Usapang pangkapayapaan ng GRP-NDFP, uusad na sa Agosto
Posibleng umusad na ang naudlot na usapang pangkapayapaan sa pagitan ng mga rebeldeng komunista at gobyerno ng Pilipinas. Sa Agosto nakatakda ang muling paghaharap ng National Democratic Front of the Philippines (NDFP) at Gobyerno ng Republika ng Pilipinas (GRP) sa Oslo, Norway, ayon mismo kay Luis G. Jalandoni, tagapangulo ng NDFP Peace Panel. Ayon kay […]
Posibleng umusad na ang naudlot na usapang pangkapayapaan sa pagitan ng mga rebeldeng komunista at gobyerno ng Pilipinas.
Sa Agosto nakatakda ang muling paghaharap ng National Democratic Front of the Philippines (NDFP) at Gobyerno ng Republika ng Pilipinas (GRP) sa Oslo, Norway, ayon mismo kay Luis G. Jalandoni, tagapangulo ng NDFP Peace Panel.
Ayon kay Jalandoni, noong Hunyo 15 unang nakapag-usap ang dalawang panig at napagkasunduan ang muling pagpapatupad ng Joint Agreement on Safety and Immunity Guarantees (JASIG), sa tulong na rin ng Norway, na tumatayong third party sa naturang usapang pangkapayapaan.
Naunang sinuspindi ng GRP ang pagpapatupad sa JASIG, na naging dahilan kung bakit umurong ang NDFP sa negosasyon.
Inihahanda na rin ng NDFP ang borador (draft) ng Joint Statement na napagkasunduang ihahanda sa isang hiwalay na pagpupulong at inaasahang isasalang sa isang diskusyon.
Sa naturang Joint Statement ilalatag ang mga layunin at punto na maaaring mapagkasunduan ng dalawang panig sa pormal na pag-uusap, sabi ni Jalandoni.
Ulat ni Noel Sales Barcelona