Lider-estudyante ‘hinaras’ ng ahenteng panseguridad ni Clinton


Hinaras ng diumano’y mga ahenteng panseguridad ni US Secretary of State Hillary Clinton ang isang lider-estudyante at pinigilang dumalo sa porum sa University of Sto. Tomas (UST) kahapon, Nobyembre 13, kung saan panauhin ang mataas na opisyal ng Estados Unidos. Sa pahayag na ipinadala sa midya ni Dianne Marie Solmayor, tagapagsalita ng League of Filipino Students-National Capital Region (LFS-NCR), […]

Tinatapatan ng militanteng mga grupong pangkabataan ng kilos-protesta ang porum ni US Secretary of State Hillary Clinton sa University of Sto. Tomas. (Angelica Carballo)
Tinatapatan ng militanteng mga grupong pangkabataan ng kilos-protesta ang porum ni US Secretary of State Hillary Clinton sa University of Sto. Tomas. (Angelica Carballo)

Hinaras ng diumano’y mga ahenteng panseguridad ni US Secretary of State Hillary Clinton ang isang lider-estudyante at pinigilang dumalo sa porum sa University of Sto. Tomas (UST) kahapon, Nobyembre 13, kung saan panauhin ang mataas na opisyal ng Estados Unidos.

Sa pahayag na ipinadala sa midya ni Dianne Marie Solmayor, tagapagsalita ng League of Filipino Students-National Capital Region (LFS-NCR), sinabi nitong nilapitan siya ng dalawang ahente ng US kasama ng ilang lokal na pulis at ininteroga sa isang guwardiyadong kuwarto sa College of Nursing ng UST, ilang minuto bago dumating si Clinton sa nasabing unibersidad.

Ayon kay Solmayor, 19, isang 4th year na estudyante ng Mass Communications sa Adamson University at presidente ng Adamson University Mass Communication Society, sinabihan siya ng di-nagpakilalang mga ahente ng US na hindi siya maaaring dumalo sa porum at magtanong kay Clinton.

Mahigit 800 estudyante mula sa UST, University of the Philippines-Diliman, De la Salle University, Ateneo de Manila University, National University, Far Eastern University, University of the East, at Adamson University ang dumalo sa “Manila Forum” ni Clinton, na pinalabas nang live sa ABS-CBN News Channel.

“Si Solmayor ay isang lehitimong representante ng kanyang paaralan at ng mga estudyante. May karapatan siyang dumalo sa aktibidad bilang bahagi isang lider-estudyante,” ayon sa LFS-NCR.

Ang LFS ay isa sa mga grupong pangkabataan na nagsagawa ng kilos-protesta sa Espanya Boulevard sa harap ng UST para kondenahin ang bisita ni Clinton sa bansa, kasama ang College Editors Guild of the Philippines, Anakbayan, National Union Students of the Philippines, Student Christian Movement of the Philippines, at Kabataan Party-list.

Ayon kay Solmayor, ipinapakita ng insidente ng panghaharas na “lip service lang ang demokrasya na ipinagyayabang ni Clinton dahil ang kanyang mga tauhan ang unang lumalabag nito.”

Ipaparating sana ng lider-estudyante kay Clinton na nais ng mga estudyanteng Pilipino na pauwiin ang mga tropang Amerikano at ibasura ang Visiting Forces Agreement (VFA).

“Malinaw ang aming mensahe: Gusto naming makawala ang Pilipinas mula sa dominasyon ng US. Ipinaglalaban namin ang pambansang kalayaan at soberanya laban sa dayuhang interbensiyon,” sabi ni Solmayor.

Sa kabila ng panhaharas, sinabi ng lider-estudyante na naging matagumpay ang kilos-protesta ng mga kabataan laban sa dalawang-araw na bisita ni Clinton, na umalis ng bansa kahapon.

Noong Nobyembre 12, sumugod sa Gate 7 ng Malakanyang ang mga grupo at nagsunog ng bandila ng US para igiit ang kanilang posisyon laban sa VFA at presensiyang militar ng US sa Pilipinas.