Paggunita sa batas militar ni Marcos

September 20, 2009

Letizia Ladlad

Leticia Ladlad

Kilala niyo ba si Leticia Jimenez Pascual Ladlad?

Siya ang unang babaing editor-in-chief ng diyaryo ng mga estudyante ng University of the Philippines-Los Baños, Laguna (UPLB), ang “Aggie Green and Gold” noong 1971. Mas kilala bilang Tish, naging kasapi siya ng Samahan ng Demokratikong Kabataan at College Editors’ Guild. Magpinsan si Tish at sina Leticia Jimenez Magsanoc at Inday Badiday dahil ang ina ni Tish ay kapatid ng ama ni Jimenez-Magsanoc at Inday Badiday. Naging kasintahan at napangasawa ni Tish si Vic Ladlad na noon naman ay tagapangulo ng Student Council ng UPLB. Nang ipinataw ang batas militar noong Setyembre 21, 1972, nag-underground si Tish, katulad ng daan-daang kabataang aktibista sa panahong iyon. Huli siyang nakita noong 1975 sa may PGH Taft.

Hindi lang si Tish ang naging biktima ng batas militar. Mga 70,000 ang tinatayang ikinulong, natortyur, nawala o pinatay sa 14 na taon ng batas militar. Sa partikular, inilalagay sa 3,257 ang biktima ng extra-judicial killings sa panahong iyon habang mga 769 ang nakarekord na mga biktima ng sapilitang pagkawala mula 1971 hanggang Pebrero 1986.

Iba’t ibang klaseng tortyur

Sa isang artikulong isinulat ni Alexander Martin Remollino sa Bulatlat.com noong September 14 – 20, 2003, inilarawan ng mga bilanggong pulitikal ang iba’t ibang tipo ng tortyur na kanilang naranasan sa panahon ng martial law.

Pompyang: Naranasan ni Satur Ocampo at marami pang ibang bilanggong pulitikal. Sabay na pagtira ng dalawang tainga. Naglilikha ng pinsala sa pandinig.

Pagpapaupo sa yelo: Pinahuhubad ang mga bilanggong pulitikal at pinauupo sa bloke ng yelo. Naranasan ni Satur.

Pangunguryente: Pagkuryente sa ari, sa utong at sa noo.  Naranasan din ni Satur.

Water cure: Pahigain ka sa bangko at buhusan ng tubig ang iyong ilong hanggang halos malunod ka na. Ang isang bersiyon ay ang paglublob ng iyong ulo sa dram o balde ng tubig.

Russian roulette: Ginawa kay Luisa Posa Dominado noong martial law. Apat na beses na nahuli si Luing noong martial law pero nakatakas o napalaya siya. Noong Abril 2007 habang nangangampanya para sa Bayan Muna, dinukot si Luing kasama si Nilo Arado sa Oton, Iloilo. Hanggang ngayon hindi pa sila nakikita.

“ Lying in air”: ang pagsalarawan ni Pete Lacaba at ni Boni Ilagan sa tortyur na naranasan nila. Pahigain ka sa pagitan ng dalawang bangko: ang ulo ay nasa isang bangko habang ang paa ay nasa kabila. Ang katawan ay suspended sa hangin. Kapag mag-slide down ka, bugbog ang aabutin mo.

May mga partikular na anyo ng tortyur sa kababaihan.

Seksuwal na pang-aabuso: tortyur kay Laura, isa sa mga kasamahan ni Edgar Jopson noong nahuli siya. Hinaubaran sa loob ng isang airconditioned room, nilamas ang kanyang dibdig, ipinasok sa kanyang vagina ang isang talong na sinawsaw sa durog na sili.

Seksuwal na serbisyo sa opisyal para ikaw ay mabuhay: si Adora Faye de Vera, PSHS graduate, UP undergrad, nahuli kasama ang dalawang magsasaka sina Rolando Federes (24-taong-gulang) at Flora Coronacion (18) noong Oktubre 1, 1976 sa Lucena City habang nakasakay sa tren papuntang Bicol. Pinatay ang kasamang mga magsasaka; binuhay si Adora pero ginawa siyang concubine ng opisyal ng militar ng mahigit. Nakatakas siya noong Hunyo 1977 at naikuwento ang nangyari. Si Adora Faye ang isa mga testigo sa kasong isinampa ng mga dating bilanggong pulitikal laban kay Marcos sa Hawaii noong 1992.