Pambansang Isyu

Tropang Kano sa Pilipinas: Kumpas ng imperyo


Pinalalawak ng Estados Unidos ang impluwensiyang militar nito sa Asya Pasipiko. At buung-buo naman ang suporta rito ung tutang pangulo

Si Pang. Benigno Aquino III, sa pakikipagpulong kay US Pres. Barack Obama sa Oval Office sa White House, Washington, DC noong Hunyo 2012. (White House Photo)
Si Pang. Benigno Aquino III, sa pakikipagpulong kay US Pres. Barack Obama sa Oval Office sa White House, Washington, DC noong Hunyo 2012. (White House Photo)

Eksaherado ba ang mga kritiko na nagsasabing baseng militar ng Estados Unidos ang buong Pilipinas?

Marahil, hindi kasing-eksaherado ng gobyernong US na idineklarang “American Lake” ang Dagat Pasipiko, matapos maagaw ang Pilipinas mula sa gobyernong Espanya noong 1898. Isang negosyador sa Treaty of Paris, si Whitelaw Reid, ang nagsabi na ang pananakop sa Pilipinas ay isang mahalagang susi para maging Lawa ng Amerika ang buong Pacific Ocean.

Metapora ito ng pagkontrol ng US sa komersiyong dumaraan sa karagatang ito, at sakupin ang iba pang bansa sa Asya Pasipiko. Metapora ito ng pagtatayo ng imperyo sa pinakamalawak na rehiyon sa mundo.

Makaraan ang isang siglo, ang US pa rin ang pinakamalaki at pinakamakapangyarihang imperyo sa daigdig. Ngunit dahil binabayo ng krisis pang-ekonomiya o krisis ng monopolyo kapitalismo, marami ang nagsasabing unti-unti nang humihina ito.

Siyempre, hindi ito basta-basta makapapayag. Kaya simula ngayong taon, pinili ng US na ibuhos ang mayorya ng lakas-militar nito sa Asya Pasipiko, na may populasyon na kalahati ng mundo. “Ang makinabang sa pag-unlad ng Asya ay nasa pang-ekonomiya at estratehikong interes ng Amerika,” ayon mismo kay US Secretary of State Hillary Clinton sa sanaysay na America’s Pacific Century.

Nagsimula nang ideploy sa rehiyon ang karamihan sa mga barkong pandigma ng US.

Sa siglong ito ng ibayong presensiya o panghihimasok ng US sa rehiyon, mahalaga ang papel ng Pilipinas, na dating kolonya—at nagpapatuloy nitong mala-kolonya. “Ang mga tratado ng pakikipag-alyansa natin sa Japan, South Korea, Australia, Philippines, at Thailand ay sentro ng ating estratehikong pagpihit sa Asya Pasipiko,” ani Clinton.

Malinaw na lubhang kailangan tayo ng Estados Unidos.

US at ‘kooperasyon’ ni Pnoy

Ngunit bakit laging sinasabi ng gobyerno na tayo ang may kailangan sa “tulong” ng Amerika? Halimbawa na lamang, sa pagdepensa umano ng teritoryal na pag-aari ng Pilipinas sa Scarborough Shoal, na inaangkin din ng Tsina at iba pang kalapit na bansa.

Naniniwala si Prop. Roland Simbulan ng Unibersidad ng Pilipinas at Institute for Nationalist Studies, isang eksperto sa relasyong US-PH, na sadyang pinalalaki ni Aquino ang alitan sa Scarborough Shoal para lalong bigyang-katuwiran ang presensiya sa bansa ng mga tropang Amerikano. Pinalayas ang mga tropang Kano sa mga baseng militar sa Clark at Subic noong 1991, pero nakabalik naman ito gamit ang Visiting Forces Agreement (VFA).

Simula pa noong nakaraang taon, nagpupulong na ang matataas na opisyal para paigtingin ang “kooperasyong militar” sa pagitan ng dalawang bansa. Pinakahuli lamang ang bisita noong Hunyo ni Pang. Benigno Aquino III kay US Pres. Barack Obama sa Washington, at ang bisita naman sa bansa ni Hen. Martin Dempsey, hepe ng US Joint Chiefs of Staff at pinakamataas na opisyal militar ng Amerika.

Pinagkaisahan ang paglabas-pasok sa bansa ng mas maraming tropang Kano, mas malalaking joint military exercises o Balikatan, at mas regular na pagdaong ng mga barkong pandigma ng US. Siniguro ng gobyernong Aquino ang todong pagbukas ng ating mga paliparan, himpapawid, daungan at karagatan, gayundin ang pagbigay ng lohistikal na suporta, tuwing kakailanganin ito ng Estados Unidos. (Tingnan ang istoryang ‘Paano nilalabag ang ating soberanya?’)

Kumpara sa presensiya ng mga barko at mangingisdang Tsino sa Scarborough Shoal, hindi hamak na mas malala na paglabag sa soberanya ang malawakang presensiyang militar ng US sa bansa.

“Maliit lang ang teritoryal na alitan sa Tsina, na natural para sa magkakalapit na bansa at maaaring resolbahin sa antas-rehiyon. Ang totoong kailangang resolbahin ng gobyerno ay ang pagiging dependent nito sa US para sa ating kakayahang pandepensa,” ani Simbulan.

Ilang dekada nang umaasa sa ayudang militar ng US, ngunit hindi pa rin namomodernisa ang Armed Forces of the Philippines (AFP). Tumatanggap lamang ang AFP ng pinaglumaang kagamitan at sasakyang pandigma, gaya ng BRP Gregorio del Pilar, isang barko noong World War II na tinanggalan pa ng armas. Binebenta—at hindi ibinibigay—ng US ang mga armas, gamit ang Balikatan bilang pagkakataon na ipakita ang mga ito.

“Gusto ng US na laging umaasa sa kanila ang ating militar, dahil sa pamamagitan (nito), naiimpluwensiyahan nila ang ating pulitika at ekonomiya,” ani Simbulan.

Chairman ng US Joint Chiefs of Staff na si Hen. Martin Dempsey, sa bisita sa Mindanao noong Hunyo 2012. Tinitingnan nila ang mapa ng Asya-Pasipiko. (US Department of Defense photo)
Chairman ng US Joint Chiefs of Staff na si Hen. Martin Dempsey, sa bisita sa Mindanao noong Hunyo 2012. Tinitingnan nila ang mapa ng Asya-Pasipiko. (US Department of Defense photo)

Di-tuwirang kolonya pa rin

Malalim na nakaugat sa kasaysayan ng kolonyalismo ang masaklaw na impluwensiya ng US sa pulitika at ekonomiya ng bansa. Kasaysayan ito ng panlilinlang, panunupil at pandarahas sa mga puwersang makabayan, dominasyon sa edukasyon at kultura, at paggamit sa lokal na naghaharing-uri para isulong ang interes ng imperyo.

Mula 1899 hanggang 1913, daan-daan libong Pilipino ang namatay sa paglaban sa mga Amerikanong kolonisador. Marami pa ang marahas na sinupil hanggang sa ipinagkaloob ng US ang ating “kalayaan” noong Hulyo 4, 1946. Huwad ang kalayaang ito; ipinuwesto lamang ng US ang lokal na mga naghaharing-uri na sunud-sunuran sa kanila.

Hindi nahirapan ang US sa pagdikta ng mga polisya sa inihahalal na mga opisyal ng gobyerno—karamihan ay mga asendero at komprador kapitalista o kinatawan nila na nakikinabang din sa mga polisiyang ito. Ibinukas ang ekonomiya ng bansa para pumabor sa dayuhang mga negosyo. Pinanatili ang presensiyang militar ng Amerikano sa pamamagitan ng 1947 Military Bases Agreement (MBA) at Military Assistance Pact, at 1951 Mutual Defense Treaty (MDT).

Malaki ang pakinabang noon ng US sa mga baseng militar nito sa Clark at Subic. Naging himpilan, refuelling at kumpunihan ito ng mga barko at eroplanong pandigma. Naging sanayan at pahingahan din ito ng libu-libong tropang Amerikanong isinasabak sa mga samu’t saring digmaan sa Asya Pasipiko at Gitnang Silangan. Sa panahong sinasalakay ng US ang mga mamamayan ng Vietnam at buong Indochina na nakikibaka para sa pambansang paglaya, dito naka-base ang Seventh Fleet, ang pinakamalaking puwersang pandigma ng US.

Mula 1946, binigyang ayuda at pabuya ng US ang lahat ng mga pangulong nagmantine sa kaayusang mala-kolonyal. Isa na rito si Corazon Aquino. Gamit ang mga manwal at pagsasanay na ibinigay ng US, ipinatupad niya ang madugong kampanyang kontra-insurhensiya laban sa mga armadong puwersang rebolusyonaryo ng CPP-NPA-NDFP at Moro, na tumulong sa pagpapabagsak ng diktadurang Marcos. Sinubukan din ng ina ng kasalukuyang pangulo na pigilan ang pagbabasura ng Senado sa US-RP MBA noong 1991. Samantala, nitong nakaraang ilang taon, masugid na ipinatupad ni Gloria Arroyo at ni Pangulong Aquino ngayon ang 2009 US Counterinsurgency Guide para sawatain ang kilusang rebolusyonaryo.

Akses saanman

Matagumpay na naipasara man ng mga mamamayan ang mga baseng militar, hindi kailanman nawala ang mga tropang Amerikano. Ayon sa mga kritiko ng VFA, mas malala pa nga ang paglabas-pasok sa bansa ng mga tropang Kano. Sa ilalim ng kasunduan, malaya silang pumaroo’t pumarito nang walang takdang panahon, bilang, o lugar.

Sang-ayon ito sa diin ng Estados Unidos sa rotational deployment ng kanilang mga puwersa, sa halip na pagmantine ng malalaking base gaya noong panahon ng Cold War. Paliwanag ni Simbulan, “Hindi na nila kayang i-maintain ang malalaking base kasi magastos, hindi na kaya ng kanilang ekonomiya. Kaya ang porma ng pagbabalik ng mga base ay ang akses ng mga tropang Amerikano sa ating mga daungan, paliparan, at iba pang pasilidad, hindi lamang sa Clark at Subic, kundi sa buong bansa.” Mas madalas din ang kanilang pagdating, at sa mas maraming bilang.

Sa rotational deployment at akses, mahalaga ang pakikipagalyansa sa maraming bansa. Ang mga pasilidad sa mga bansang ito ang nagsisilbing forward operating bases ng Estados Unidos, ayon mismo sa terminong ginagamit ng US Congress.

Kaya’t maituturing na nagbabase rito ang mga tropang Kano, lalo na ang may tinatayang 600 na permanenteng special forces ng Joint Special Operations Task Force Philippines (JSOTFP). Hindi sila ordinaryong mga puwersa, kundi sinanay para sa mahihirap at sikretong operasyon.

Nakapokus ang US sa pagsasanay at pagdedeploy ng espesyal, kaysa regular, na mga puwersa. Kung ngayon ay nasa 42,000 ang bilang ng US special forces sa buong mundo, target nilang palakihin ito sa 250,000 sa 2015, habang binabawasan naman ang regular forces.

Sa Pilipinas, nakahimpil ang JSOTFP sa Camp Navarro ng Philippine Army sa Zamboanga. “Mas bentahe sa kanilang nasa loob ng mga kampo ng AFP, dahil reduced ang kanilang visibility. Hindi sila madaling matarget ng mga rebelde, at minimal pa ang gastos,” ani Simbulan.

Sabi pa ni Simbulan, “Ginagawa ng US ang lahat ng paraan para imantine ang imperyo nito sa pinaka-epektibo at di-magastos na paraan.”  Para dito, kailangan ang ibayong “kooperasyon” na tinawag niyang “negotiated subservience”  ng mga bansang kaalyado—o ang pagpapagamit ng mga gobyerno sa kanilang teritoryo at rekurso para sa interes na sa esensya ay dayuhan, na walang pakinabang ang sariling mga mamamayan.

Panganib sa sambayanan

Pangunahin sa mga interes ngayon ng US ang pagkontra sa bantang maungusan ng Tsina, ayon sa Sustaining Global Leadership: Priorities for 21st Century Defense. Inamin mismo sa bagong estratehikong pandepensa ng US na ang pagpoposisyon kontra Tsina ang isang dahilan ng pagpihit nito sa rehiyon.

Ngunit kaiba sa US na marahas na sinasakop ang ibang bansa simula pa noong nakaraang siglo, ang Tsina ay matataguriang “soft power”:  Pinalalawak nito ang impluwensiya sa mundo sa pamamagitan ng kapangyarihang pang-ekonomiya, kaysa militar.

Maging ang US, umaasa sa Tsina. Karamihan sa mga malalaking pabrika at kompanyang US ay nasa Tsina. Malaking palengke ang Tsina para sa mga sobrang produkto ng US. Para makapaghabol ng supertubo ang mga kompanyang US na bumabagsak sa panahon ng matinding krisis ng pandaigdigang kapitalismo, kailangan ang murang paggawa at merkado sa Tsina.

Paliwanag ni Simbulan, pinalilibutan ng US ang Tsina hindi lamang para bantayan, kundi para pakinabangan. Kaya hindi nito basta-basta gigiyerahin ang karibal—lalong hindi para pumanig sa Pilipinas sa usapin ng Scarborough Shoal.

Aniya pa, habang umaasa tayo sa US para sa depensang panlabas, lalong lumalaki ang panganib na maipit ang Pilipinas sa labanan ng dalawang bansa, na posibleng dumulo sa giyera sa hinaharap.

Samantala, patuloy na naghihirap ang sambayanang Pilipino dahil sa pangangayupapa at kawalan ng kakayahan ng gobyernong Aquino na igiit ang soberanya ng bansa mula sa kontrol ng imperyo.

SIDEBAR: Paano nilalabag ng US ang ating soberanya?