Kabataang target ng AFP, NTF-Elcac, nagsalita na
Sa bidyong inilabas sa Facebook ni Stephanie Borinaga, Ene. 30, inilahad niya ang mga pangyayaring naghimok sa kanyang pumunta sa lugar ng mga katutubong Mangyan sa Mindoro.
Lumitaw at pinabulaanan ni Stephanie Borinaga, 20, kasapi ng progresibong grupong Anakbayan, ang ipinapakalat na maling impormasyon ng Armed Forces of the Philippines (AFP) at National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-Elcac) na siya’y nawawala.
Ito’y kasunod ng kumpiskasyon ng armadong puwersa sa identification card ni Borinaga sa tagpo ng umanong engkuwentro sa pagitan ng 203rd Infantry Brigade ng Philippine Army at New People’s Army sa Sitio Mamara, Barangay Cabacao, Abra de Ilog, Occidental Mindoro.
Sa bidyong inilabas sa Facebook ni Borinaga, Ene. 30, inilahad niya ang mga pangyayaring naghimok sa kanyang pumunta sa lugar ng mga katutubong Mangyan sa Mindoro. Pinasinungalingan ni Borinaga ang naratibo ng armadong pwersa na sya ay namanipula kaya’t nakipamuhay sa mga katutubong Mangyan.
Aniya, ang kuwento ng masahol na kalagayan ng mga katutubo bunga ng mga palyadong flood control project, pangangamkam ng mga lupang ninuno at kawalan ng mga serbisyong panlipunan ang naghikayat sa kanyang pumunta at makipamuhay sa mga komunidad.
Giit ni Borinaga, ang terorismo ng estado ang nagdudulot ng matinding pangamba sa mga residente sa Abra de Ilog. Ikinuwento niya ang naranasang kakaibang takot sa tunog ng umiikot-ikot na helicopter at paghuhulog ng bomba sa lugar ng mga sibilyan noong Bagong Taon. Hindi na aniya maisip kung aabutan pa siya ng kinabukasan, gayundin ang iba pang residente sa lugar.
Ani Borinaga, ang kanyang naranasan at nasaksihan ay patunay nang kabagsikan ng gobyerno at armadong pwersa. Aniya, hindi nakapagtataka kung bakit nag-aarmas ang ilang katutubo para ipagtanggol ang kanilang lupa at buhay.
Nanawagan si Borinaga na itigil na ang pagpapakalat ng maling impormasyon tungkol sa kanya at ang paggamit ng AFP, NTF-Elcac at Hands of Our Children sa kanyang pamilya. Dagdag nito, nasa hustong gulang na siya upang magpasya para sa kanyang sarili.
Sa pahayag ng Anakbayan sa Facebook, idiniin nito ang buong suporta sa kanilang kasapi at sa pagsusulong ng karapatan ng kabataan sa pag-oorganisa. Anila, hindi kabataan ang kalaban kundi ang mga nangangamkam ng lupa, nagnanakaw sa kaban ng bayan, at ang militar at pulisya na may kasaysayan ng pagpaslang sa mga kabataan.
Sa kasalukuyan, hindi na mapapanood ang bidyo ni Borinaga dahil sa hindi pa isinapublikong dahilan.