Chiz pinuri ng KMU sa pagkalas kay Danding, pagtangan ng maka-obrerong posisyon
Pinuri ng Kilusang Mayo Uno (KMU) ang pagdeklara ni Sen. Francis “Chiz” Escudero ng pagkalas sa Nationalist People’s Coalition (NPC). Pinuri rin ng grupo ang pagbitaw ni Escudero sa pangangatawan sa interes ng malaking negosyo, habang sumusuporta sa maka-mamamayang mga tindig sa iba’t ibang isyu. Dahil dito, magiging mas malakas na kandidato siya sa pagkapresidente, […]

Pinuri ng Kilusang Mayo Uno (KMU) ang pagdeklara ni Sen. Francis “Chiz” Escudero ng pagkalas sa Nationalist People’s Coalition (NPC). Pinuri rin ng grupo ang pagbitaw ni Escudero sa pangangatawan sa interes ng malaking negosyo, habang sumusuporta sa maka-mamamayang mga tindig sa iba’t ibang isyu.
Dahil dito, magiging mas malakas na kandidato siya sa pagkapresidente, ayon sa KMU.
Noong Miyerkules, Oktubre 28, inihayag ni Escudero sa isang press conference ang pagbitiw niya sa NPC. Sinabi ni Escudero na kailangang kumalas sa mga partidong tulad ng NPC ang sinumang gustong tumakbong presidente at talagang maglingkod sa bayan.
Marami ang naniniwalang kontrolado ni Eduardo “Danding” Cojuangco, isang malaking negosyante, ang NPC.
“Sa konteksto ng bulok at elitistang sitemang pampartido sa bansa, tama ang sinabi ni Chiz. Tuluy-tuloy siya sa maka-mamamayang mga tindig noong panahon ni Gloria, pero lagi kami noong may reserbasyon na kontrolado siya ni G. Cojuangco. Mabuti at iniwan niya si G. Cojuangco,” sabi ni Elmer “Bong” Labog, tagapangulo ng KMU.
Sinabi pa ni Labog na maaari ngang nagbitiw si Escudero sa NPC dahil hindi siya bibigyan ni Cojuangco ng sapat na pondo sa pagtakbo. “Alam naman nating tusong negosyante si G. Cojuangco. Tataya siya sa lahat ng kabayong posibleng manalo, pero tataya siya nang malaki sa nangunguna sa karera. Kung ganoon din lang, bakit naman papayag pa si Chiz na maimpluwensiyahan (ni Cojuangco)?” dagdag ni Labog.
Ikinatuwa din umano ng mga manggagawa ang tindig ni Escudero laban sa kontraktuwalisasyon ng paggawa at Oil Deregulation Law.
“Malapit sa puso ng mga mamamayan at manggagawa ang mga isyung ito. Isa sa pangunahing porma ng pagsasamantala sa mga manggagawa ngayon ang kontraktwalisasyon. Sobrang nahuhuthutan ng kartel sa langis ang mga mamamayan dahil sa ODL. Matapang si Chiz sa pagtangan sa maka-mamamayang tindig sa mga isyung ito,” sinabi pa ni Labog.
Ayon pa sa lider-manggagawa, puwede nang gawing panukat sa ibang kandidatoang rekord ni Escudero sa aktibong paglaban sa “sinungaling, mandaraya at magnanakaw na rehimen ni (Arroyo).” Matapos ang deklarasyon, naniniwala si Labog na itinaas pa ng huling mga pahayag ng senador ang pamantayan.
Dapat nakabatay ang mga islogan ng ‘pagbabago’ sa kongkretong rekord ng pagtutol sa kontra-mamamayang rehimeng ito at sa kongkretong mga tindig sa mga isyu,” dagdag pa nya.
Tumugon din si Labog sa pagtinging nag-political suicide si Escudero sa pag-alis sa NPC at pagkalas sa sistemang pampartido sa bansa. “Sa tingin namin, hindi. Binuhay niyang muli ang kampanya niya para maging pangulo sa mga tindig niya. Dapat sumunod ang ibang presidentiable sa paglilinaw sa mga tindig nila sa isyu,” sabi niya.
Sabi ni Labog, nakikipag-usap pa sa mga kandidato at nagtatalakayan ang KMU at iba pang progresibong organisasyon kung may ieendorso sila at kung sino kung sakali. “Maka-mamamayan at maka-manggagawang tindig sa mga isyu at kahandaang makipagtulungan sa progresibong mga organisasyon ang pangunahin naming konsiderasyon. Dahil sa mga pahayag niya, mapag-uusapan ulit si Chiz,” pagtatapos ni Labog.