Larawan: Konboy ni Hillary Clinton, ‘binomba’ ng pinta sa Manila
Mga larawan ng surpresang protesta ng militanteng mga kabataan sa konboy ng bumibisitang nangungunang opisyal ng gobyernong US na si US State Sec. Hillary Clinton.
Matapang na nagsagawa ng lightning rally ang mahigit 50 kabataang miyembro ng Anakbayan, League of Filipino Students (LFS) at iba pang militanteng grupo ng kabataan sa harap ng National Museum noong Nob. 16 ng hapon. Ang kanilang target: konboy ng mga sasakyang nagdala kay US State Secretary Hillary Rodham Clinton, na galing sa isang porum.
Sa naturang porum, naghayag din ng protesta ang isa sa odyens, si Marjohara Tucay, punong patnugot ng Philippine Collegian sa Unibersidad ng Pilipinas-Diliman.
Binatikos ng mga militante ang Visiting Forces Agreement, na ginagamit umano ng gobyerno ng US na dahilan para permanenteng magpanatili ng kanilang armadong puwersa sa bansa. Kinondena rin nila ang RP-US Mutual Defense Treaty. Ika-60 anibersaryo noong araw na iyon ng MDT, at siyang ipinunta ni Clinton sa Pilipinas.
“Ekstensiyon lamang ito (MDT) ng pangingibabaw ng (goberynong) US sa ating bansa at sa mga interes nito sa mga karatig nating bansa,” saad ni Aki Merced, tagapagsalita ng LFS.
Nagbalik-tanaw si Merced sa naging tindig ng US at ng MDT noong kasagsagan ng sigalot para sa Spratlys. (Ulat ni Darius R. Galang)