahit hindi pa 100 porsiyentong pag-aari) na lalong naghirap lang dito ang mga mamamayan.

Sa pagsasapribado ng pampublikong mga serbisyo, tumaas ang singil sa mga ito, samantalang hindi nakinabang sa bansa ang 21 taon ng Mining Act of 1995 at 18 taon ng Oil Deregulation Law.

PW 14-26 - 2016-08-14 -PP 01Sila-sila ang magrerepaso

Tila magkasundo ang mga tulad nina Belmonte — latak ng nakaraang dominasyon ng Partido Liberal sa Kongreso— at ang rehimeng Duterte sa cha-cha na nakatuon, hindi lang sa pagtutulak ng pederalismo, kundi sa 100 porsiyentong dayuhang pagmamay-ari ng negosyo sa bansa.

Kaya hindi nakapagtataka na biglang pumihit si Duterte sa gusto niyang paraan ng cha-cha — Constituent Assembly (con-ass), sa halip na Constitutional Convention (con-con), na dati na niyang gusto.

Ayon sa maraming kritiko, delikado ang con-ass bilang pamamaraan ng pagrerepaso sa Saligang Batas. Si dating Chief Justice Reynato Puno, inihayag na ang pagtutol niya sa con-ass. “Ginagamit mo ang constituent assembly kung gumagawa lang ng tingi-tinging pag-amyenda. Ang dahilan nito’y ang pangunahing trabaho ng Kongreso ay gumawa ng mga batas,” aniya. Kinatigan ni Puno ang mga pagtinging maaaring “di magiging patas” (“impartial”) ang Kongreso bilang con-ass.

Susog naman ni Dr. Carol Araullo, tagapangulo ng Bagong Alyansang Makabayan o Bayan, mapanganib ang con-ass para sa mga mamamayan dahil sa katangian ng Kongreso.

“Ang pinakamatinding inaalala namin ay madaling maamyenda ng mga mambabatas na kumakatawan sa interes ng malalaking negosyo, lokal man o dayuhan, ang proteksiyonistang mga probisyon sa ekonomiya at mabukas ang bansa sa mas matinding pandarambong ng dayuhan,” ani Araullo. At napatutunayan na nga ito nina Belmonte at iba pa.

Para sa blokeng Makabayan, na kalipunan ng kinatawan ng progresibong mga party-list sa Kamara, marami naman talagang dapat repasuhin sa Saligang Batas. Ramdam ng mga mamamayan na nagagamit ang batas ng bansa para lalo silang apihin, hindi protektahan. Pero kung may pagbabago man dito, hindi para tuluyang buksan ang bansa sa pandarambong ng mga dayuhan, kundi palakasin ang lokal na ekonomiya para sa pakinabang ng karamihan.

May ulat ni Darius Galang

Featured photo: Detalye ng painting ni Boy Dominguez, unang ginamit na pabalat ng Lunduyan magasin ng Tambuyog