Trust rating ni Marcos Jr., bumaba dahil sa Cha-cha
Sa resulta ng survey nitong Marso, bumaba ng 13% ang approval rating ni Marcos Jr. na bumagsak sa 55% mula sa 68% noong Disyembre 2023.
Naniniwala si House Deputy Minority Leader at ACT Teachers Partylist Rep. France Castro na ang pagsusulong ng panukalang Charter change (Cha-cha) ang posibleng dahilan ng pagbaba ng trust at approval rating ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. batay sa pinakabagong survey ng Pulse Asia.
Sa resulta ng survey nitong Marso, bumaba ng 13% ang approval rating ni Marcos Jr. na bumagsak sa 55% mula sa 68% noong Disyembre 2023.
Samantala, natapyasan ng 16% ang tiwala kay Marcos Jr. na pumatak ng 57% mula sa 73% ng nakaraang Ulat ng Bayan survey.
Matatandaang muling umalingawngaw ang pagbabalik-tuon sa Cha-cha mula nang maupo si dating Pangulong Rodrigo Duterte sa pag-asang ito ay magiging daan sa muling paglago ng ekonomiya ng bansa.
Gayunpaman, nagkaroon ng agam-agam na hindi lamang sa aspetong pang-ekonomiya tumututok ang layunin ng Cha-cha kung hindi pati na rin sa ilang kuwestiyonableng usaping pampolitika tulad ng panukalang gawing dalawang termino na may habang 5 o 10 taon ang mga kongresista at lokal na opisyal ng pamahalaan.
Bukod dito, isinusulong din ang ideya na ang pangulo at bise presidente ay magsilbi ng dalawang termino na may tiglimang taon, sa halip na isang anim na taon lang.
Ang magkakaibang opinyon ng mga Pilipino hinggil dito ang naging dahilan kung bakit naniniwala si Castro na ito ang maaaring dahilan ng pagbaba ng tiwala at performance rating nina Marcos Jr. at Pangalawang Pangulong Sara Duterte sa kamakailang survey ng Pulse Asia.
“Ipinakikita lang nito tutol sa Cha-cha sa anumang porma ang malawak na mayorya ng mga Pilipino,” ani Castro.
“Mas mainam pa para sa administrasyong Marcos Jr. na huwag magsayang ng panahon at salapi at ibasura na [ang Cha-cha] at tutukan ang mga mas mahalagang pangangailangan ng mga Pilipino,” dagdag niya.
Sa naturang survey, natukoy na ang Mindanao ang may pinakamababang trust rating sa pangulo na umabot lamang sa 40% mula sa dating 62%.
Sinundan ito ng Metro Manila na mayroong 47% mula sa dating 64%, Visayas na mayroong 54% mula sa dating 66%, at iba pang bahagi ng Luzon na mayroong 66% mula sa dating 74%.
Sa kabilang banda, bumaba naman ng 7% ang rating kay Duterte, na naging 71%, samantalang ang kanyang approval rating ay bumaba sa 67% mula sa dating 74%.
Sa kabila nito, ang tiwala kay Senate President Juan Miguel Zubiri ay tumaas ng 2%, at 3% naman ang itinaas ng kanyang approval rating na naitala sa 52%.
Tumaas man ang tiwala kay Zubiri, naniniwala si Castro na kung aprubahan ng senador ang panukalang pag-amiyenda sa 1987 Constitution, maaaring bumaba rin ang rating nito sa susunod na survey ng Pulse Asia.
Batay sa naunang pahayag sa midya tungkol sa nationwide survey, mayroong 1,200 katao na sumagot at may margin of error na plus or minus 2.8%.
Tinanong ang mga respondent kung truly approved, somewhat approved, somewhat disapproved, or truly disapproved ba sila sa naging performance ng mga opisyal sa nakalipas na tatlong buwan.
Para naman sa trust rating, tinanong ang mga respondent kung mayroon silang very big trust, big trust, small trust, or very small/no trust sa mga opisyal.