Husgahan Natin

May waiver at quitclaim kasi

Mahirap mawala sa ating alaala ang hirap na ating dinanas dulot ng bagyong dumaan. Ang pagkawala ng ating mga tahanan, salapi, at iba pang ari-arian  ay mananatili sa ating mga isipan  sa loob ng mahabang panahon. Ngunit ang kawalan na ating nadarama bunga ng unos at pagbaha ay siya rin halos ang nadarama ng mga  […]

Mahirap mawala sa ating alaala ang hirap na ating dinanas dulot ng bagyong dumaan. Ang pagkawala ng ating mga tahanan, salapi, at iba pang ari-arian  ay mananatili sa ating mga isipan  sa loob ng mahabang panahon. Ngunit ang kawalan na ating nadarama bunga ng unos at pagbaha ay siya rin halos ang nadarama ng mga  empleyadong nawalan bigla ng kanilang mga trabaho. Lalo na kung ang pagkawala nito ay bunga ng kasalatan sa kaalaman kung paano ito maipaglalaban sa tamang pamamamaraan.

Sa kasong Arsenio Quevedo, et. al. vs. Benget  Electric Cooperative , Incorporated, et. al” (GR No. 168927,  September 11, 2009), matagal nang nagtatrabaho  sina Arsenio sa Benguet Electric Cooperative. Isang araw,  bunga ng automation sa kompanya, nagpasya itong magbigay ng voluntary retirement sa kanyang mga manggagawa.

Noong una ay tinanggihan ito nina Arsenio ngunit sa kalaunan, tinanggap na rin nila ito. Sa madaling sabi, matapos nilang matanggap ang kaukulan nilang mga bayad mula sa kompanya, nawalan na sina Arsenio ng trabaho.

Pagkalipas ng apat na buwan, nagsampa ng kasong illegal dismissal laban sa kompanya ang grupo nina Arsenio. Ayon sa kanila, pinilit silang magretiro ng kompanya. Ayon sa kanila, tinakot sila ng manedsment na kung hindi nila tatanggapin ang inaalok nitong voluntary retirement, mapipilitan ang manedsment na sila ay tanggalin dahil sa redundancy.

Ngunit pagkatapos nilang kusang magretiro ay nagdagdag pa ng empleyado ang kompanya. Nagpapakita lamang ito, ayon kina Arsenio, na pakana lamang ng kompanya ang voluntary  retirement program para matanggal sila sa kanilang mga pwesto.

Hindi naniwala ang Labor Arbiter at pinawalang bisa ang demanda nina Arsenio. Nag-apela sina Arsenio sa National Labor Relations Commission (NLRC)  at nabaliktad nila ang desisyon ng Labor  Arbiter. Sinabi ng NLRC na walang bisa ang voluntary retirement nina Arsenio at dapat lamang ibalik ang mga ito sa trabaho.

Tuwang-tuwa na dapat sina Arsenio ngunit dinala ng kompanya ang kaso sa Court of Appeals (CA). Dito, naiba na naman ang hangin at ang kompanya naman ang kinatigan ng nasabing korte. Sinabi ng CA na tama ang voluntary retirement ng kompanya at hindi na dapat ibalik sina Arsenio sa kanilang  trabaho.

Dinala nina Arsenio ang kaso sa Korte Suprema. Pagkalipas ng apat na taon, ibinaba ng Korte Suprema ang kanyang hatol.

Walang masama sa early voluntary retirement program na inialok ng kompanya, sabi ng Korte Suprema.  Pinagpasyahan ito ng manesdsment matapos makitang kailangang bawasan ang kaniyang empleyado bunga ng naganap na automation sa kompanya.

Sa ilalim ng voluntary retirement program na inaalok ng kompanya, halos doble  ang matatanggap na bayad  ng mga  empleyadong sasailalim dito kung ihambing sa benepisyong binibigay sa kanila ng batas. Kaya malinaw na nagiging mabait lamang ang kompanya sa ginawa nitong  pag-alok sa nasabing retirement program sa  kanyang mga empleyado.

Kusa bang tinanggap nina Arsenio ang volutary retirement program ng kompanya? Ang sagot ay oo, sabi ng Korte Suprema. Pumirma sila ng mga waiver o quitclaim kapalit ng pagtanggap nila ng kanilang mga bayad.

Nakasaad sa mga dokumentong ito na kontento sila sa kabayarang kanilang tinanggap at hindi na maghahabol pa  sa kompanya. Oo  nga’t may mga pagkakataong pinapawalan ng bisa ng Korte Suprema ang mga waiver at quitclaim na pinirmahan ng mga manggagawa.

Pero ito ay nangyayari lamang sa mga sumunod na pagkakataon: una, kung gumamit ng panloloko ang kompanya para mapirmahan ng mga manggagawa ang nasabing waiver; pangalawa, kung ang halagang tinanggap ng mga manggagawa ay hindi sapat o makatuwiran ; at pangatlo, kapag ang mga nilalaman ng waiver ay labag sa batas, moralidad,  o patakarang pampubliko.

Malinaw na walang nilalabag ang waiver and quitclaim na nilagdaan ng mga manggagawa.

Binasura ng Korte Suprema ang reklamo nina Arsenio at kinatigan ang desisyon ng CA na hindi na sila dapat pabalikin sa kanilang mga trabaho.