Uncategorized

Ang paniniktik kay Bienvenido Lumbera at ang pagharap ni Cecille Guidote-Alvarez sa kanya


Maghahain ng kaukulang kaso ang Pambansang Alagad ng Sining sa Panitikan na si Dr. Bienvenido Lumbera kaugnay sa pagkakahuli ng mga sibilyang guwardiya ng Mapayapa Village 1 sa Barangay Holy Spirit sa Quezon City sa isang sundalo ng Philippine Marines na kumukuha ng mga larawan ng kanyang bahay. Ihaharap ni Lumbera ang kanyang asunto sa […]

Maghahain ng kaukulang kaso ang Pambansang Alagad ng Sining sa Panitikan na si Dr. Bienvenido Lumbera kaugnay sa pagkakahuli ng mga sibilyang guwardiya ng Mapayapa Village 1 sa Barangay Holy Spirit sa Quezon City sa isang sundalo ng Philippine Marines na kumukuha ng mga larawan ng kanyang bahay.

Ihaharap ni Lumbera ang kanyang asunto sa Commission on Human Rights ngayong linggong ito.

Ito ay dahil sa paglabag ng isang ahensiya sa karapatan sa pribasiya ng isang tao.

Noong Huwebes, ika-17 ng Setyembre, 2009, ganap na alas sais ng umaga ay may isang mama na umaali-aligid sa tahanan ni Dr. Lumbera sa Mapayapa Village 1.

Nakita noon din ng katulong ni Bien ang ginagawa ng lalaki kaya nagsumbong ito sa upisina ng mga sekyu ng kanilang subdibisyon na agad naming rumisponde sa insidente.

***

Dinampot ng mga security guard ang lalaki na nagngangalang Hannibal Guerrro at tinanong kung bakit niya ginagawa ang gano’n.

Nagsabi naman ng totoo ang kawal at sinabing pagsasanay ‘yon sa paninitiktik sa kanyang pag-aaral ng intelligence sa Philippine Navy.

Humingi rin ng paumanhin ang PN kay Lumbera.

Naitoka kay Guerrero ang bahay ni Bien dahil pinupuntahan umano ito ng mga rebeldeng komunista at ito rin ang himpilan ng grupong progresibo, ang Alliance for Concerned Teachers o ACT na si Lumbera ang tagapangulo.

***

Sinabi ni Bien na ngayon ay may laging nakaambang espada ni Damocles sa kanyang ulunan.

At siya ay nagagalit dahil sa walang habas na paglabag ng estado sa mga karapatang pantao ng mga ordinaryong mamamayan o maging ng isang pamana ng lahi na National Artist ng bansa.

Kailangan bang patiktikan ang isang tahimik na mamamayan at nagmamahal sa kanyang kapwa na si Lumbera?

Isa itong karumal-dumal na hakbang ng pamahalaan sa isang lipunang demokrasya.

***

Tinitingnan din ni Lumbera na ang kaganapang ito na may kaugnayan sa kanyang pagtutol sa proklamasyon ng mga Pambansang Alagad ng Sining ngayong taong ito.

Matatandaan na nang ipahayag ng Malacañang na kabilang sina Cecille Guidote-Alvarez para sa Theater, Francisco Mañoza para sa Architecture, Jose Moreno para sa Fashion Design at Carlo J. Caparas para sa Film and Visual Arts sa  mga National Artists na paparangalan ay nag-alsa ang hanay ng mga progresibong artista na kinabibilangan ni Lumbera at nagreklamo silang wala sa opisyal na nominasyon at rekomendasyon ng Cultural Center of the Philippines at National Commission for Culture and the Arts ang nabanggit na apat dahil ang apat na pangalan ani Bien na isinumite sa Malacañang ay sina Lazaro Frnacisco para sa Panitikan, Manuel Conde para sa Film and Broadcast Arts, Federico Aguilar Alcuaz para sa Painting at Ramon Santos para sa Musika.

Labag sa batas ang pagdadagdag ng Pangulo sa proklamasyon ng mga National Artists kahit na may kapangyarihan siyang magdagdag mula sa listahan ng mga inirekomenda ng NCCA at CCP subalit wala sina Guidote-Alvarez, Mañoza, Moreno at Caparas sa talaan.

Ipinaglalaban ng mga nagpoprotesta ang pagkalaglag kay Santos samantalang ito ang may pinakamaraming boto sa pilian ng NCCA at CCP.

***

Ang reklamong ito ay umabot na sa Kongreso sa pamamagitan ng pagsisiyasat ng Mababang Kapulungan sa bisa ng inihaing mungkahi ni Bayan Muna Representative Teddy Casiño na imbestigahan ng Kongreso ang kasong ito.

Kaya sa kauna-unahang pagkakataon ay nagharap sina Lumbera at Guidote-Alvarez.

Nasa Committee on Basic Education and Culture congressional inquiry sina Joe Lad Santos, Tagapangulo ng Surian sa Wikang Filipino, Vilma Labrado, Tagapangulo ng NCCA, Nestor Jardin, ang dating pangulo ng CCP, Atty. Lorna P. Kapunan, ang limang Commissioners ng NCCA na sina Elmar Ingles, Marietta Chou, Corazon Alvina, Ricardo de Ungria at Fr. Harold Rentorio.

Dumating din sina Congresswomen Rissa Hontiveros-Baraquel ng Akbayan at Liza Maza ng Gabriela, Representatives Raymund Palatino ng Kabataan, Roman Romulo at Ed Zialcita na mga miyembro ng komite at ang Tagapangulo ng Komite na si Congressman Del de Guzman.

***

Inilarawan ni Cecille ang proseso ng pagpili sa Order of National Artists sa tatlong yugto o three-act na halaw niya sa kanyang kaalaman sa dulaan.

Ito ay dahil sa paghingi nina Romulo, Zialcita at de Guzman ng proseso sa pagpili ng mga gagawaran ng parangal.

Sinabi ni Guidote-Alvarez na ang CCP at NCCA nga ang unang yugto sa may karapatang legal na pagpili ng nominasyon, pananaliksik, pag-aaral, balitaktakan, deliberasyon at rekomendasyon sa mga National Artists.

Ikalawang bahagi ang ebalwasyon ng Honors Society at ang samahang ito ang naging bulto ng pagtatalo dahil sa marami ang namimisteryosohan sa itinatag na ito ng Palasyo.

Ayon kay Cecille, may karapatan ang Honors Society na magrebyu at magtalaga ng National Artists, isang bagay na kinontra ni Kapunan.

Ayon kay Binibining Lorna, ang Honors Society, ayon sa kanyang pananaliksik, batay sa Executive Order 236 ay walang karapatang mag-confer ng panalo sa Order of National Artists.

Ang katungkulan lang ani Atty. Kapunan, ng Honors Society na inamyendahan sa EO 435 ay ang mag-notify, mag-assist at mag-advise sa Presidente kung sino ang gagawaran ng parangal.

***

Sinabi ni Guidote-Alvarez na ang bumubuo ng Honors Society ay ang Executive Secretary at ang ibig sabihin nito ay si Eduardo Ermita, ang kalihim ng Department of Foreign Affairs at ang Presidential Management Staff.

Marami ang natawa sa komposisyon nito kabilang ang komedyante at Director-General ng Film Academy of the Philippines na si Leo Martinez.

Sinabi ni Leo na sila-sila, kami-kam pala ang Honors Society kaya hindi kataka-takang makasama sa National Artists sina Cecille.

Ayon sa batas, hindi puwedeng nominado ang mga opisyal ng NCCA at CCP sa National Artists dahil maliwanag pa sa batas na may conflict of interest sa bahaging ito pero nagpatianod pa rin si Cecille at ngayon ay ipinagtatanggol niya ang kanyang pagiging tagatanggap ng parangal dahil sa karapatan ng Presidente na magdagdag ng awardee.

***

Sinabi ni Martinez na noon ay tagapag-obserba lang sa congressional inquiry na palakasan pala talaga ang nangyaring pagpili ngayong taong ito sa National Artists.

Kinuwestyon naman ni Cecille na bakit noong panahon ni Joseph Estrada ay nabigyan ng parangal si Ernani Cuenco samantalang wala ito sa rekomandasyon ng CCP at NCCA.

Gayundin, ani Guidote-Alvarez, sa dispensasyon ni Fidel V. Ramos ay naidagdag niya ang isang wala rin sa opisyal na listahan ng NCCA at CCP.

Sinabi ng mga pulitiko sa pagdinig na ang lahat ng nagaganap sa sangay na ‘yon ng House of Representatives ay para may makuhang mga detalye at impormasyon na mahalaga sa pag-ugit ng batas tungkol sa Order of National Artists o sa paglikha muli ng mga pagbabago sa batas na umiiral kaugnay sa parangal na ito.

***

Itinanggi ng mga Commissioner ng NCCA na sina Ingles, de Ungria, Rentorio, Chou at Alvina na wala silang kaalam-alam sa Honors Society na ito ay gumanap ng papel sa pagpili, isang bagay na itinanggi ni Guidote-Alvarez at sinabi niyang ipinaalam niya sa mga taga-NCCA.

Ayaw na ayaw anya niya na siya ay napapagbintangang kumikilos nang mag-isa sa mga polisiya at pagpapasya sa kanyang komisyon.

Ayaw din anya niya ng saksakan sa likod.

Wala rin anya siyang nilalabag na kautusan.

Samantala, itinanggi ni Elmar na may kaugnayan siya sa isang opisyal na pahayag ng NCCA tungkol sa isyu dahil hindi naman anya siya kinunsulta ng mga kinauukulan.