Husgahan Natin

Nalulugi ba talaga ang kompanya?

Sa kasong “Hotel Enterprises of the Philippines, Inc. vs. Samahan ng mga Manggagawa sa Hyatt – NUWHRAIN”, ( G. R. No. 165756, June 5, 2009), tinalakay ng Korte Suprema ang kahalagahan ng financial bilang katibayan ng pagkalugi ng isang kompanya. Pinaliwanag din nito ang kahalagahan ng “good faith” bilang depensa ng mga manggagawa sa kasong […]

Sa kasong “Hotel Enterprises of the Philippines, Inc. vs. Samahan ng mga Manggagawa sa Hyatt – NUWHRAIN”, ( G. R. No. 165756, June 5, 2009), tinalakay ng Korte Suprema ang kahalagahan ng financial bilang katibayan ng pagkalugi ng isang kompanya. Pinaliwanag din nito ang kahalagahan ng “good faith” bilang depensa ng mga manggagawa sa kasong “illegal strike”.

Ang Hyatt Regency Manila ay isa sa mga kilalalang hotel sa ating bansa noon. May unyon ang mga manggagawa rito at may collective bargaining agreement (CBA) sila sa manedsment. Dahil umano sa paghina ng negosyo bunga sa pambobombang nangyari sa World Trade Center noong Septyembre 2001, nalugi ang kompanya simula noong 2002. Dahil dito, nagpasya ang kompanyang huwag munang kumuha ng mga bagong manggagawa sa taong darating. Nagbawas din ito ng araw ng trabaho ng kanyang mga empleyado. Kalaunan, nag-alok din ito ng voluntary resignation/retirement program sa kanyang mga manggagawa. Nang tumagal, nauwi na ito sa pagbabawas ng tao dahil sa umano ay redundancy. Ang mga departamento katulad ng laundry, engineering, at cafeteria ay tinanggal at naghanap na lamang ng agency ang kompanya para magampanan ang ganitong mga gawain. Dahil sa ginawang pagbabawas ng tao ng kompanya, ang dating 248 rank and file employees ng hotel ay nauwi sa 150 katao na lamang. Ginawa ng kompanya ang pagtatanggal matapos makapagbigay ng tamang abiso sa tinanggal na mga manggagawa.

Pumalag ng unyon at nagsampa ng notice of strike. Hindi nagkaayos ang unyon at manedsment at tuluyan nang nagwelga ang mga manggagawa.

Nagsampa ng kasong illegal strike ang manedsment sa tanggapan ng Labor Arbiter at hiniling na tanggalin sa trabaho ang mga manggagawang nagwelga. Wala daw batayan ang welga ng mga manggagawa kung kaya naging hindi legal ito. Sumagot naman ang unyon na unfair labor practice (ULP) ang ginawa ng manedsment na pagtanggal sa kanilang kasamahan, kung kaya’t may batayan ang kanilang welga.

Pinanalo ng Labor Arbiter ang unyon at sinabing ligal ang welga. Na-apela naman sa National Labor Relations Commission (NLRC) ang manedsment at dito nabaliktad ang desisyon. Ang sabi ng NLRC ay walang ginawang ULP ang manedsment kung kaya’t walang batayan ang welga. Ganun pa man, imbes na iutos ang pagkatanggal ng mga pinuno ng unyon sa kanilang trabaho, anim na buwan na suspensyon lamang ang naging parusa ng NLRC sa kanila.

Inakyat ng unyon sa Court of Appeals ang kaso. Pagdating dito, naging pabor sa mga manggagawa ang hatol ng Court of Appeals. May sapat na dahilan para magwelga ang mga manggagawa dahil sa unfair labor practice na ginawa ng kompanya, sabi ng Court of Appeals. Kaya, legal ang ginawang welga ng unyon at hindi ito maaring patawan ng anumang parusa.

Ang manedsment naman ngayon ang nag-akyat ng kaso sa Korte Suprema. Dito muling nabaliktad ang desisyon.

Sinabi ng Korte Suprema na ang batayan kung talaga bang nahihirapan sa kanyang negosyo ang kompanya ay ang financial statements nito. Ayon sa audited financial statements ng kompanya na gawa pa ng Sycip, Gorres and Velayo (SGV), isang mapagkatiwalaang auditing firm, nalugi ang kompanya ng tumataginting na P16 milyon sa kabuuang operasyon nito. Wala tayong dahilan para pagdudahan ang resulta ng audit ng SGV sabi ng Korte Suprema.

Dahil sa nalulugi ang kompanya, may karapatan itong magbawas ng manggagawa. Ngunit magagawa lamang ito ng kompanya bilang pinakahuling pamamaraan. Kailangan munang gumawa ito ng ibang hakbang para maiwasan ang pagkalugi bago magtanggal ng tao.

Sa nasabing kaso, ginawa ng kompanya ang lahat ng paraan para maiwasan ang pagkalugi bago ito nagpasyang magbawas ng tao. Una, nagpasya ang kompanyang huwag munang kumuha ng mga bagong manggagawa. Nagbawas ito ng araw ng trabaho ng kanyang mga empleyado. Kalaunan, nag-alok ito ng voluntary resignation/retirement program sa kanyang mga manggagawa. Saka lamang ito nagbawas ng tao bilang pinakahuling paraan. Ginawa rin ng kompanya ang tanggalan pagkatapos magawa ang tamang abiso sa mga tao.

Kaya malinaw, sabi ng Korte Suprema, na ang pagbabawas ng manggagawa ng kompanya ay dahil sa tagilid na kalagayan nito at hindi upang gipitin ang unyon. Kaya hindi maaring maging unfair labor practice ang ginawa ng manedsment.

Dahil walang ULP, natural na wala ring batayan ang unyon para magdeklara ng welga. Ngunit hindi rin natin masisi ang unyon kung tinuloy nito ang pagwewelga. Kung baga, in good faith ng unyon sa pangyayari. Akala talaga ng unyon ay ginigipit siya ng manedsment dahil sa ginawa ng huli na pagbawas sa rank-and file employees mula 248 hanggang 150 ka tao na lamang. Ang makatotohanang paniniwalang ito ang nagtulak sa unyon para magsagawa ng welga.

Kung ganun, sabi ng Korte Suprema, dapat lamang na bawasan ang kaparusahang iginawad sa unyon. Ilegal nga ang ginawa nitong welga ngunit in good faith naman. Kaya, tama lang ang dalawang buwang suspensyon sa trabaho na parusa sa mga pinuno ng unyon sa ginawa nilang welga.

Malinaw sa atin ang sinasabi ng kasong ito. Napakahalaga ng financial statement sa pag-alam kung talaga bang nalulugi ang kompanya. Laging talo ang manggagawa kung may naipapakitang dokumento na hinanda ng kilalalang mga accountant ang kompanya samantalang sa panig ng manggagawa ay wala o tanging haka-haka lamang ang kanyang batayan.