Uncategorized

Ang kahulugan ng musika at sining ni Susan Fernandez


Sumakabilang-buhay kamakailan ang isa sa ating ipinagmamalaking mang-aawit na si Susan Fernandez, dating Susan Fernandez-Magno, asawa ng peryodistang si Alex Magno. Iniwan ni Susan ang kayamanan ng kanyang musika. Nagsimula bilang folk singer sa mga music bar na progresibo ang konsepto, pananaw at kliyente, nakilala si Fernandez sa kanyang mga makabayan at makataong musika. Isa […]

Sumakabilang-buhay kamakailan ang isa sa ating ipinagmamalaking mang-aawit na si Susan Fernandez, dating Susan Fernandez-Magno, asawa ng peryodistang si Alex Magno.

Iniwan ni Susan ang kayamanan ng kanyang musika.

Nagsimula bilang folk singer sa mga music bar na progresibo ang konsepto, pananaw at kliyente, nakilala si Fernandez sa kanyang mga makabayan at makataong musika.

Isa rin siya sa mga pangunahing mang-aawit na nagsulong ng nasyunalistang tugtugin lalo na sa mga awiting “Nais Ko” na nilikha ni Alex; “Pakaingat Ka, Aking Bayan” na mula sa anonymous na Cebuanong awiting-bayan; “Batang Kalye” na tinitikan ni Ed Maranan; “Langay-Langayan” mula pa rin sa mga liriko ni Ed; “Ayaw Namin ng Nukleyar” mula pa rin sa komposisyon ni Magno; “Dalagita sa Dilim” ni Reuel Aguila at marami pang iba.

Pero ang higit na nagpatingkad sa pagkaalagad ng sining ni Susan sa musika ay ang kanyang “Babae Ka” na kinompos ni Ani Montano.

***

Aktibista si Fernandez laban sa anumang uri ng pang-aabuso at pagsasamantala sa kanyang kapwa.

Napakaaktibo ni Susan sa mga kilusang-protesta lalo na sa panahon ni Ferdinand Marcos.

Kasa-kasama siya ng kanyang mga kapwa musikero at musikera na ipinaglalaban ang mga karapatan hindi lang ng kanilang mga sarili kundi ng ibang tao rin tulad nina Edru Abraham, Becky Demetillo, Karina Constantino-David o mas kilala a duwetong Inang Laya, Joey Ayala, Freddie Aguilar, Heber Bartolome at napakarami pang iba.

Kahit na sila ay pagbantaan ng mga kaaway ng katarungan at kalayaan, wala silang pakialam bastat para sa kapakanan ng mas nakararami ang kanilang pakikibaka sa gitna ng mga komplikasyon ng lipunang ito.

***

Ang maganda kay Susan ay wala siyang diskriminasyon sa alinman o anumang pagyakap ng isang tao sa alinman o anumang sining bastat ang sa kanya ay ipinaggigitgitan niya ang kanyang mga paniniwala na hindi nangmamaliit ng paniniwala ng iba.

Alin, kung saan iba ‘yan ay hindi siya magsusulat sa isang tabloid pero ginawa niya para siya ay makapagpaliwanag sa higit na nakararami tungkol sa mga isyu na kinakaharap n gating mga kababayan.

Nakikisalamuha si Fernandez kahit kanino kaya naman mas malawak ang kanyang pananaw sa kaninumang artista.

Puwede siyang sumama kay Kuh Ledesma o kay Aiza Seguerra o kay Kim Chui o kay Imelda Papin bastat namumukod-tangi siya kaya lang ay hindi siya popular dahil wala siyang ere at arte kundi katotohanan lang ng buhay.

***

Huli kaming nagkita ni Susan noong bigyan siya ng fund-raising gig ng makabayan at premyadong manunulat na si Jose F. Lacaba sa Conspiracy Bar sa Visayas Avenue sa Quezon City.

Alam na ng buong mundo na may kanser si Fernandez kaya naman ang mga nagmamahal sa kanya ay nag-organisa ng isang piging ng awitin at tugtugan para makalikom ng karagdagang pampagamot sa isang pasyenteng kailangang mabuhay para ipagpatuloy ang pakikibaka laban sa kasamaan sa gitna ng mga tunggalian, personal man o propesyunal.

Parang walang sakit noon si Susan dahil umaga na ay nasa party pa siya at nakikipagsosyalan sa kanyang mga bisita na kinabibilangan nina Bayang Barrios, Conrado de Quiros, Bienvenido Lumbera, Penny Azarcon-de la Cruz at marami pang iba.

***