Kababaihan, ‘di makikisayaw sa Cha-cha ni Marcos Jr.
Nagtipon-tipon ang mga grupo ng kababaihan at iba’t ibang organisasyon noong Peb. 23 sa Bantayog ng mga Bayani sa Quezon City upang pasinayaan ang Babae para sa Inang Bayan Network.
Inilunsad ng mga grupo ng kababaihan ang isang network na naglalayong ipagtanggol at protektahan ang karapatan ng kababaihan at mamamayan laban sa ibayong dayuhang pananamantala na pahihintulutan ng pagbabago sa Saligang Batas.
Nagtipon-tipon ang mga grupo ng kababaihan at iba’t ibang organisasyon noong Peb. 23 sa Bantayog ng mga Bayani sa Quezon City upang pasinayaan ang Babae para sa Inang Bayan Network (BIBA).
Binubuo ang BIBA ng mga matatapang na kababaihang aktibista, manggagawa, magsasaka, taong simbahan, propesyonal, kabataan at LGBTQ+ community.
Layunin ng bagong grupo na ipaglaban ang demokrasya, karapatang pantao, pagkakapantay-pantay at iba pang maka-Pilipinong pakikibaka na nanganganib sa isinusulong na Charter change (Cha-cha) ng rehimen ni Ferdinand Marcos Jr.
“Hindi siya napapanahon, walang kumpletong impormasyon, at makatotohanang pirma ng ating mga kababayan,” ani Commission on Human Rights Commissioner Gwendolyn Pimentel-Gana, isa sa mga nagbuo sa BIBA.
Mainit na tinalakay sa pagtitipon ang pinipilit na Cha-cha ng administrasyon. Kinondena rin ng grupo ang mga resolusyon ng Senado at Kamara para sa Charter change. Wala umano itong magandang maidudulot sa bansa.
Dagdag ng BIBA, lalo lamang nitong mapagtitibay ang dominasyon ng ibang bansa, lalo na ng United States, sa ekonomiya, politika at iba pang paglabag sa kalayaan at demokrasya ng mamamayang Pilipino.
Panawagan nila na tugunan ang mga pangunahing pangangailan ng mamamayan imbis na ituloy ang Cha-cha. May mga higit na suliranin umano ang mas nangangailangan ng atensiyon gaya ng kakulangan sa trabaho, mababang sahod, mataas na presyo ng bilihin, korupsiyon, edukasyon at iba pa kaysa sa pagbabago ng konstitusyon.
Naalarma ang BIBA dahil walang sapat na kamalayan ang sambayanan tungkol sa pagpapalit ng konstitusyon. Nagkakaroon din umano ng manipulasyon sa mga tao para lamang makuha ang kanilang pirma sa people’s initiative para sa Cha-cha.
“Kung gusto talaga natin ng charter change, dapat talaga ay ginagawa ito sa free and voluntary will ng tao with the understanding on what are the consequences ng action nila sa pagpirma,” sabi ni Pimentel-Gana.
Marami pang aktibidad at programang niluluto ng grupo lalo pa’y nalalapit na Araw ng Kababaihan sa Mar. 8. Ayon sa BIBA, ito pa lamang ang simula ng maraming pang pakikipaglaban ng kababaihan para sa bayan.