Husgahan Natin

Sa LBC ba o sa Post Office?

Idadaan ba natin sa LBC o ihuhulog na lang sa post office? Sa pagsusumite ng mga dokumento o pleadings sa ating mga kaso, madalas mangyari na hindi nakakayanan na dalhin ng personal ng abogado sa husgado ang nasabing mga pleadings. Dahil sa dami ng trabaho, minsan sa panghuling araw na ibinigay ng husgado natatapos ang […]

Idadaan ba natin sa LBC o ihuhulog na lang sa post office?

Sa pagsusumite ng mga dokumento o pleadings sa ating mga kaso, madalas mangyari na hindi nakakayanan na dalhin ng personal ng abogado sa husgado ang nasabing mga pleadings. Dahil sa dami ng trabaho, minsan sa panghuling araw na ibinigay ng husgado natatapos ang nasabing mga pleadings. Ayon sa ating batas, kung hindi pwedeng ihatid ng personal sa husgado ang ating mga pleadings, maari natin itong i-hulog sa koreo sa pamamagitan ng registered mail.

Ngunit alam naman natin ang ating koreo ay singbagal ng pagong. Paano kung ayaw nating gumamit gumamit ng post office at gumamit tayo ng pribadong taga-dala ng sulat katulad halimbawa ng LBC, JRS, DHL at iba pa? Ano ang mangyayari?

Nangyari ito sa kompanya sa kasong “Charter Chemical and Coating Corporation vs. Herbert Tan and Amalia Sonsing”, (G.R. No. 163891) na hinatulan ng Korte Suprema nitong Mayo 21, 2009. Sa nasabing kaso, tinanggal ng kompanya sina Herbert sa kanilang mga trabaho sa salang pagnanakaw. Nagsampa sila ng kaso laban sa kompanya sa tanggapan ng Labor Arbiter.

Sa desisyon ng Labor Arbiter, pinanalo nito sina Herbert at inutusang magbayad ng backwages ang kompanya.

Na-obligang mag-apela sa nasabing desisyon ang kompanya sa National Labor Relations Commission (NLRC). Natanggap ng kompanya ang desisyon noong Pebrero 7. Ayon sa batas, mayroon itong 10 araw mula sa pagkatanggap nito ng desisyon para isampa ang kanyang apela.

Dahil sa hindi kinaya ng kompanya na ipadala ng personal sa tanggapan ng Labor Arbiter ang kanyang apela, pinasya na lamang nito na ipahatid ito sa pamagitan ng LBC. Kaya noong Pebrero 16, ibinigay nito sa LBC ang kanyang apela.

Sa maraming kadahilanan, naihatid ng LBC ang apela ng kompanya noon lamang Pebrero 26 . Kung susundin natin ang taning na binibigay ng batas, ang deadline ay Pebrero 17. Dahil dito, binasura ng NLRC ang apela ng kompanya.

Humingi ng rekonsiderasyon ang kompanya dahil ayon sa kanya, naniwala siya sa pangako ng LBC na maiihatid nito ang apela sa loob ng 24 oras. Pinaniwalaan ito ng NLRC at ibinalik ang apela ng kompanya. Nang lumabas ang desisyon nito, nabaliktad ang dating desisyon ng Labor Arbiter at panalo ang kompanya.

Napilitan sina Herbert na dalhin ang kaso sa Court of Appeals. Dito, muling nabaliktad ng desisyon. Pinasya ng Court of Appeals na nahuli ang apela ng kompanya at dapat lang panalunin sina Herbert, ayon sa desisyon ng Labor Arbiter.

Ang kompanya naman ngayon ang nag-akyat ng kaso sa Korte Suprema. Umaasa ito na magiging mabait ang Korte Suprema at sasabihing nasa oras ang kanyang ginawang apela.

Sa naging hatol ng Korte Suprema, nilinaw nito na kung hindi maaring i-file ng personal ang isang pleading, sinasaad ng batas na maari itong ihulog sa koreo sa pamagitan ng registered mail.

Ang petsa ng paghulog sa post office ang ituturing na petsa kung kailan naibigay ang isang pleading. Ibig sabihin, kung Pebrero 1 ito inihulog sa post office, kahit Pebrero 28 pa ito natanggap sa husgado, ituturing ng batas na Pebrero 1 pa rin ito natanggap.

Pero sa nangyari, sabi ng Korte Suprema, hindi sa post office dinaan ng kompanya ang kanyang pleading. Dinaan ito sa LBC, isang pribadong letter-forwarding agency. Dahil dito, hindi maaring gamitin ang patakarang ang petsa ng pag-mail ay ituturing na petsa ng pagkakatanggap. Magagamit lamang ang patakarang ito kung ang pleading ay inihulog sa koreo o sa post office, hindi sa isang pribadong tagahatid ng sulat tulad ng LBC.

Dahil sa naihatid ng LBC ang apela matapos ang panahon na itinakda ng batas, malinaw na lampas na nga ang apela ng kompanya. Dapat tayong maging mahigpit sa pagpapatupad sa panahong binibigay ng batas sa pag-aapela, paliwanag ng Korte Suprema. Kaya, tama lang ang Court of Appeals sa ginawang pag-utos na dapat balewalain ang apela ng kompanya.

Kaya mga mambabasa, kung pagsusumite ng pleading sa husgado ang pag-uusapan, dapat pa rin sa registered mail sa post office tayo umasa. Kahit mas mabilis pa sa LBC o sa ibang pribadong kompanya, wala tayong magagawa dahil binibigyan ng batas ng prebilihiyo ang post office na wala sa mga pribadong tagadala ng sulat.