Husgahan Natin

Dagdag pang mga iskandalo ng administrasyong Arroyo

Kalilibing lang ni dating Pang. Corazon Aquino at bumulaga na naman sa taumbayan ang pinakahuling eskandalong kinasasangkutan ni Pang. Gloria Arroyo. Bago umano umuwi sa bansa si Pang. Gloria, First Gentleman Mike Arroyo at kanilang mga kasamahan mula sa Amerika para dumalaw sa burol ni Aquino, ay kumain at uminom ang mga ito sa isang […]

Kalilibing lang ni dating Pang. Corazon Aquino at bumulaga na naman sa taumbayan ang pinakahuling eskandalong kinasasangkutan ni Pang. Gloria Arroyo. Bago umano umuwi sa bansa si Pang. Gloria, First Gentleman Mike Arroyo at kanilang mga kasamahan mula sa Amerika para dumalaw sa burol ni Aquino, ay kumain at uminom ang mga ito sa isang mamahaling restawran. Anibersaryo daw ng kasal nina FG at GMA. Ang kanilang bill ? Tumataginting na US $ 20,000.00!

Kung i-convert ito sa piso, aabot ito sa kulang-kulang isang milyon. Ang halagang ito ay makakapagpakain na ng tatlong libong mahihirap na pamilya dito sa atin sa loob ng buong araw, sabi ni Mayor Jejomar Binay. Nagpapakita lamang ito kung gaano ka insensitibo si Pang. Arroyo, dagdag ng alkalde.

Matatandaan na bago ang eskandalong ito ay binatikos din ang administrasyong Arroyo sa ginawa nitong pagpili sa bago nating mga National Artists. Etsa-pwera daw ang naunang listahan na sinumite ng National Commission for Culture and Arts at mayroon daw sariling listahan ang Malakanyang.

Nang i-anunsyo ang mga nahirang, napangiwi ang mga alagad ng sining. Pulitika ang naging batayan sa pagpili ng Malakanyang sa mga nanalo, sabi nila. Kung dikit ka kay Pang. Arroyo, kahit hindi ka kwalipikadong maging National Artist, magiging National Artist ka.

Ito rin sana ang nangyari sa pagpili ng bagong hukom sa Korte Suprema. Ayon sa patakaran, magrerekomenda muna ang Judicial and Bar Council (JBC) ng mga kandidato at mula sa mga inirekomenda ay mamimili si Pang. Arroyo. Ngunit ano ang ginawa ng Malakanyang ? Hiningan nito ng panibagong rekomendasyon ang JBC, tanda nang hindi nito pagsang-ayon sa mga inirekomenda nito. Mabuti na lang at nanindigan ang JBC at sinabing hindi na ito makakagawa ng bagong rekomendasyon. Kaya napilitang mamili ng mga bagong justices ng Korte Suprema si Pang. Arroyo batas sa mga inirekomenda ng JBC.

Ang walang katapusang eskandalo na ito ng administrasyong Arroyo ang nagtulak sa madla upang lalong yakapin ang namayapang si Aquino bilang huwaran ng isang mabuting pangulo ng bansa. Kung titingnan, hindi natin masabing perpekto si Ginang Aquino. Ang kanyang administrasyon ay nabahiran din ng ilang pagkakamali. Nandiyan halimbawa ang Kamag-anak Incorporated. Kasama din ang kanyang walang sawang pagsuporta sa base militar ng Estados Unidos. Nariyan din ang Hacienda Luisita at ang bogus na reporma sa lupa. At siyempre, sa panunungkulan ni Pang. Aquino pinaslang si Ka Lando at si Lean Alejandro.

Pero ang mga ito ay walang sinabi pagdating sa mga eskandalo at kurapsyon nitong manungkulan si Pang. Arroyo. Nariyan ang Hello Garci scam, Jose Pidal scandal, ang fertilizer scam kung saan kasama si Joc-Joc Bolante, ang NTB-ZTE scandal na binunyag ni Jun Lozada, ang Northrail project scam, ang World Bank scandal, ang election computerization scam at marami pang iba. Meron 16 major corruption scandal sa ilalim ng panunungkulan ni Pang. Arroyo na tinatantyang umaabot sa P20.9 billion. Walang duda na barya lang ang mga eskandalo noong panahon ni Mrs. Aquino kung ihambing sa panahon ngayon ni Pang. Arroyo.

Ayon naman sa datos ng Department of Agrarian Reform, nasa 119, 301 hektarya bawat taon ang lupang naipamahagi ni Pang. Arroyo sa ilalim ng land reform. Noong panahon ni Pang. Aquino, umabot ito sa 169, 063 hektarya bawat taon.

Kung pagpaslang sa mga manggagawa naman ang pag-uusapan, mahirap mapantayan ang record ni Pang. Gloria. Simula 2001, 62 manggagawa na ang pinaslang at 15 na rin ang nawala. Ayon sa Center for Trade union and Human Rights, 116,356 manggagawa na ang naging biktima ng karahasan sa ilalim ni Pang. GMA. Matatandaan na pinalaya noon ni Pang. Aquino ang mga bilanggong politikal. Sa ilalim ni Pang. GMA, mukhang gusto pa niyang dagdagan ito sa pamamagitan ng pagsampa ng gawa-gawang kaso sa mga aktibista.

Kung hirap ng buhay naman ang pag-uusapan, ang pinakamahabang panahon sa kasaysayan ng bansa nang sustained high unemployment ay naganap sa panahon ni Pang. Arroyo. Mula 2001 hanggang 2008, ang unemployment rate ng Pilipinas ay nag-a-average sa 11.2 porsiyento . Ito ang dahilan kung bakit sa panahon din ni Pang. Arroyo din naranasan ang pinakamaraming Pilipinong nangingibang bansa para magtrabaho. Noong panahon ni Pang. Aquino, 467, 709 lamang bawat taon ang bilang ng manggagawa na nangingibang bansa . Nitong panahon ni Pang. Arroyo, naging 990,000 na ito bawat taon.