Hirit tungkol sa National Artists


…napakahirap sabihin na ang titulong Pambansang Alagad ng Sining ay walang bahid ng pulitika, o kaya naman ay dapat iligtas mula sa pulitika – gaya ng himutok ng ilang naghihimutok hinggil dito sa ngayon.

Nagluluksang alagad ng sining. (Maricristh T. Magaling)

Naging ugali na ng nanay ko ang makinig sa radyong AM tuwing umaga. Kahit nasa bahay na ako, gusto pa rin niyang mauna sa balita.

Kaya isang umaga nitong katapusan ng Hulyo, pabulahaw pa niyang ibinalita sa akin na sina Carlo J. Caparas at Cecile Guidote-Alvarez ay hinirang na ni Gloria bilang mga Pambansang Alagad ng Sining.

“Sino pang iba?” – usisa ko. Matagal siyang sumagot, mukhang hinagilap pa muna sa kukote ang mga nabanggit sa anunsyo. Pansinin, na ‘yung dalawang pangalan lang ang medyo tumatak sa isip niya. Palagay ko’y naeskandalo rin siya gaya ng iba.

Naging maugong ngang talaga ang pagagawad ng titulong Pambansang Alagad ng Sining (National Artist) ngayong taon. Partikular, ikinagalit ng maraming naapektuhang artista at iba pang tagasubaybay sa eksena ang paggagawad nito sa dalawang taong nabanggit. Kay Cecile Guidote-Alvarez para sa Teatro, at kay Carlo J. Caparas para sa Sining Biswal at Pelikula.

Sina Guidote-Alvarez at Caparas ay dalawa sa apat na pangalang idinagdag ni Gloria Macapagal-Arroyo sa listahan ng mga nominado na isinumite sa kanya. Samantala, tinanggal naman ni Arroyo ang pangalan ni Ramon Santos, isang dalubhasa sa musika at kinikilalang kompositor. Ayon sa Malacanang, isa itong espesyal na pribilehiyo ng pangulo kaugnay ng paghihirang ng mga Pambansang Alagad ng Sining. Si Guidote-Alvarez, na nagtayo ng Philippine Educational Theater Association (PETA) noong dekada ’60, ay kinokondena dahil umano sa kawalan ng delicadeza, at dahil labag sa batas ang paghirang sa kanya. Siya ang tagapayo sa kultura ni Arroyo, at kasalukuyang pinuno ng National Commission on Culture and the Arts (NCCA), na kasama ng Cultural Center of the Philippines (CCP) ay isa sa dalawang institusyong inatasan upang salain ang mga nominado para sa naturang titulo. Samantalang si Caparas, isang matagumpay na manunulat sa komiks, at direktor ng ilang tinaguriang “massacre movies” noong dekada ’90, ay binabatikos dahil hindi umano siya kwalipikado para sa karangalang ito.

Nagalit at umalma ang isang bahagi ng mga artista, manunulat, kritiko at iba pang tagasubaybay. Pinakamatingkad dito ang kilos-protesta sa anyo ng isang “necrological service” para sa titulong Pambansang Alagad ng Sining. Ang titulo, ayon nga sa kanila ay tuluyan nang sinalaula ng rehimeng Arroyo – “binaboy,” “nilahukan ng pulitika at akomodasyon para sa mga kaalyado ng pangulo” – sa madaling sabi, pinatay, kung kaya’t ipinagluluksa. Maski ang ilang nabubuhay na mga Pambansang Alagad ng Sining gaya nina BenCab, Virgilio Almario at Bienvenido Lumbera, literal na inilibing ang kanilang medalyon upang bigyang-diin ang puntong ito.

Pero kailan nga ba “nabuhay” ang naturang titulo?

Itinatag noong 1972, napakahirap sabihin na ang titulong Pambansang Alagad ng Sining ay walang bahid ng pulitika, o kaya naman ay dapat iligtas mula sa pulitika – gaya ng himutok ng ilang naghihimutok hinggil dito sa ngayon. Mula’t sapul, ito ay nababalot, binubuhay, at binibigyang-katuturan ng mga pananaw sa pulitika ng mga tao at institusyong nagnonomina, naaatasang kumilatis sa mga nominado, at sa huli, ng pangulo, o pinuno ng estado, na siyang nagkukumpirma at naggagawad ng nasabing parangal. Ano nga ba ito kundi ang pinakamataas na distinksyon na iginagawad ng estado para sa mga alagad ng sining na pinaniniwalaan nitong nakapagbigay ng dakilang ambag sa pambansang kultura?

“S’ya nga,” – pagsang-ayon ko, nang ipaalala sa akin ng pinakamatalik kong kaibigan ang simpleng katotohanang ito. Palibhasa, matagal na akong wala sa daigdig ng mga kulturati. Matagal nang nasa dyaryo at internet ang tungkol sa kontrobersya. Natrapik kami at wala na siguro kaming ibang mapag-usapan.