Ika-80 kaarawan ni Dr. Bienvenido Lumbera, Guro at Artista ng Bayan, ipagdiriwang


Kilalang manunulat at iskolar ng kultura at panitikan, si Bienvenido Lumbera ay ipinanganak noong Abril 11, 1932 sa Lipa, Batangas. Nag-aral sa Unibersidad de Santo Tomas noong 1950 at sa Indiana University noong 1967. Naging propesor din siya sa Osaka University at University of Hawaii sa Manoa, gayundin din sa iba’t ibang unibersidad sa bansa. […]

Dr. Bienvenido Lumbera, Pambansang Alagad ng Sining sa Panitikan

Kilalang manunulat at iskolar ng kultura at panitikan, si Bienvenido Lumbera ay ipinanganak noong Abril 11, 1932 sa Lipa, Batangas. Nag-aral sa Unibersidad de Santo Tomas noong 1950 at sa Indiana University noong 1967. Naging propesor din siya sa Osaka University at University of Hawaii sa Manoa, gayundin din sa iba’t ibang unibersidad sa bansa.

Hindi matatawaran ang kontribusyon ni Bien sa larangan ng sining at panitikan. Nakapaglimbag na siya ng mga panandang-bato na antolohiya, nakapagsulat ng iba’t ibang dula tulad ng Tales of the Manuvu, Nasa Puso ang Amerika at Hibik at Himagsik nina Victoria Laktaw. Pinarangalan siya bilang Pambansang Alagad sa Sining at nagkamit na rin ng gawad mula sa Ramon Magsaysay Awards para sa Pamamahayag.

Sa kabila ng buhay sa sining, hindi nakaligtaan ni Bien ang halaga at ugnayan ng kanyang pagiging iskolar, guro at artista sa lipunan at bayan. Kinikilala ang kanyang ambag sa larangan ng pagtatayo ng mga organisasyong nagtataguyod ng pambansang demokrasya. Bukod sa pagiging Professor Emeritus sa UP Diliman, siya rin ang Chairman Emeritus ng Concerned Artists of the Philippines at Congress of Teachers/Educators for Nationalism and Democracy. Siya rin ang naging tagapanguna sa pagkakatatag ng Alliance of Concerned Teachers, Philippines na nangangalaga naman sa kagalingan ng mga guro sa Pilipinas.

Maraming beses na rin nakasama si Bien sa mga pambansang kilos-protesta. Patuloy siyang nakikibahagi sa pagsulong ng makatuwirang sahod at karapatan ng mga manggagawa. Inilapat niya sa kanyang mga akda ang buhay at himagsik ng mga magsasaka. Naging lunan ng kanyang mga karanasan noong batas militar ang mga obrang tula at awitin. Sa lahat ng ito, isang dakilang patunay si Bien na ang sining ay marapat lamang magsilbi sa mga uring inaapi at pinagsasamantalahan, habang ito rin ay mabisang paraan upang humukin ang mamamayan na makiisa tungo sa paglaya ng bayan.

—————————————————————-

Muy Bien: Guro at Artista ng Bayan

“Kung tayo man ngayo’y may piring na luha

Bukas, pagkamulat hanapin ang tuwa;

Kalagin ang gapos ng ating tadhana,

Kung kikilos tayo, tayo ay lalaya!”

-Bien Lumbera

Ipagdiwang ang buhay ng guro ng bayan, itanghal ang sining ng artistang makabayan.

Para sa 80th kaarawan ng Pambansang Alagad sa Sining Bienvenido Lumbera, inihahandog ang

Muy Bien: Guro at Artista ng Bayan.

Sumama sa pagpupugay at pasasalamat kay Bien sa

Abril 15, 2012 3:00n.h. AS Steps, Unibersidad ng Pilipinas, Diliman.

Tampok ang kanyang mga likhang obra kasama ang Philippine Philharmonic Orchestra, Kontra-Gapi, Tanghalang Pilipino, Artists Incorporated, Dulaang UP, Los Indios Bravos, Tudla Productions, mga makabayang musikero, artista sa entablado, mga makata, mandudula, visual artists, filmmakers, at rap artists.

Sa pakikipagtulungan ng Opisina ng Presidente ng UP Diliman, UP Kolehiyo ng Arte at Literatura,

UP Kolehiyo ng Sosyal Sayans at Pilosopiya, CONTEND-UP, CENPEG, UP Asterisk,

Concerned Artists of the Philippines at Cultural Center of the Philippines.

Para sa karagdagang impormasyon, maaaring makipag-ugnayan sa telepono bilang 09088841170.

Hanapin si Walkie Miraña.