Paghuli sa tutubi o ang pagsukol sa progresibong artista


May dahilan para mangamba sina Bienvenido Lumbera at Jun Cruz Reyes. May kasaysayan ng pandarahas ang Estado sa mga artistang naglalantad ng tunay na kalagayan ng bayan

Mga manunulat na sina Jun Cruz Reyes at Bienvenido Lumbera, target diumano ng paniniktik ng militar. (Soliman A. Santos)
Mga manunulat na sina Jun Cruz Reyes at Bienvenido Lumbera, target diumano ng paniniktik ng militar. (Soliman A. Santos)

Matapos ang paniniktik ng militar sa bahay ng isang Pambansang Alagad ng Sining noong nakaraang linggo, isang manunulat na naman ang lumitaw at nagsalita na siya man, ay tinitiktikan rin ng pinaghihinalaang mga ahente ng estado.

Matagal nang balisa ang manunulat na si Jun Cruz Reyes. Bago pa man kasi pumutok ang balitang may nahuling militar na nagmamanman sa bahay ng Pambansang Alagad ng Sining sa Panitikan na si Dr. Bienvenido Lumbera, nakararanas na siya ng kakaibang mga pangyayari sa kanyang paligid. Hindi iyon mga guni-guni o paranoia ng aktibistang karakter sa kanyang nobela o kuwento, halimbawa’y sa Tutubi, Tutubi, Wag kang Magpapahuli sa Mamang Salbahe. Totoo ang mga iyon, mga aninong nagbabantay sa kanyang mga kilos.

Pagmamanman at pananakot

Halimbawa’y totoong noong Setyembre 13, 2009, (ika-106 na anibersaryo pa naman ng kapanganakan ni Ka Amado V. Hernandez, na isa ring progresibong manunulat na taga-Hagonoy din tulad ni Reyes), isang hindi kilalang lalaki ang kumuha ng litrato ni Reyes gamit ang cellphone. Nasa isang tindahan si Reyes noon sa loob ng U.P. (kung saan siya nagtuturo) sa kahabaan ng C.P. Garcia Road matapos ang isang lektyur sa University of Santo Tomas.

Nakasuot ng asul na pantalon na maraming bulsa ang lalaki. Mga 5’ 4” ang taas, may fair
complexion
at maskulado, ayon sa pahayag ni Reyes.

Nang araw ding iyon, ilan sa kanyang mga kapitbahay sa Sta. Elena, Hagonoy, Bulacan ang nagsabing may nakita silang isang itim na van na may sakay na di kilalang mga lalaki ang pumarada sa tapat ng kanyang bahay mga bandang alas-onse ng gabi. Nagmatyag umano ang mga lalaki at pagkatapos ay tumambay sa kalapit na tulay.

Saka lamang napagtani-tagni ni Reyes ang mga kaugnay ng pangyayari. Noong Nobyembre 15, 2007, mga ala-1:00 ng hapon, isang iskwad ng mga lalaking naka-fatigues at may mga takip sa mukha ang pumunta sa kubo sa palaisdaan ng isa niyang kapitbahay. Inalok ng mga nasabing lalaki ang naturang kapitbahay ng dalawampung libong piso (P20,000) para ituro kung saan daw nagtatago si Reyes at may nagtangkang pumasok sa kanyang bahay noong Agosto, 2007. Noon namang 2006, habang nagtuturo siya sa U.P., Baguio nakatanggap siya ng text message mula sa isang kaibigan at opisyal ng bayan na huwag munang umuwi sa sa Bulacan dahil nasa Order of Battle ng Philippine Army ang pangalan niya.

Aminado si Reyes, noong una’y hindi niya ito masyadong sineseryoso. Abala siya noon
sa disertasyon para sa kanyang pagdudoktor sa Malikhaing Pagsulat. Pero nagsimula siyang mangamba at mapraning nang magkahugis at itsura ang patuloy na pagmamanman at
pananakot sa kanya.

Aminado rin si Reyes na nabigyan siya ng lakas ng loob nang magsalita si Lumbera tungkol sa sarili nitong karanasan ng panghaharas. Lalo siyang natuwa nang malamang suportado ng huli ang kanyang ginawang paglalantad.

Nang tanungin kung ano kaya ang maaaring motibo ng militar para siya manmanan at takutin, sinabi ni Reyes na wala siyang maisip na dahilan. Tahimik siyang mamamayan, walang kagalit o anumang rekord sa barangay man o sa pulis.

Artist na intelektuwal lang po ako”, ani Reyes.

Para naman kay Lumbera, tatlo ang posibleng dahilan ng paniniktik sa kanya. Una, bukas na aklat ang kanyang pagiging kririkal sa administrasyong Arroyo, pinakahuli rito ang protesta niya kasama ang marami pang artista sa ginawang panghihimasok ng pangulo sa seleksiyon ng Gawad Pambansang Alagad ng Sining. Ilang tula na rin ang naisulat niya tungkol sa pandaraya’t katiwalian ni Pangulong Arroyo. Ikalawa, ang pagiging himpilan ng kanyang bahay ng progresibong partido ng mga guro ang Alliance of Concerned Teachers na dati niyang pinamunuan. At ikatlo, may hinala rin siyang ang kanyang manugang na isang lider-kabataan ang target ng paniniktik.

Pero anu’t anuman ang dahilan, tiyak na may kinalaman ito sa pagtuligsa sa administrasyong may allergy yata sa kritisismo.

Sa panig ni Reyes, maaaring dahilan ang pagiging awtor niya ng ilang progresibo at rebolusyonaryong sulatin sa nakalipas na halos tatlong dekada. Awtor siya ng ilang maraming kuwento ng buhay ng mga rebeldeng New People’s Army noong dekada 80 (Tutubi, Tutubi…) at dekada 90 (“Ilang taon na ang problema mo?”) Nitong 2004, inilabas niya ang librong “Armando,” isang biograpiya ng isang kadre ng Partido Komunista ng Pilipinas.

Represyon sa artista, represyon sa mamamayan

Nagpahayag naman ng suporta ang ilang grupo kina Lumbera at Reyes. Ayon sa Karapatan, kinokondena nila ang panghaharas sa dalawang manunulat dahil nagdudulot ito ng chilling effect, lalo na ngayong tumataas na naman ang bilang ng mga kaso ng paglabag sa karapatang pantao.

Ayon kay Marie Hilao-Enriquez , pangkalahatang kalihim ng Karapatan, maaaring bahagi ito ng Oplan Bantay Laya 2, ang kontra-insurhensiyang polisiya ng administrasyong Arroyo. “Nauna na ang mga progresibong kinatawan ng mga party-list, mga abugado at ngayon naman, mga artista at manunulat,” aniya.

Nanawagan si Enriquez sa Commission on Human Rights (CHR) na imbestigahan ang mga pang-eespiyang ito. “Kung nagagawa ito kay Dr. Lumbera at Dr. Reyes, gaano pa sa mga walang kalaban-labang mamamayan sa mga kanayunan,” sabi niya pa.

Para naman kay Roselle Pineda, guro sa U.P. at kasapi ng Concerned Artist of the Philippines, isa lamang ito sa mga pasistang taktika ng administrasyong Arroyo at atake sa demokratikong mga karapatan ng mga mamamayan.

Sinabi naman ni Vijae Alquisola ng College Editors Guild of the Philippines na nakakaalarma ang represyong ginagawa sa mga manunulat dahil nagsusulat lamang sina Lumbera at Reyes ng katotohanan ng lipunang Pilipino.

Sa ngayon, pinag-iisipan nina Reyes at Lumbera na magsampa ng mga kaukulang kaso sa CHR at korte kaugnay ng ginawang paniniktik sa kanila. Ayon kay Reyes, umaasa siyang matigil ang pagmamanman sa kanya sa pamamagitan ng paglalantad na ito.

May dahilan para mangamba sina Lumbera at Reyes. May kasaysayan kasi ng pandarahas ang Estado sa mga manunulat at artistang naglalantad ng tunay na kalagayan ng bayan at mamamayan, lalo na iyong mga lumahok sa protesta, andergrawnd man o lantad. Nariyan na ang mga Hernandez, Emmanuel Lacaba, Lorena Barros, Pete Lacaba, Bonifacio Ilagan, Axel Pinpin, at marami pang artistang nakibaka at patuloy na nakikibaka.